FAMILY APPOINTMENT WITH EL SHADDAI

 

Una sa lahat nais ko magbigay ng paggalang at pagkilala kay Yahweh El Shaddai. Gayundin sa Pamilya Velarde sa pangunguna ni Bro. Mike, Congressman Rene Velarde, Congressman Michael Velarde, kay Sheri at Doc Franklin at sa Pamilya Muna Party-List at sa lahat ng bumubuo ng El Shaddai.

Magandang hapon po sa inyong lahat.  Ako po si Chiz Escudero. Mas kilala bilang asawa ni Heart Evangelista na hindi ko kasama ngayon dahil ‘pag sinama ko siya baka siya ang pansinin ninyo at hindi ako.

Ako po’y muling humaharap sa dambana ng balota para maging kinatawan muli ninyo para maging tagapaghatid muli ng boses ninyo at para muling maging miyembro ng Senado.
Mabigat at seryoso ang mga problema ng ating bansa sa ngayon dulot ng pandemyang kinahaharap natin nitong nagdaang dalawang taon.  Ang kinakailangan po natin, mga lider na may kakayahang magbigay ng siguradong direksyon at solusyon sa mabibigat na problemang kinahaharap ng ating bansa bilang isang lahi.

Alam ko, sa kada pamilya iba-iba ang sinusuportahan o dinadalang kulay.  Sa kada magkakaibigan, iba-iba ang dala kulay may pula, may pink, may green, may blue, may puti.  Sa trabaho ang magkaka-opisina ay nagdedebate’t nag-aaway minsan hindi na nagkakausap.  Sana alalahanin po natin sa panahon ng kampanya at eleksyon, anumang dala nating kulay sa ngayon – pula, pink, blue, white o green – pagkatapos ng halalan ang dapat nating kulay na pinanghahawakan na lamang ay ito pula, asul, puti na may halong dilaw.  Mga kulay na sumasagisag sa bandila ng ating bansa, sumasagisag sa bandila ng Republika ng Pilipinas.  Sinuman mananalong presidente, sinuportahan man siya o hindi, gusto man siya o ayaw sa kanya, sa tototo lang minumura ngayon o sinasabing mahal siya bawat isang iyon dapat pagsilbihang pantay ng sinumang mahahalal sa anumang puwesto sa ating banasa.  Mula pangulo pabababa sa konsehal ng kada munisipypo.

Sa araw lamang po ng halalan tunay nagkakapantay-pantay bawat Pilipino.  Bawat Pilipino babae man o lalaki, bawat Pilipino, anuman ang relihiyon, mayaman o mahirap, may hitsura o wala, nakapag-aral o hindi, pagdating ng ika-nuwebe ng Mayo, tigi-tigisa lamang tayo ng boto.  Pantay ang bawat isa at walang makakalamang.  Sana huwag po nating sayangin ang pagkakataon, karapatan at kapangyarihan binigay po sa atin para piliin ang susunod nating mga lider.

Bilang pangwakas, hayaan niyo ibahagi ko sa inyo ang isang kasabihan na nakita ko lamang sa TikTok pero maganda naman.  Ika nga sa wikang Ingles ang sabi po ang kasabihang, “we do not have to agree on anything to be kind to one another.”  Hindi natin kailangang magkasundo sa lahat ng bagay.  Posible pa nga magkaaway tayo sa lahat ng bagay.  Pero maging ganoon pa man, marapat at dapat maging mabuti pa rin tayo sa isa’t isa.  Hindi dahilan ang hindi pagkakasundo sa ilan o sa lahat ng bagay para hindi po tayo makipagkapwa-tao sa kapwa nating Pilipino.

Sa muli po, karangalan ko makausap ko kayo makapiling sa araw na ito.  Taos-pusong pasasalamat kay Yahweh El Shaddai. Taos-pusong pasasalamat din kay Brother Mike Velarde. Dalangin ko po ang inyong kaligtasan.  Magandang araw po sa inyong lahat!