ESCUDERO, NO. 2 ANG RANGGO SA EASTERN SAMAR SENATORIAL SURVEY

 

Nag-number 2 ang beteranong mambabatas at kasalukuyang Sorsogon Governor Chiz Escudero sa hanay ng mga kandidato na tumatakbo para sa 12 puwesto sa Senado, ayon sa isang survey na kinomisyon ni Eastern Samar Gov. Ben Evardone sa loob ng nasasakupan ng probinsiya.

Lumilitaw sa survey na pinili si Escudero ng 51.79% ng 1,788 respondents na random na pinIli mula sa 22 munisipalidad at Borongan City ng probinsiya.

Mayroong 338,718 rehistradong botante sa Eastern Samar noong 2019 mid-term elections, base na rin sa datos mula sa Commission on Elections.

Lalong pinatibay ng resulta ng Eastern Samar ang katayuan ng beteranong mambabatas bilang palagiang top pick ng respondentS sa iba’t ibang independent surveys bago ang halalan sa Mayo.

Sa isang provincial survey nito lamang, si Escudero ay nag-number 1 naman sa Laguna kung saan pinili siya ng 56.81% ng 1,556 respondents na kinuha mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng probinsiya.

Isang dating senador nang dalawang termino, si Escudero ay kumakandidato muli na may dala-dalang plataporma para sa pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan, pagtitiyak sa wastong paggamit ng pondo ng gobyerno, at pagsolusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at pangkalusugang hatid ng COVID-19 pandemic.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado kasabay ng pagsasabi na malaki ang papel na gagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya.

Maging anak ni Duterte na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.

Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Magdalo.

Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.