CHIZ NANGUNA SA SENATORIAL MOCK POLLS NG MGA ESTUDYANTE NG CAGAYAN

 

Kabilang si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa mga kandidato sa pagka-senador na bumandera sa isang bagong mock elections na kinabilangan ng mga mag-aaral ng Cagayan State University’s College of Allied Health Sciences (CSU-CAHS) sa Tuguegarao City.

Ang online survey, tinawag na “Likha Pahinarya: Mock Elections Survey 2022”, ay isinagawa mula Marso 12-25 at inorganisa ng Likha Pahinarya, ang opisyal na pahayagan ng CSU-CAHS.

Ibinoto si Escudero ng halos 60% ng 681 respondents sa online survey. Kuwalipikadong bumoto sa halalan sa Mayo 9 ang lahat ng nakuhang survey samples.

Ang beteranong mambabatas ay palaging pinipili ng mga mag-aaral sa kolehiyo at pati ng mga tauhan at guro sang-ayon na rin sa iba’t ibang surveys na isinagawa ng iba’t ibang paaralan. Noong isang buwan, nag-number 1 ang gobernador sa listahan ng mga senatorial candidate nang piliin siya ng 59.46% ng kabuuang bilang ng respondents mula sa Philippine Normal University-Mindanao Campus.

Pumapangalawang puwesto rin siya sa PNU-North Luzon campus, na nasa Alicia, Isabela, kung saan aprubado siya sa 55% ng respondents.

Number 1 choice din si Escudero sa pagkasenador para sa respondents sa survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines na kinabibilangan ng 1,525 paaralan.

Isang dating senador nang dalawang termno, si Escudero ay kumakandidato na sa kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at ang pag-aalok niya ng pagtulong sa susunod na administrasyon sa pagsolusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at pangkalusugang hatid ng COVID-19 pandemic.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado kasabay ng pagsasabi na malaki ang papel na gagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya.

Maging anak ni Duterte na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.

Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, at KAPUSO-PM.

Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.