Nag-number 2 si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa hanay ng mga kandidato sa pagka-senador para sa mga mag-aaral ng nasa Cagayan de Oro City na University of Science and Technology of Southern Philippines (USTP) base na rin sa katatapos lamang na “Sinu-sino Para sa 2022?” mock elections.
Ang online polls ay isinagawa ng USTP-CDO Student Government, Department of Research and Information ng University Student Government, at USTP Society of Information Technology Enthusiasts noong Pebrero 26-28, 2022.
Pinili si Escudero ng 608 ng 1,111 student respondents o mahigit 50% ng kabuuang survey samples mula sa senior high school at college students ng USTP-CDO campus.
Ang beteranong mambabatas ay palaging pinipili ng mga mag-aaral sa kolehiyo at pati ng mga tauhan at guro sang-ayon na rin sa iba’t ibang surveys na isinagawa ng iba’t ibang paaralan. Noong isang buwan, nag-number 1 ang gobernador sa listahan ng mga senatorial candidate nang piliin siya ng 59.46% ng kabuuang bilang ng respondents mula sa Philippine Normal University (PNU)-Mindanao Campus.
Pumapangalawang puwesto rin siya sa PNU-North Luzon campus, na nasa Alicia, Isabela, kung saan aprubado siya sa 55% ng respondents.
Number 1 choice din si Escudero sa pagkasenador para sa respondents sa survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines na kinabibilangan ng 1,525 paaralan.
Isang dating senador nang dalawang termno, si Escudero ay kumakandidato na kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at ang pag-aalok niya ng pagtulong sa susunod na administrasyon sa pagsolusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at pangkalusugang hatid ng COVID-19 pandemic.
Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado kasabay ng pagsasabi na malaki ang papel na gagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya.
Maging anak ni Duterte na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.
Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.
Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.
Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Magdalo.
Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.