SONSHINE NEWSBLAST

 

BRYAN CAPUNONG (BC): Ngayong umaga po ay atin pong makakapanayam ang isang kilala at two-term senator na ngayon ay governor ng Lalawigan ng Sorsogon sa Bicol region. Noong siya ay naging senador ay naipasa ang Universal Health Care Act at libreng matrikula sa state universities and colleges at exemption ng minimum wage earners sa pagbabayad ng buwis. Kay Chiz Escudero, sigurado. Sa puntong ito ay kasama natin ang isang senador, este, Governor Chiz Escudero dito ho sa ating probinsiya. Magandang araw po at welcome, Gov.

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Bryan, magandang umaga sa iyo. Sa lahat ng listeners natin at tagapakinig ng Sonshine Radio sa Cauayan at sa buong Lalawigan ng Isabela. Karangalan ko na muling makabalik ng personal sa inyong lalawigan makalipas ang mahigit dalawang taon dahil sa pandemya. Naimbag nga bigat kadakayo amin. Sa lahat ng mga listeners, good morning. Kumusta na po kayong lahat?

BC: Gov, bago ka po dadako doon sa inyong tuloy tuloy na pangangampanya una ko pong hingin sa inyo kung ano ho ang masasabi ho ninyo? Naging top two ho kayo sa top five governors sa buong bansa?

CHIZ: Malaking karangalan po iyan, hindi lamang para sa akin pero para sa mga kapwa ko opisyal at empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon. Hindi lamang naman ako ang nagtrabaho at kumilos kung hindi empleyado at opisyal ng aming lalawigan. Kung ikukumpara sa ibang mga lalawigan na binigyan ng pagkilala kami na yata ang pinakamahirap na probinsiya na binigyan ng pagkilala tulad niyan. Maraming salamat sa RP Mission Development Foundation sa kanila pong ibinigay na pagkilala sa aming mga opisyal, buong opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon.

BC: Senator Chiz, halos ho nangangalahati na ang ating campaign period ho. Ano ho, kamusta naman ho ang inyong pangangampanya?

CHIZ: Ayos naman ho. Noong isang araw ho, nanggaling kami ng Bataan, ng Zambales. Kanina ay galing kami ng Tuguegarao. Tutuloy kami mamaya patungo sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Pero ‘di tulad ng ibang mga kumakandidato na araw-araw, puwedeng mangampanya, limitado ang aking panahon para mangampanya dahil may tungkulin pa rin ako na dapat gampanan bilang gobernador ng Lalawigan ng Sorsogon.

BC: Paano ho ninyo sabay-sabay na tumakbo bilang senador at meron pa nga ho kayong tungkulin bilang senador doon sa Sorsogon?

CHIZ: Idagdag mo pa ang pamilya. Tanggalin ang barkada. Tanggalin ang ibang bagay, maiiwan na lamang ay trabaho at pamilya. Pag ýon ang ginawa mo, may sobra ka pang oras para sa sarili mo. Bilang payo sa ating mga kababayan at tagapakinig.

BC: Kumusta naman? Napapagod ho ba tayo sa ating pangangampanya, Gov?

CHIZ: Syempre kabilang na ‘yon pero 90 araw lamang naman ito. Mas malaki ang pagsisisi kapagka natulog ka lamang sa panahon ng kampanya at ‘di mo nagustuhan ang resulta. Mas maganda nang napagod ka, bawiin mo na lamang pagkatapos ng eleksyon. Basta’t ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya para makamit anumang ninanais mong antas o lebel ng paninilbihan sa ating mga kababayan.

BC: Senador, consistent ho kayo sa iba’t-ibang mataas na surveys ho. Halos tiyak na ang inyong panalo. Ano sa mga naging karanasan ho ninyo bilang gobernador ang maaari ninyong madala at maging adbokasiya ho bilang senador?

CHIZ: Layunin kong maging kampeon ng lokal na pamahalaan dahil sa dinanas ko bilang gobernador. Sobra at grabe ang pakikialam ng National Government sa ilang mga programang nais gawin ng lokal na pamahalaan. Mas alam namin kung ano ang kailangan sa aming mga lugar, lalawigan man o syudad. Kahit gaano kagaling o katalino, kahit gaano kalawak ang karanasan ng sinumang national official. Hindi pa rin naman siya tumatambay, bumibisita at naglalagi sa ating mga lugar.

Marapat bigyang buwelo natin ang mga local city executive dahil mas alam nila ang kanilang ginagawa. Nitong nakaraang pandemya maraming kapalpakang ginawa ang DOH at IATF. Sa totoo lang mas marami silang pwedeng mapulot na aral mula sa best practices ng iba’t ibang lalawigan at siyudad sa bansa na mas angkop at bagay sa amin kaysa pilit nilang ipinapatupad sa amin ‘yung mga polisiya na bagay lamang naman sa Metro Manila, bagay lamang naman sa NCR. Layunin ko, tanggalin ang mga tanikalang ‘yan na tumatali at gumagapos sa mga lokal na pamahalaan.

