MORNING CHIKAHAN

 

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Una sa lahat, Rosie, at sa lahat ng listeners natin, magandang umaga po sa inyong lahat. Maayong buntag. Good morning! Hindi tulad Rose ng ibang mga kandidato na 24/7 puwede magngampanya, gobernador pa rin ako sa Lalawigan ng Sorsogon. May trabaho akong dapat gawin doon kaya hindi ako nakakakampanya ng ganoon kadalas tulad ng ibang kandidato. Pero ngayon, karangalan kong makabalik muli dito sa Davao at sa Mindanao.

ROSE RAMOS (RR): Na-miss ka ng mga Davaoeno, Sir.

CHIZ: Na-miss ko din naman kayo.

RR: Ano po ba ang masasabi ninyo sa personal endorsement ni Mayor Inday Sara Duterte?

CHIZ: Taos-puso po akong nagpapasalamat kay Mayor Inday Sara at napakalaking bagay ng kanyang endorsement at pagbanggit sa aking pangalan kung saan man siya magtungo at magpunta. Rose, makakaasa si Mayor Inday Sara, makakabawi ako agad sa hindi malayong hinaharap. At tuald ng ibang kumakandidato, I wish her well and I wish her success in her candidacy for vice president for our country.

RR: Ba’t mahal na mahal mo ang Davaoeño

CHIZ: Marami kasi akong kaibigan dito at napalapit narin sa akin, Rose. At gayundin, isa sa mga pinakapaborito kong lugar na pinupuntahan dahil ito ang premier city of the South sa ating bansa. Nakikita ko napakaraming pagbabagong nagaganap at nangyayari palagi. Madalas nga ‘pag bumabalik ako dito tulad ngayon makalipas ang kulang-kulang dalawang taon, napakaraming pagbabago akong nakikita minsan naliligaw na nga ako dun sa mga dating pinupuntahan ko dahil napakaraming bagong establisimento at gusali na ginagawa dito sa Davao City.

RR: Sir, advantageous ba in your part na wife mo ang isang sikat na artista, artist at modelo sa pagtakbo mo ngayon bilang senator ulit?

CHIZ: Oo naman. Kung hindi ka seloso tulad ko na hindi. Dahil madalas ‘pag lumalabas kami ni Heart, palaging may nagpapa-picture. Ang problema sa kanya lang gustong magpa-picture at inaabot palagi sa akin yung camera nila para magpa-picture sa asawa ko. Tanggap ko naman ‘yun, Rose, dahil mas sikat naman talaga siya, maganda. At ako naman ay tumatanda na rin at nababad sa probinsya na medyo mahaba-habang panahon din bilang gobernador ng aming lalawigan.

RR: Malaking bagay po ba ito na makita sa lahat ng tao gaano ka progressive ang Sorsogon at ano po ang naitulong nyo sa nasabing probinsya na pwede mo ring gamitin ito para sa national?

CHIZ: Well, nangunguna sa Sorsogon sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act sa lahat ng probinsya sa buong bansa. Anong ibig sabihin nito, Rose, libre, no balance billing lahat ng hospital namin sa Sorsogon. ‘Pag ikaw ay na-confine, wala kang babayaran. At sa loob ng taong ito, makakabigay narin kami ng maintenance medicines sa out-patient services ng aming mga ospital. Ibig sabihin nun, sinumang may diabetes, hypertension, asthma, AIDS, nagbubuntis na nanay, nagpapasuso na nanay, 0-5 na mga bata, makakapagbigay po kami ng libreng gamot at bitamina sa kanila para hindi na lumala pa ‘yung kanilang karamdaman.

Noong isang araw, Rose, nag-groundbreaking ako sa kaisa-isang cancer center sa rehiyon ng Bicol, na magiging catchment base din ng mga taga-Samar, taga-Catanduanes at taga-Masbate. Para hindi na nila kailangan magpunta pa ng Maynila kung sila’y may sakit na cancer. Dun na mismo, hindi na nila kailangan umalis ng Sorsogon. Magkakaroon po kami ng cancer treatment center.

RR: Ano po bang sikreto ng iasng Chiz Escudero? Bat palagi syang nangunguna sa mga survey?

CHIZ: Wala pong sikreto. Pasasalamat lang siguro lalabas sa aking bibig sa ating mga kababayan sa patuloy nilang pagtitiwala at paniniwala. Pero Rose, survey lamang ‘yan. Ang palagi kong sinasabi, sinumang mataas dapat magkampanya parin, magtrabaho pa rin. Sinuman ang mababa, ‘wag mainis, magalit at mawalaan ng loob, trabaho pa rin sila, kampanya pa rin dahil sa dulo boto pa rin sa araw sa araw ng election ang bibilangin. Hindi naman boto sa survey. At tuloy tuloy lang po tayo lahat sa pagpaparating ng ating mensahe, ng ating adbokasiya, ng ating adhikain sa mas marami nating mga kababayan.

RR: Ano po ba ang mabisang solusyon na maitulong mo para ma-reduce man lang ang problema ng mga drivers at commuters ngayon?

