CHIZ: BUKAS NA ULI ANG SORSOGON PARA SA MGA TURISTA

 

Muling binubuksan ng Sorsogon ang pintuan nito para sa mga biyaherong lokal at dayuhan nang may mas magagandang imprastruktura, mas maayos na pasilidad, at mga karagdagang atraksiyon sa ilang lugar ng turismo, ayon kay Governor Chiz Escudero.

Tiniyak ni Escudero na isang mas maganda at mas maayos na probinsiya ang daratnan ng mga turista kapag bumisita sila sa Sorsogon ngayong niluwagan na ang mga restriksiyon sa pagbibiyahe dahil na rin sa pagbaba ng bilang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

“Noong nagsara ang mundo nang dahil sa pandemya, ginawa namin itong oportunidad upang mapaganda pa ang aming lalawigan. Nagkaroon ng mga renovation at improvement sa ilan sa aming mga tourism sites, pati mga kalye at iba pang mga imprastruktura ay ipinagawa,” paliwanag ni Escudero.

Sa darating na Marso 5, pangungunahan ni Escudero ang inagurasyon ng bagong Bulusan Eco-Tourism Center and Facilities at Bulusan Eco-Adventours sa Bulusan Natural Park na isinara mula nang mag-umpisa ang lockdown noong Marso 2020.

Kabilang sa mga pinaganda at pinalawak na amenidad sa Bulusan Park ang isang al fresco coffee shop at restaurant, espasyo para sa massage at spa, at mas malaking souvenir shop.

Umaasa ang hepe ng Sorsogon Porvincial Tourism na si Bobby Gigantone na maeengganyo ng bayan ng Bulusan ang kahit maliit na porsiyento ng mga nagpuntang 141,000 turista noong 2019 ngayong unti-unti nang nagbabalik-normal ang sitwasyon.

Noong nakaraang linggo, muling binuksan ng bayan ng Donsol ang “butanding” (whale shark) interaction nito para sa mga turista nang may kasamang health protocols para masiguro ang kaligtasan ng mga bisita. Mula Enero-Mayo 2019, nasa 13,000 lokal at dayuhan ang bumisita sa popular na destinasyon na kilala rin bilang “Whale Shark Capital of the World.”

Nasilip naman ng publiko ang mga sikat na destinasyong pangturismo sa Sorsogon sa natapos nang TV series na “I Left My Heart in Sorsogon.”

“Our province is more beautiful and better now kasi pinagsikapan namin itong pagandahin simula noong mag-lockdown noong Marso 2020, and I am excited to welcome both our kababayan and foreigner friends alike,” ani Escudero na kumakandidato para sa Senado.

“Umaasa kami na muling pagbubukas ng aming pinto para sa turista, lokal man o banyaga, gugulong muli ang aming ekonomiya at mabubuhay muli ang mga negosyong nahimlay dahil sa pandemya,” dagdag niya.