BALIK-SENADO NI CHIZ INENDORSO NG KAPUSO-PM PARTY-LIST

 

Inendorso ng nakabase sa Bulacan na Kabalikat Patungo sa Umuunlad na Sistematiko at Organisadong Pangkabuhayan Movement (KAPUSO-PM) Party-list ang kandidatura ni Sorsogon Governor Chiz Escudero para sa Senado.

Sa isang pahayag, sinabi ng chairman ng party-list na si Rhandell Santos na sinusuportahan ng kanilang organisasyong politikal ang kandidatura para sa Senado ni Escudero dahil sa magandang track record nito bilang isang lingkod-bayan mula nang mag-umpisa ito sa politika mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.

“Taos-pusong sinusuportahan ng Kabalikat Patungo sa Umuunlad na Sistematiko at Organisadong Pangkabuhayan Movement (KAPUSO-PM) ang kandidatura sa Senado ni Governor Francis Joseph ‘Chiz’ Escudero. Kami ay naniniwala na si Governor Escudero ay magiging katuwang ng aming samahan sa paggawa ng mga batas na tumutugon sa pangangailangan ng bawat mamayang Filipino,” ani Santos.

“Ang walang dungis na track record ni Gov. Escudero bilang lingkod-bayan ay isang patunay na karapat-dapat siyang mahalal sa Senado. Bilang Gobernador, sinimulan niya ang mabilis na pagpapatupad ng mga proyekto sa kalusugan, turismo, agrikultura, imprastraktura, social services at disaster risk management na lubos na nagpabago sa buhay ng mga Sorsoganons,” dagdag niya.

Ang bagong tayong party-list, na kasali rin sa pambansang halalan sa Mayo, ay kinakatawan pareho ang mga maralitang tagalungsod at tagaprobinsiya na hindi sapat ang kita upang masuportahan ang kanilang mga pansariling pangangailangan at lalo ng kanilang mga pamilya.

Ayon sa KAPUSO-PM, ang mga batas na isinulong ni Escudero ay naaangkop sa layunin nilang matulungan ang mga marginalisadong Pilipino.

“Bilang mambabatas, sinulong niya ang pagsasabatas ng mga gawaing kumakatawan hindi lamang sa pamumunong mapagbago, kundi tumutupad din sa atas ng bayan: Ang tiyakin na ang bawat karapatan ng mga Pilipino ay kinikilala at pinangangalagaan, na mas madaling magkaroon ng mga pagkakataon para sa mga panghinaharap na pag-ani, at ang mga repormang itinatag ay magiging pundasyon para sa tuluy-tuloy na pag-unlad para sa lahat,” anang grupo.

Sinabi ni Escudero, na nagbabalik-Senado, na kanyang tututukan ang pagkakaroon ng karagdagang awtonomiya ng mga lokal na pamahalaan, pagtiyak na magiging makatarungan at matalino ang paggastos sa taunang pondo, at ang pagtulong sa pagbangon ng ekonomiya na nasapul ng pandemya kapag siya’y nahalal uli.

Bukod sa KAPUSO-PM, ang balik-Senado ni Escudero ay suportado rin ng iba’t ibang party-list group, kabilang dito Ang Probinsyano, Bayaning Tsuper (BTS), Kusog Bikolandia, Ang Kabuhayan, An Waray, ARISE, Agimat, BHW, at Magdalo.

Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay nagpahayag na rin ng pag-endorso sa kanya.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero na palagong nangunguna sa iba’t ibang independent pre-election survey.

Si UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin sa kasalukuyang pinuno ng Sorsogon.