Sa paglala ng tensiyon sa Europa at sa gitna ng pagkilos ng Pilipinas upang maiuwi sa bansa ang mga Pilipinong nasa Ukraine, sinabi ni senatorial candidate at Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat manindigan ng gobyerno laban sa digmaan at agresyon.
“Hindi ko sinasang-ayunan na dapat maging neutral ang Pilipinas sa nangyaring pagsakop ng Russia sa Ukraine. Naniniwala ako na dapat na nating ihanay ang ating sarili kasama ng mga bansang nagtutulak ng kapayapaan at ipabatid natin sa buong mundo ang ating paninindigan laban sa anumang uri ng giyera at agresyon,” ani Escudero.
“Bilang isang bansa na may masiglang demokrasya sa mundo, ang Pilipinas, na parating nakikipaglaban para sa sarili nitong kalayaan noon pa man, ay dapat tumulong para sa pagsusulong ng kapayapaan at para sa pagtataguyod ng karapatan ng kahit anong bansa para sa self-determination,” aniya.
Bago pa man ang pananakop, nakapagpadala na ang Russia ng 150,000 tauhan nito sa mga border ng Ukraine nitong mga nakalipas na buwan. Ang mga bansang kabilang sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) ay nakapagpadala na rin ng 12,000 sundalo at pati na ng mga armas at bala, barko, at eroplano sa mga bansa sa Europa na kasapi nila.
Ngayong Lunes, inalerto na ni President Vladimir Putin ang kanilang Russian Army Deterrence Force, kung saan nabibilang ang mga puwersang nukleyar ng Russia, na pinangangambahan ng marami na posibleng pagsimulan ng isang digmaang nukleyar.
“Dapat na tuligsain ng Pilipinas ang digmaan sa lahat ng anyo nito at magsalita laban sa kalupitan at trahedya na maaaring maging hatid nito. Sa pag-uuwi natin sa ating mga kababayan mula sa Ukraine, marahil ay dapat din nating buksan ang ating pintuan para sa mga Ukranian na nangangailangan ng kanlungan, tulad ng ginawa dati ni dating Pangulong Manuel Quezon para sa Jews noong Holocaust,” ani Escudero.
Mayroong 380 Pilipino sa Ukraine kung saan 181 rito ang nakabalik na ng bansa o kaya’y nagpunta sa ibang mga siyudad sa Ukraine at Europa, ayon sa Department of Foreign Affairs.