JUNARD ACAPULCO (JA): Magandang umaga po sa lahat ng ating tagapakinig kasama si Junard Acapulco ng DZSB 104.1 Spirit FM. We are coming live to you from Calapan at ngayong umaga makakapanayam po natin ang isang kilala at two-term senator. Ngayon ay governor ng Sorsogon sa Bicol Region. Siya po ay kasalukuyang narito sa ating probinsiya. Noong siya po ay senador, naipasa ang Universal Health Care Act, libreng matrikula sa state universities and colleges (SUCs) at exemption ng minimum wage earner sa pagbabayad ng buwis. Ngayon nga ay kasama natin dito. Welcome to Oriental Mindoro, Senator Chiz Escudero. Magandang umaga po sa inyo.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Sa ating mga tagasubaybay na radyo natin gayon din ang FM dito sa Lunngsod ng Calapan at sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro. Karangalan ko pong makapiling kayo, makasama ng personal at muling makabalik sa inyong magandang siyudad at lalawigan. Good morning sa lahat.
JA: Senator, sa nagaganap na kaguluhan ngayon sa pagitan ng bansang Russia at Ukraine, mayroon po tayong 380 OFWs na naipit sa Ukraine. Noon pong isang linggo kayo po ay may panawagan na evacuation flights para sa kanila. May update na po ba tayo sa panawagan na ito na inyong ginawa?
CHIZ: Gumalaw na rin, finally, ang pamahalaan pero medyo nahuli ng kaunti. Ika nga, huli man daw ang magaling, huli pa rin dahil noong ipinanawagan ko ‘yun, hindi pa binobomba ng Russia ang mga paliparan o airport ng Ukraine. Sa ngayon, lahat ng airport ng Ukraine ay sira na at kung may ililikas tayong mga Pilipino, kailangan munang tumawid ng ating mga kababayan sa Poland o sa Belarus. Maging ganoon pa man, sana’y hindi sumuko, hindi mapagod, hindi tumigil ang DFA, DOLE at OWWA sa paghahanap sa ating mga kababayan. Sa pagtiyak na sila’y ligtas at sa paglikas sa kanila para muling makauwi sa ating bansa at makapiling ang kanilang pamilya.
JA: Maraming salamat, Senator Chiz.
JA: Senator Chiz, ang sabi po ng Department of Finance, kailangan daw pong magtaas ng buwis ang susunod na administrasyon? Tayo pa lang po’y bago palang papasok sa post pandemic world. Ano pong masasabi niyo rito?
CHIZ: Alam niyo, parang masamang ugaling tatay ang DOF ngayon. Bakit? Umutang ‘yung tatay, ginastos nung tatay ‘yung pera, tapos ang gustong magbayad ‘yong salinglahi, iyong anak nya at susunod na administrasyon. Mali po yata ‘dyun. At maling istratehiya din ang magtaas ng buwis sa pagbangon natin mula sa isang pandemya.
Kung ako’y mahahalal bilang miyembro ng Senado, bilang inyong kinatawan sa Senado, ipinapangako ko na hindi ko papahintulutan at papayagan anumang pagtataas ng buwis na magpapabigat pa sa pasanin ng ating mahihirap na kababayan. Maling istratehiya, maling taktika at hindi tama sa anumang libro ng ekonomiya, ng politika o pangsosyal man, alang-alang sa interest ng ating mga kababayan.
Kung talagang kailangan ng gobyerno ng pera, meron silang puwedeng gawin. Una, magbenta ng mga ari-arian na hindi naman nila kailangan at ginagamit. Pangalawa, gamitin ang pondo o pera galing sa private sector para magpatuloy ang “Build, Build, Build” ng gobyerno. Ang elevated skyway sa EDSA, sa NCR, private ‘yun. Ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas na ginagawa sa Cebu, private din po ‘yun. Buksan ang gripo, magbigay ng insentibo para magamit ang capital mula sa pribadong sektor. Imbes lahat ay galing sa kaban ng bayan.
Pangatlo, ayon sa pag-aaral, Php600-B hanggang Php1-T ang nawawala sa ating bansa kada taon dahil sa korapsyon at pagnanakaw at pagsasamantala ng mga opisyal. Kalahati lang nun ang mapigilan natin. Kalahati lang ‘nun ang mabawi natin. Php300-B hanggang Php500-B ‘yun sa isang taon. Sobra-sobra pangbayad ng utang. Meron ka pang puwedeng iba pang magawang proyekto o ayuda, tulong at programa para sa ating mga kababayan.
JA: Maraming salamat, Senator. At nito pong mga nakaraang linggo, sunod-sunod din ang naging pagtaas ng presyo ng langis. Ano po ang agarang magagawa natin sa walang tigil na pagtaas na ito ng presyo?
CHIZ: Pinakamataas na yata ito na presyo ng langis mula noong ipinanganak ako nung 1969. Maski siguro kayo, ito na ang pinakamataas na nakita niyong presyo. Noong ako’y nasa Senado pa, naglagay kami ng probisyon sa batas na nagsasabing puwedeng babaan ng BIR at Department of Finance ang rate ng tax kapagka tumataas ang presyo. Dahil mali naman na makinabang pa ang gobyerno sa pagtaas ng presyo.
