Sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na mawawalan ng silbi ang pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Law kung hindi rin lang din ito napapakinabangan ng pinakamahihirap na probinsiya, lalo na sa Mindanao.
Sinabi ni Escudero, na kumakandidato para sa Senado, ang mga lokal na pamahalaan sa bahaging Katimugan ay parating napapabayaan pagdating sa imprastruktura at pangangalagang pangkalusugan kung kaya nananatiling pinakamahihirap sa buong bansa ang mga munisipalidad at probinsiya roon.
“Hindi magkakaroon ng isang matatag na ekonomiya kung walang malusog na mga mamamayan. At hindi magiging epektibo ang UHC kung magpapatuloy na walang de-kalidad o hindi nadarama ng mga taga-Mindanao ang pangangalagang pangkalusugan. Dapat mayroon silang sapat na suplay ng gamot, mga kagamitang pangkalusugan, at maging ng health workers,” ani Escudero.
Lumilitaw sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa first quarter ng 2021 na nabibilang sa grupo ng pinakamahihirap ang mga probinsiya sa Mindanao kung saan napakataas ng poverty incidence o nakakaranas ng matinding kahirapan ang mga pamilya. Sa Sulu, nasa 71.9 ang poverty incidence habang sa Zamboanga del Norte, 53.6%; Basilan, 46.7%; Sarangani, 42.1%; Cotabato City, 42%; Agusan del Sur, 39.6%; at Tawi-Tawi, 39.5%. Ang mga nasabing lugar ay siya ring naitala na pinakamahihirap na probinsiya sa kaparehong ulat ng PSA noong 2018.
“Sa ngayon, may mga probinsiya sa Mindanao na wala pa ring barangay health centers para sa kalahati ng kanilang populasyon. Papaano ka magkakaroon ng universal health care sa mga lugar na ito? Health care cannot be called ‘universal’ if somebody is left out or left behind. ‘Di ba dapat, walang etsa-puwera?” ani Escudero.
Hinimok din ng beteranong mambabatas ang Department of Health (DOH) na palakasin pa ang programa nitong Doctors to the Barrios (DTTB) kung saan nagpapadala ang DOH ng mga doktor sa tinatawag na “GIDAs” o “geographically isolated and disadvantaged areas”. Noong 2017, nasa 215 lang ang DTTBs na naglilingkod sa ilalim ng programa.
“Ilan ba sa ating DTTBs ang mayroon ngayon sa Mindanao? Marahil ay gandahan sana ng DOH ang mga insentibo para sa mga doktor na pipiliing tatahakin ang mahirap na daan upang mapaglingkuran ang mahihirap na komunidad kasabay ng pagtiyak sa kanilang seguridad sa pagpunta nila sa mga liblib at malalayong lugar,” ani Escudero.
Bukod sa pagpapalawak ng mga serbisyong pangkalusugan, kanyang sinabi na dapat ipagpatuloy ng susunod na administrasyon ang Build, Build, Build program na napakinabangan ng Mindanao sa nakalipas na anim na taon.
“Pinakakailangan ng tulong at imprastraktura ng Mindanao kumpara sa Luzon na madalas ay binubuhusan ng napakaraming imprastraktura ng mga nagdaang presidente. Dapat magtayo at magpalakas din tayo ng mga sentro ng komersyo sa iba’t ibang parte ng Mindanao, gaya ng ginawa sa Davao,” aniya.