Sa harap ng banta ng mas marami pang oil price hike at ng kahingian para sa mas malaking fuel subsidy para sa mga apektadong sektor sa mga susunod na buwan, sinabi ni senatorial candidate at Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat na bigyang-konsiderasyon agad ng gobyerno ang pag-realign ng pondo o ang pagpasa ng isang supplemental budget.
Pinapurihan ni Escudero ang paglalabas ng Php2.5 bilyong fuel subsidy ng Department of Budget and Management subalit kanyang sinabi na hindi ito makakasapat upang masuportahan ang mga manggagawa mula sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura lalo’t pataas nang pataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Maganda sana kung tuloy-tuloy pero baka naman first and last na. The spike in fuel will continue for several weeks, baka nga ilang buwan pa, eh. Ang puwedeng gawin dito, either Congress passes a supplemental budget or the president realigns some funds,” aniya.
Naglaan sa 2022 General Appropriations Act ng Php2.5 bilyon para sa fuel subsidy sa ilalim ng Department of Transportation (DOTR) at mayroon ding Php500 milyon na nasa ilalim naman ng Department of Agriculture (DA). Bukod sa mga ito, may Php5 bilyon pang nakaabang sa ilalim ng tinatawag na “unprogrammed appropriations” na magagamit lamang kapag sumobra ang koleksiyon ng gobyerno sa target nitong kita.
“Kailangang kumilos agad ng Kongreso dahil gugugol ng maraming oras ang buong proseso ng pagpasa ng isang supplemental budget, eh, eleksyon pa naman so busy sa kampanya ang maraming mambabatas. The quickest way would be for the president to realign any unused or unprogrammed funds. Puwedeng gawin ‘yan ng Pangulo,” ani Escudero na naging senador mula 2007 hanggang 2019.
Nauna nang nagbabala ang Department of Energy na maaaring lumobo sa Php100/litro ang retail price ng fuel depende na rin sa presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado. Dahil dito, nanghihingi na ng pisong dagdag-pasahe ang mga operator ng dyip.
Inirekomenda ng economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte na itaas sa Php5 bilyon mula Php2.5 bilyon ang fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon habang Php1.1 bilyon naman mula Php500 milyon para sa sektor ng agrikultura o kabuuang Php6.1 bilyong fuel subsidy na nakatakdang ipamahagi ngayong Marso at Abril.
Makatatanggap ng tig-P6,500 kada isa ang 377,443 benepisyaryo ng DOTR habang tig-Php6,329 naman kada isa ang matatanggap ng 79,000 benepisyaryo ng DA.
“Ang National Budget ay pinag-uusapan at ipinapasa a year ahead kaya ang sitwasyon sa panahon ng paghahanda rito ay maaaring maiba sa panahon ng implementasyon. Because of the volatility of the oil market now, we could be facing an energy crisis that will jack up the cost of electricity and basic goods. Kailangan natin ng pondo para mapagaan ang epekto ng isang napipintong krisis sa lahat ng sektor at mga tahanang Pilipino,” ani Escudero.