Bigyan ko kayo ng halimbawa, kung ang buwis na percentage tax ay 10%, kapagka Php30 kada litro ang presyo ng gasolina, Php3 kada litro ang tax ng gobyerno. At ang presyong ibebenta sa atin, Php33. Kapagka tulad ngayon Php60 ang presyo ng gasolina, ‘di imbes na Php3 kada litro ang makukuha ng gobyerno, Php6 kada litro. At imbes na Php63, magiging Php66 ang benta sa atin. Dagdag pa sa pabigat ang gobyerno. Hindi tama ‘yun.
Kung ang target ng gobyerno ay Php4 kada litro, babaan niya ‘yung rate para Php4 pa rin. Hindi maapektuhan ang revenue ng gobyerno pero hindi ganun ka taas ang itataas ng presyo ng gasolina. Kailangan lang pukpukin, kailangan paalalahanan at kung kailangan awayin ang Department of Finance at Department of Energy at BIR na gawin ang trabaho nila.
JA: Thank you, Senator. Senator, ang inyo pong ama na si Salvador Escudero ay dati pong naging sekretaryo ng Kagawaran po ng Agrikultura. At kami po’y naniniwala na katulad po ng inyong ama, kayo po ay may puso para sa ating magsasakang Pilipino? Sa pagkakapasa po ng Rice Tariffication Law, three years na ang nakalipas, nakita niyo po ba sa assessment ninyo? Ito po ba’y tunay na naka tugon sa problema po ng ating mga magsasaka sa Pilipinas? At ano po ang inyong magagawa kung sakaling maremedyuhan itong mga problemang lumalabas?
CHIZ: Maliwanag po na hindi. Maganda ang intensyon ng batas pero noong ipinapatupad na, tila hindi natin nakamit ‘yung ating minimithi sa pagpasa ng batas na iyan. Mas lalong nalugmok sa kahirapan ang ating mga magsasaka. Hindi naman bumaba ang presyo ng bilihin. Pinakita lamang natin mga dayuhang magsasaka, imbis na Pilipinong magsasaka.
Kung muling makakabalik sa Senado, layunin kong repasuhin uli ‘yan, amyendahan kung kinakailangan. At kung hindi na maiwawasto, i-repeal o lubusan ng tanggalin ang batas na ‘yan. At kung may idadagdag din ako, may kasabihan tayo sa ingles, “Put your money where your mouth is.” Huwag kang dakdak ng dakdak tungkol sa agrikultura, wala ka namang nilalagay na pera sa agrikultura.
Ang budget ng Department of Agriculture, halimbawa sa taong ito, ay Php80-B. Mukhang malaki. Pero ikumpara mo iyan sa budget ng DPWH o Department of Public Works and Highways, higit Php800-B. Aba’y wala pang 10% ng budget ng DPWH ang budget ng Department of Agriculture. Samantalang 30% ng ating mga kababayan ay umaasa sa sektor ng agrikultura. At halos 90% ng mahihirap nating kababayan nandiyan din sa sektor ng agrikultura.
Hinihintay ko, hinihiling ko at ipinapanawagan ko sa mga tumatakbong president, dahil wala pang nagsasabi nito- sana may magsabi man lang na mag-a-allocate siya mula Php80-B ng Php400-B, times five, para sa Kagawaran ng Agrikultura. Para tugunan ang pangangailangan ng ating magsasaka, para kumite- once and for all ng totoong pera at sapat sa pangangailangan ng ating magsasaka, mangingisda at magniniyog, upang sa gayon hindi lubusang tumanda ang mga nasa sektor ng agrikultura na nagbibigay ng pagkain sa la mesa natin.
JA: Maraming salamat, Senator Chiz Escudero. Mensahe po ninyo para sa lahat ng ating mga tagapakinig na napapakinggan po kayo ngayon. Please go ahead, the floor is yours.
CHIZ: Sa muli, pagbati sa ating mga kababayan dito sa Calapan at buong lalawigan ng Oriental Mindoro. Karangalan ko pong makapiling at makasama kayo sa umagang ito. At dalangin kong palagi syempre po ang inyong kaligtasan. Maniwala tayo na matatapos ang pandemya, magwawakas din po ito. Sana meron pa tayong sapat na lakas para harapin ang mga bagong hamon at pagsubok na maaari pa pong ibato sa atin ng tadhana sa darating na panahon.
Sa darating na eleksyon, hiling at dalangin ko po, huwag nating sayangin ang ating kapangyarihan at karapatan pumili. Pumili at piliin ang mga lider na may kakayahan. Kakayahang magbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problema na kinakaharap natin sa ngayon. ‘Yan po ang aking inaalay sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging inyong kinatawan sa Senado.
Sa muli po, maraming salamat. Karangalan kong makapiling kayo sa araw na ito. At magandang umaga po. Ingat po kayong lahat.