CHIZ: DAPAT MAPUNTA NANG BUO PARA SA AYUDA PACKAGE ANG KITA SA BUWIS SA FUEL

 

Imbes na Php200 buwanang tulong, sinabi ni senatorial candidate at Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat likumin na lamang ng gobyerno ang lahat ng koleksiyon mula sa buwis sa fuel para mabigyan ang mga naghihikahos na pamilyang Pilipino ng mas kapakipakinabang na ayuda package.

Sinabi ng beteranong mambabatas na dapat magpasa ang Kongreso ng isang supplemental budget upang masiguro na mapupunta lamang ang kita mula sa tax, na tinatayang aabot pa ng Php105.9 bilyon ngayong taon, sa mga Pilipinong lubhang apektado ng oil price hikes.

“Dahil ayaw naman ng gobyerno na suspendihin ang pagkolekta ng excise taxes on petroleum, siguro ang tanging magagawa nito ay mabigay ng financial assistance na mararamdaman ng mahihirap na pamilya. Balewala lang kasi ang Php200 per month at para masabi lang na may ginawa ang ating mga opisyal,” ayon kay Escudero na dati nang pinamunuan ang Senate Committee on Finance.

Binigyang-diin niya na bukod sa excise tax sa fuel sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, nakakokolekta ang pamahalaan ng 12% value-added tax (VAT) sa lahat ng mga produktong petrolyo. Mula Enero-Pebrero, nasa Php3 bilyon na ang kita sa excess VAT at tinatayang aabot ito ng Php20 bilyon ngayong 2022 sa harap ng pagpalo ng presyo ng Dubai crude oil sa $100 kada bariles. Nasa $120 bariles na ngayon ang presyo ng crude oil.

“Hindi naman yata tama na pagkakitaan pa ng gobyerno ang mga mamamayan na hindi na nga makagulapa sa kasalukuyan at bigyan lamang sila ng mumo gayong sila ang nagdurusa sa isang deregulated oil industry kung saan malayang nakapagtataas ng presyo ang mga oil company,” ani Escudero.

Inanunsiyo ng Department of Budget and Management noong nakaraang Miyerkules na pamamahagi ito ng Php500 ayuda sa mahihirap na tahanan sa loob ng unang tatlong buwan subalit magiging Php200 na lamang uli sa susunod na siyam na buwan. Naglaan na rin ito ng Php3 bilyong fuel subsidy para sa mga manggagawa sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura subalit tinanggihan nito ang mga panawagan ng pagsuspinde sa excise tax sa fuel.

“Dapat na matugunan ng kita sa lahat ng klase ng buwis sa fuel ang mga pangangailangan ng mga mamamayan at kailangang malaman ito ng gobyerno. Kaya nga itinutulak ko ang pagkakaroon ng isang supplemental budget base sa mga tax collections na ito dahil hindi natin alam kung hanggang kailan natin kakayanin ang mga epekto ng oil price hikes,” aniya.