CHIZ: Rose, alam mo pinakamataas na yata na presyo ng gasolina ito mula nung pinanganak ako, noong 1969. Hindi ko pa nakitang tumaas ng ganito kataas ang presyo ng gasolina at diesel.

May mga kaibigan nga akong broadcaster tsaka komentarista rin, pag mag-a-announce ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, nag-aabsent sila dahil parang palagi na lang masamang balita ang hinahatid nila sa kanilang mga programa.

Ilang solusyon: una, bigyan ng kapangyarihan ng gobyerno na babaan ang buwis kapagka tumataas ang presyo ng gasolina. Para sa gayon, hindi naman kasama ang gobyerno sa dagdag pasanin ng ating mga kababayan. Halimbawa, kung ang buwis ay 10% at ang presyo ng gasolina ay Php40, ang makukuhang buwis ng gobyerno dun ay Php4. So ang bentahan ng gasolina ay Php40. Pag umakyat ng Php60 ang gasolina at 10% ang buwis, abay biglang lalaki pa ang kita ng gobyerno mula apat na piso magiging anim na piso. Mali naman yatang pagkakitaan pa tayo ng gobyerno sa mataas na presyo.

Bigyan natin ng kapangyarihan ang Department of Energy at Department of Finance, babaan po ang buwis na pinapataw para naman hindi gaanong tumaas ang presyo ng langis. ‘Pag ginawa po nila ‘yan, bababa ng Php3 hanggang Php5 ang produkto ng petrolyo. At ‘yung increase na sinasabi mong nagbabadya bukas, hindi na po kailangan gawin.

Pangawala, ibalik natin ang OPSF, Oil Price Stabilization Fund. Ito ang sistemang nananaig noong panahon ni dating pangulong Marcos kung saan magbibigay ng subsidiya ang gobyerno sa mga kompanya ng langis para imbes na magtaas, papanatiliin na nila ang presyo sa mababa. Bakit? Alam kasi natin pagtumaas ang presyo ng langis, sasabay ang presyo ng bilihin, sasabay ang pamasahe, sasabay ang kahilingan ng mga manggagawa na magtaas din ng sweldo. At minsan ‘pag tumaas ang presyo ng bilihin, bumaba man ang presyo ng gasolina, hindi na bumababa ang presyo ng bilihin, mataas ng dati pa rin.

At panghuli, magtatag tayo ng strategic petroleum reserve. Anong ibig sabihin nito? Mag-iimbak, mag-stock pile tayo ng langis. Bibili tayo ng langis ‘pag mura ang presyo ng pandaigdigang merkado , itatago lang natin. At kapag ka tumataas muli ang presyo, ibebenta natin sa murang pagkakakuha natin para mapilit na bumaba at mapababa ang presyo kapag ka seasonally tumataas ang presyo tulad sa panahong ito na may gyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

RR: May proposal, Sir, to suspend the tax reform for acceleration law.

CHIZ: Para sa akin, isuspende, alisin o babaan yung rate. Lahat ‘yan puwedeng ibigay natin ng kapangyarihan sa pamahalaan tulad ng una kong sinabi. Ang problema sa pagsuspinde, imbis ng pagpapababa ng rate, Rose. Gaano katagal nila gagawin, baka mamaya dalawang linggo lang o isang linggo lang o tatlong linggo lang, mas magandang i-awtorisa sila pag pumapalo na halimbawa ng higit $80 per barrel. Automatic dapat suspended na ‘yung buwis. Depende kung kailan ‘yan pumalo dun, suspendido dapat yung buwis pag dumating sa isang halaga ng presyo ng kada barrel ng produktong petrolyo.

RR: May proposal po si President Duterte na gamitin natin ang Bataan Nuclear Power Plant.

CHIZ: Pabor po ako dun dahil bukas ang kaisipan ko sa anumang uri ng teknolohiyang makakapagbigay sa atin ng kuryente. Ngayon pa lang, Rose, na hindi pa gumugulong ng lubusan ang ating ekonomiya, kulang na ‘yung kuryente. Ano pa kaya ‘pag nakabangon na tayong muli mula sa pandemyang ito? Paano na? Wag po kayong mag-alala, hindi lamang Mindanao ang makakaranas ng kulang na supply ng kuryente. Luzon at Visayas mararanasan din po ‘yan sa darating na dalawa hanggang tatlong buwan o, ika nga, mga summer months. Malamang makakaranas tayo ng brownout sa hindi malayong hinaharap dahil sa kakulangan ng supply ng kuryente.

RR: Ano po ba ang plano ninyo kung palarin for the benefit of the Davaoeno na mahal na mahal ka ng taga-Davao?

