Pumangalawa si senatorial candidate at Sorsogon Governor Chiz Escudero sa Top 5 ng best performing governors sa buong bansa, ayon sa isang non-commissioned survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD).
Aprubado si Escudero, na kumakandidato ngayong Halalan 2022 para sa isang bagong anim na taong mandato sa Senado, sa 81% ng respondents na sumali sa ginawang face-to-face survey noong Pebrero 22-28, 2022.
Ayon kay Dr. Paul Martinez ng RPMD, sinuri nilang maigi ang ratings at rankings base sa naging trabaho ng mga halal na opsiyal kung saan pinagbatayan sa mga gobernador ang implementasyon ng mga programa at inisyatiba, pagpapatupad ng batas, at pati na pagsasaayos ng plano ng probinsiya ukol sa pag-unlad.
“Dapat papurihan itong mga public official na talagang nagtrabaho para sa kani-kanilang mga mamamayan dahil sa kanilang exceptional performance,” dagdag niya.
Naging tanong sa mga respondent ng RPMD Public Satisfaction Survey sa bawat distrito, siyudad o probinsiya ang: “Do you approve or disapprove of the way [name of Mayor/Governor/Representative] is carrying out his/her duties as (Mayor/Governor/Representative)?”
Paliwanag ni Martinez, ang nasabing survey ay mayroong kabuuang 10,000 respondents at random sampling at face-to-face interviews ang kanilang ginamit na metodo. May margin of error itong +/- 1% confidence level na 95%, ayon pa sa kanya.
Si Escudero, na palaging nangunguna sa iba’t ibang pre-election senatorial surveys, ay pinupuri sa kanyang mga nagawa sa Sorsogon wala pang tatlong matapos mahalal bilang gobernador noong 2019.
Isa sa pangunahing nagawa ni Escudero bilang gobernador ang pag-aayos ng mahihigpit na kahingian para makakuha ng katibayan mula sa International Organization for Standardization (ISO). Sa ngayon, ISO-certified na ang lahat ng departamento ng pamahalaang probinsiya kabilang ang lahat ng siyam nitong ospital sa ilalim ng Sorsogon Provincial Health Office.
Sa kasagsagan ng pandemya, nagawa rin ng probinsiya na matagumpay na mapamahalaan ang pagkalat ng virus kung saan mahigit kalahati ng 541 barangay ang hindi napusukan ng COVID-19.
Habang sarado naman ang probinsiya nang dahil sa mga lockdown, humataw naman si Escudero sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang dito bagong 5.52-kilometrong Sorsogon Coastal Road na binuksan noong Agosto 2020.
Kabilang din sa mga proyekto ni Escudero ang mga bagong opisina ng Civil Service Commission, Provincial Veterinary Office and Animal Shelter, ang Philippine Fiber Industry Authority, at ang pagbubukas ng kauna-unahang pasilidad para sa pag-isolate at paggamot COVID-19 at ibang pang nakahahawang sakit.