ESCUDERO APRUB SA ANG PROBINSIYANO

 

Nagdekla ng pagsuporta ang Ang Probinsyano Party-list sa balik-Senado ni Sorsogon Governor Chiz Escudero dahil sa kanyang masigasig na pagsusulong ng mga adbokasiya para sa pag-asenso ng mga mamamayan sa mga lalawigan.

Sa pag-endorso sa beteranong mambabatas, hinimok ng party-list, sa pamamagitan ng isang post sa Facebook, ang mga botanteng Pilipino na iboto si Escudero dahil sa kanyang magandang track record bilang isang lingkod-bayan mula siya’y magsimula bilang kinatawan ng Sorsogon sa Kamara noong 1998.

“Kami po sa Ang Probinsyano Party-list, bilang tagapagsulong ng karapatan at pag-unlad ng buhay sa probinsya, ay buong pusong sumusuporta sa pagtakbo ni Gov. Chiz Escudero para senador. Makakasigurado tayong magiging kasama natin ni Gov. Chiz sa pagsulong ng mga batas na talagang makakatulong sa ating mga kababayan lalo na sa ating mga probinsyano,” anang organisasyong sektoral.

“Bilang isang probinsyano rin, tinutukan ni Gov. Chiz ang sitwasyon at pangangailangan ng ating mga probinsya, at sya din ang nagsulong ng ilang mga batas at proyekto para mapataas ang antas ng pamumuhay sa probinsya,” dagdag nito.

Ang Probinsyano, na muling tumatakbo para sa eleksiyon ngayong taon, ay nakabase sa Legaspi City. Si Cong. Alfred delos Santos ang kasalukuyang representaste nito sa Kamara.

Ang pagbabalik sa Senado ni Escudero ay sinusuportahan din ng mga party-list group na An Waray, Ang Kabuhayan, ARISE, Agimat, BHW, Bayaning Tsuper (BTS), Kusog Bikolandia, at Magdalo.

Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pag-endorso kay Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero, na palaging nangunguna sa iba’t ibang pre-election surveys.

Si UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin sa kasalukuyang pinuno ng Sorsogon.