CHIZ: Hindi lamang po Davaoeno pero buong Mindanao. Ang ipagpapatuloy natin dapat ‘yung sinimulan ni Pangulong Duterte na “Build, Build, Build” program na malayo naging benepisyo po ng Mindanao at nabigyan talaga ng pansin ang Mindanao. Dahil sa kauna-unahang pagkakataon, matapos ang mahabang panahon nagkaroon tayo ng presidente na taga-Mindanao. Dapat magpatuloy po ito at titiyakin ko sa inyo pag nakabalik ako sa Senado, ipagpapatuloy po natin ito dahil pinaka-kailangan ng tulong at imprastraktura ang Mindanao kumpara sa madalas Luzon ay binubuhusan ng napakaraming imprastraktura ng mga nagdaang presidente.

Pangalawa, importanteng magpatuloy ang pagiging centro ng Davao sa komersyo dito sa ka-Mindanaoan upang sa gayon hindi lamang nakatingin at nakatingala lahat sa Maynila o sa Metro Manila. Dapat magpalakas tayo ng mga sentro ng komersyo sa iba’t ibang parte ng bansa at sa Mindanao, ‘yan ay sa Davao.

RR: Wala ba daw kayong plano na magkaanak?

CHIZ: Meron. Nagpa-practice practice kami ngayon, Ma’am Rose. At least nagpa-practice practice. Meron pero alam mo tama na magkaiba ang mundo namin, bakit? At least pag-uwi namin sa bahay, ibang kuwento ang dala namin, natututo kami sa isa’t isa. At ‘pag may kagalit ako, hindi naman niya kailangan kagalit din. ‘Pag may kagalit siya, hindi ko naman kailangang kagalit din. At pag-uwi namin sa bahay, pag nagkita kami mula sa magkaiba naming mundo tulad lamang ngayon, Rose, si Heart ay nasa  Paris. Ako ay nasa Davao City. Galing ako kahapon sa Cotabato City at Gen San. Ako’y nasa Mindanao. Siya’y nasa Europa. Tila magkaiba ang mundo namin pero nagkakatugma at nagkasundo parin naman. Ika nga nila, at least sa mag-asawa, kapag ka hindi kayo madalas magkasama at LDR, pag hindi kayo magkapiling, namimiss nyo ang isa’t isa. At pag nagkita kayo, gigil sa isa’t isa.

RR: Sabi niya dito, ninong daw niya ‘yung dating mayor. Tiyo ni Senator, dating mayor si Oscar. Ninong ko sa kasal sa Sorsogon.

CHIZ: Si Lolo Oca Escudero. ‘Yung anak nya’y dito nakabase sa Davao, isang duktor si Oscar din ang pangalan. Opo, pumanaw na lamang ang Lolo Oscar ko sa dating matagal na mayor sa Casiguran. Siguro dalawang taon ng nakalilipas, nasa America na siya pumanaw kapiling ang kanyang asawa. Pero maraming salamat sa pagparating ng pagbati. At least may nakarating na Escudero din na lahi dito sa Mindanao at sa Davao.

RR: Regards kay Senator, siya talaga ang number one sa balota ko.

CHIZ: Maraming, maraming salamat po.

RR: Ano po ba ang programa ni Senator para sa kalikasan lalo na sa mga small miners na nakabase dito sa Davao de Oro?

CHIZ: Mas pabor ako na pagbigyan at bigyan ng buwelo ang small miners natin imbes na malalaking kumpanya na nagmimina sa ating bansa na open-pit mining lamang ang ginagawa. Mas papaboran ko na mabigyan ng rektang kitang maliliit natin miners. Kaya pinasa namin noong panahong nasa Senado pa ako, ang batas na nagbibigay daan para diyan. Kaya lang, ‘yung mga nagdaang panahon tila’y hindi napapatupad ng tama ang batas na pinasa namin para mapalakas ang mga maliliit na nagmimina sa ating bansa. Isa po ‘yan sa titiyakin kong babalikan at gagawin. Minsan naman kasi, hindi kailangan ng bagong batas. Kailangan lamang natin Rose, paluin, awayin, paalalahanan o sipain ang ilang ahensya ng pamahalaan para gawin ‘yung kanilang trabaho. Dahil nagawa na namin ‘yung aming trabaho sa pamamagitan ng pagpasa ng batas na kailangan ng ating kababayan.

RR: May gusto ka pang iparating sa lahat na nakikinig sa atin.

CHIZ: Particular sa Bukidnon, hihingi po kami ng paumanhin dahil dapat ngayong umaga, tutungo kami sa Malaybalay at sa Bukidnon, kaya lang dahil sa low-pressure area. Hindi po kami pinayagang lumipad patungo jan. Pero pupunta kami mamayang hapon sa Kidapawan, North Cotabato.

Karangalan ko, Rose, na makapiling at makasama ang ating mga kababayan. At personal na makabisita dito sa Radyo Singko. Sa matagal na panahon, na-miss ko kayo. At dalangin ko na sana ‘wag natin sayangin ang ating kapangyarihan at karapatan pumili at piliin ang mga lider na may kakayahan. Kakayahang magbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problema ng ating bansa na syang iniaalay ko po sa inyo sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro muli at kinatawan ninyo sa Senado.

Sa muli, Ma’am Rose, sa iyo at sa listeners, magandang umaga at maraming salamat. Daghang salamat ug maayong buntag. Thank you ang good morning. Keep safe.