Nanatiling number 1 choice si Sorsogon Governor Chiz Escudero para sa pagkasenador matapos siyang piliin ng halos 50% ng respondents sa pinakabagong survey ng Publicus Asia na isinagawa noong Marso 9-14, 2022.
Hindi natinag si Escudero, na isang beteranong mambabatas na kumakandidato para sa Senado sa halalan sa Mayo 9, sa kanyang puwesto sa loob ng apat na magkakasunod na quarter ng PAHAYAG pre-election surveys ng Publicus.
Sa huling survey, pinili si Escudero ng 48.8% ng 1,500 respondents mula sa listahan ng mga kandidato na kumakandidato para sa 12 puwesto sa Senado.
Ang kinuhang ng sample ng respondents ay galing sa opisyal na datos ng Commission on Elections, ayon sa Publicus.
Isang dating senador nang dalawang termino, si Escudero ay kumakandidato muli na may dala-dalang plataporma para sa pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan, pagtitiyak sa wastong paggamit ng pondo ng gobyerno, at pagsolusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at pangkalusugang hatid ng COVID-19 pandemic.
Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado kasabay ng pagsasabi na malaki ang papel na gagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya.
Maging anak ni Duterte na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.
Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.
Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.
Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Magdalo.
Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.