BC: Kamakailan ho, Senator, ay naging matagumpay ang inyong pagbubukas sa Sorsogon ho ng mga turista. Dito ho sa Lambak ng Cagayan, dahil nga unti-unti na ring hong nagbubukas ang mga tourist destination ho dito, ano po ang inyong maibibigay na tips na puwede ho ninyong i-share dito ho sa pagbabalik para ho maging matagumpay ang pagbabalik ng turismo dito sa Lambak?

BC: Noong nagbukas kami ng turismo, biglang tumama ang Omicron. Tumaas ang bilang ng kaso namin sa mahigit 800 sa populasyon na 1.1 million. Ang ginawa naming, imbes na bumalik sa pag-lockdown, ay nag-lockdown lamang kami ng Sabado at Linggo. Binawasan namin ng 28 porsyento, dalawang araw sa pitong araw ang paggalaw ng aming mga kababayan. Subalit sa dalawang araw na ‘yon na Sabado at Linggo, pinayagan namin ang mga turista. Mga dayo, mga hindi taga sa amin na lumabas pa rin. Pinayagan din namin ang nagtatrabaho sa tourism sector na patuloy na maghanapbuhay at magtrabaho para sa gayon nababalanse namin ang interes kaugnay ng kabuhayan, hanapbuhay at kita ng aming kababayan at kaligtasan at kalusugan nila sa kabila at sa gitna pa rin ng pandemyang hindi pa naman nawawala.

BC: Sir, marami ho dito sa ating kababayan sa Lambak ng Cagayan ay puro ho magsasaka o nagtatanim ho ng tabako. May mga pangamba sila sa rekomendasyon ng DOF na panibagong pagtaas buwis at kasama na rito ang sin tax sa sigarilyo. Ano po ang inyong thoughts dito, Sir?

CHIZ: Alam mo, parang masamang tatay, masamang ama ang Department of Finance si Sec. Dominguez. Sila ang umutang, sila ang gumastos ng inutang nila, gusto nila ang magbayad ‘yung susunod na lahi at susunod na henerasyon. Sila ang umutang, sila ang gumastos ng inutang nila, gusto nila ang magbayad ‘yung susunod na salinlahi at susunod na henerasyon.

Maling istratehiya ang pagtaas ng buwis sa gitna ng pandemya. Buong lakas ang gagamitin ko para hindi po mangyari ‘yan. Ipinapangako ko, hindi ko papayagan anumang pagtataas ng buwis sa tobacco man, produktong kaugnay ng tobacco o anumang magdadagdag ng pabigat sa ating mga kababayan. Dati ng mabigat ang pasanin nila, hindi na dapat dagdagan pa ito ng pamahalaan. Kung ang tanong ay saan kukuha ng pera o pananalapi ang gobyerno, marami silang puwedeng pagkunan.

Una, magbenta ng mga ari-arian na hindi nila ginagamit at hindi kailangan. Pangalawa, palakasin ang PPP at BOT para pumasok ang pribadong sektor sa maraming proyekto na gobyerno ang dating gumagawa at pangatlo, ayon sa Ombudsman ang nawawala sa pamamagitan ng corruption kada taon sa gobyerno ay Php600-B. Kalahati lang nun ang mapigilan natin, kalahati lang nun ang mabawi natin Php300-B ‘yun. Sobra-sobra pambayad sa utang, malaki pa ‘yung sukli para may dagdag ayuda at tulong tayo’t programa sa ating mga kababayan.

BC: Senator, kamakailan ho ay inaprubahan ni Pangulong Duterte ang hindi pagsuspinde ng Excise Fuel Tax. Ano ho ang inyong masasabi niyo ho dito?

CHIZ: Hindi ako sang-ayon d’on. Hindi totoo na mayaman lang ang magbebenepisyo sa hindi pagsuspinde, sa pagsuspinde niyan at kakarampot ‘yung Php200 na binigay nila na ayuda sa transport sektor, mga driver man o tsuper. Para sa akin dapat baguhin na ang Oil Deregulation Law, hindi ito tumupad sa pangako niya.

Dapat bigyan natin ng kapangyarihan ang gobyerno na maglagay ng price cap o ceiling sa presyo ng langis. Dapat bigyan natin ng kapangyarihan ang gobyerno na babaan ang buwis kapag tumataas ang presyo at pangatlo, magtatag na tayo ng strategic petroleum reserve, ito’y imbakan stockpiling ng langis. Bibili tayo kapag mura ang presyo sa world market itatago lang natin, ilalabas natin at ibebenta sa merkado kapag tumataas na naman ang presyo para mapanatiling mababa ang presyo dito sa bansa partikular na sa transport sector natin, jeep, tricycle o bus man. Para wala ding pressure na itaas ang presyo ng bilihin sa ating bansa.

BC: Senator, in line pa rin ho sa pagtaas ng fuel sa ating bansa dahil na nga sa sigalot ng bansang Russia at Ukraine, may panukala po nag awing apat na lang na araw ang trabaho ng mga manggagawa, pabor ho ba kayo dito?

CHIZ: Pabor ako ‘dun. Ginagawa na namin ‘yan sa aming lalawigan kaugnay sa Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon. Pareho pa rin naman ang sweldo, menos ng isang araw na magbabiyahe at mas may oras sila para makapiling ang kanilang pamilya’t mahal sa buhay. Meron man o wala na ganitong uri ng sigalot, ganitong uri nang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, magandang ideya palagi ang 4-day workweek para mabigyan ng mas malaking oras ang ating mga nagtatrabaho kapiling ang kanilang mga pamilya.

BC: Pabor ho ba kayong buhayin ng muli ang Nuclear Plant sa Bataan?

CHIZ: Bukas ako diyan basta’t makita ko na may tatlong bagay na mapatunayan sila, una, na sinunod nila lahat ng batas na sinasabi kaugnay dito kabilang na ang Konstitusyon. Pangalawa, sinunod nila lahat ng regulasyon na itinatalaga ng International Atomic Energy Agency ng United Nations, meron tayong treaty, awtorisadong pinirmahan na bago tayo magtayo ng nuclear plant sa bansa, kailangan pumayag muna sila at sundin natin sila. At pangatlo dapat pumayag ang Lalawigan ng Bataan.

Kausap ko si Governor Abet Garcia kahapon lamang, at ayon sa kanya, kung ang gagamitin ay ang lumang teknolohiya, na limang dekada na ang tagal, 50-years-old na ang teknolohiya ng Bataan Nuclear Power Plant, hindi sila papaya. Subalit kung bagong teknolohiya ito at makakasiguro silang ligtas at ipapaliwanag sa kanila maari pa daw na maging bukas sila sa kaugnay ng pagkakaroon ng nuclear power plant sa Bataan.

BC: Siguro Sir, huling tanong na Sir. Napakamahal ho ng abono ngayon at mababa ho ang bentahan ng palay. Ano hong iyong thoughts tungkol dito?

CHIZ: Hindi natin ginastusan ang agrikultura. Noong ang Tatay ko ay ministro ng Ministry of Agriculture, noong panahon ni dating Pangulong Marcos, ang irrigated nating lupain noong mga panahon iyon ay 1.3 hectares million hectares na tinataniman ng palay.  Noong mga panahong iyon mahigit 30 milyon lamang ang populasyon natin.  Ang Thailand at Vietnam, bilang benchmark, wala pang 1 milyon n’un.  Ngayon, makalipas ng 35 taon, ang irrigated nating lupain na tinatamnan ng palay ay mahigit lamang 1.6 million hectares.  Samantalang halos nag triple na ang populasyon natin sa 110 million.

Alam niyo, kung ilan lahat magkano ilan na ang irrigated land sa Thailand at Vietnam?  Sa Thailand mahigit siyam na milyon na hektarya.  Sa Vietnam, mahigit 11 milyong hektarya.  Kaya huwag na tayo magtaka kung bakit Thailand at Vietnam ang number one at number two respectively na pinakamalaking exporter ng bigas sa mundo.  At ang Pilipinas naman ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo.

Hangga’t hindi natin nilalagyan ng sapat na pondo ang agrikultura mananatiling ganyan ang problema natin.  Php80-B ang budget ng Department of Agriculture ngayong 2022.  Layunin ko, pataasin ‘yan sa darating na taon sa Php400-B.  At hinihintay ko sinumang tumatakbong presidente na sana sabihin din ito upang tunay na magawa at magawa sa agarang panahon.  58-years-old na ang average age ng ating magsasaka.  Senior citizen na sila sa loob ng dalawang taon.  Sana sa lalong madaling panahon din magawa at gawin din ito ng susunod na administrasyon at presidente.

BC:  Senator, maraming maraming salamat po sa inyong oras na binigay niyo dito sa ating programa sa DWSI Radio.  Mensahe ho natin sa ating mga kababayan na nagmamahal ho sa inyo dito sa Lambak ng Cagayan.

CHIZ:  Maraming salamat. Sa muli, pagbati sa ating mga listeners ng Sonshine Radio at sa mga tagasubaybay natin karangalan ko po muling makabalik dito sa Cauayan at Isabela.  Dalangin at hiling ko po ang inyong tulong at suporta sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging kinatawan po ninyo muli para maging miyembro muli ng Senado.  Ang aking inaalay, anumang talento, karanasan, at galing meron ako para magbigay ng siguradong direksyon at solusyon sa mga problemang kinakaharap natin ngayon bilang isang bansa at bilang isang lahi.  Sa muli, maraming salamat at pagbati na lamang muli sa inyong lahat.  Magandang umaga po at mag-iingat sana kayong lahat.  Maraming salamat, Bryan.

BC:  Thank you, Sir.