DY PATROL MORNING EDITION

 

CONRAD DELOS REYES (CDR): So, ito nga po natanong din po kasi ako dahil sa program natin kung kailan kayo dadalaw ng Isabela. So, ito na po kayo. Pero bago po sa Isabela ay mukhang galing po kayo ng Cagayan ngayong umagang ito. Kumusta po ang biyahe niyo sa Cagayan?

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Mabuti naman. Nakasama at nakapiling, nakausap ko ang alkalde ng Tuguegarao na si Mayor Jeff Soriano. At bago ang lahat Conrad, karangalan ko muling makabisita dito sa Cauayan at sa Isabela. Ka-text ko nga si Governor Dy kahapon at nasa Maynila raw siya. Maging ano pa man makalipas ang mahigit na dalawang taon, karangalan kong muling makabalik dito sa inyong lalawigan.

CDR: Opo. At mukhang kaninang umaga buena-mano niyong nakaharap ‘yung mga ilang sektor po diyan sa lalawigan ng Cagayan. Kaso lang po itong mga drivers o ‘yung mga maliliit na manggagawa po doon, kumusta po ang inyong ano kanina doon?

CHIZ: Maganda ang naging talakayan namin at sinabi ko nga sa kanila, bakit ba ‘yung mayayamang kumpanya ng langis puwede magtaas ng presyo ng hindi nagpapaalam sa gobyerno? Bakit kung sino pa ‘yung mahirap na tsuper, drayber, tricycle man o jeep sila pa ‘yung kailangang magpaalam sa gobyerno bago madagdagan ng kakarampot ang kinikita nila? Hindi makatarungan ‘yon. Mali ‘yon at hindi na dapat manaig ‘yan. Panahon na para i-repeal ang Oil Deregulation Law. ‘Yan ang aking posisyon.

CDR: Kaugnay nga po dito ay pinangangalandakan na po ng LTFRB Senator mukhang ‘yung ayuda raw po sa mga drayber natin ay napamigay na ay dito po sa – mukhang Metro Manila lang daw po. Papaano naman po yung mga nasa ibang probinsya, Senator?

CHIZ: ‘Yan ang problema ng LTFRB. Pagdating ng ayuda, ang tanong kailan makakarating, makakarating ba at parang pang Metro Manila lang lahat ng programa ng gobyerno. ‘Yung budget nila na Php2.5-B sa totoo lang kung paghahati-hatian ‘yan sa buong Pilipinas, kulang pa pang karga ng gasolina sa loob ng isang araw o krudo.

CDR: So, ito nga po nagparinig sa inyo. So, paano na po ang magiging ano natin dito, Senator?

CHIZ: Gaya ng sinabi ko ire-repaso ko ang Oil Deregulation Law. Nais kong bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na maglagay ng cap sa presyo ng produktong petrolyo. Nais kong bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno babaan ang buwis kapag tumataas ang presyo. Nais kong i-authorize ang gobyerno na mag-imbak, magtayo ng strategic petroleum reserve para mag-imbak ng produktong petrolyo. Bumili kapag mura, ibenta uli ng mura dito kapag tumataas ang presyo.

At kung talagang papayagan nilang magtaas ng presyo ng walang pakundangan ang mga kumpanya ng langis, puwes payagan din nila yung tricycle driver at jeepney driver na magtaas ng pamasahe nang hindi kailangan na magpaalam sa gobyerno. Kung ang jeepney driver at tricycle driver nagpapaalam sa gobyerno, puwes dapat ding magpaalam sa gobyerno ang mga kumpanya ng langis bago sila magtaas ng presyo.

CDR: ‘Yun nga ang binabanggit kamakailan noong magkasama ulit tayo na babanggit natin ‘yung isa sa mga ahensiya ng gobyerno na dapat tumingin sa usapin ng produktong petrolyo, ang Department of Eng, este, Department of Energy, Sir Chiz.

CHIZ: Masyadong busy ang kalihim ng Department of Energy sa pamumulitika bilang opisyal ng malaking partido dito sa ating bansa at nakakalimutan niya ‘yung kanyang trabaho. Halimbawa na lamang, Conrad, nagtaas ang presyo sa world market kanina, itataas na nila ‘yung presyo bukas. Nabili pa nila ng mura ‘yung stock nila ang problema walang nagbabantay kung gaano karami pa ba ‘yun.

CDR: Opo.

CHIZ: Gaano karami pa ba ‘yung nabili nila ng mura? Bakit nila binebenta agad ng mahal. Pangalawa, marami akong kilalang independent o nakitang independent na mga gasoline stations kapag alam nilang magtataas bukas, sasabihin nila na wala na silang stock at sarado na.

CDR: Korek.

CHIZ: Maghihintay ng kinaumagahan para kumita ng mas malaki dahil binili nila mura pa naman noon. ‘Yan ang hindi ko maunawaan kung bakit hindi ginagawa ng Department of Energy ang kanilang trabaho.

CDR: So, pagbalik niyo sa Senado puwede niyo ba silang batukan?

CHIZ: Hindi lang batok, Conrad, may kasamang palo at tadyak ‘to kung gusto mo kung hindi talaga nila gagawin ‘yung kanilang trabaho. Sana sa pagpasok ng bagong administrasyon palitan na si Sec. Cusi.

CDR: So, Sir, nangangalahati na po tayo ng pangangampanya sa national. So, kumusta po ang pag-iikot ninyo at ito nga pong latest na mga nakuha natin sa isa ho nating kapatid sa hanapbuhay, mukhang dalawa kayo ng isang, ika nga, bagong papasok sa pulitika. One and two, nag-number two po. Mukhang kayo po ay nasa top 5 pero number two daw po kayo sa kanilang survey. So, kumusta po kayo sa inyong pangangampanya?

CHIZ: Mabuti naman po kaya nga lang hindi tulad ng ibang kandidato na araw araw puwedeng mangapanya , ako dalawa, tatlong araw lamang sa isang linggo dahil gobernador pa rin ako ng lalawigan  ng Sorsogon at may tungkulin ako na dapat pa ring gampanan ‘dun.

CDR: So, ito nga po marami ang nagtataka, 1st termer niyo as a gobernador pagkatapos iiwan ninyo ang pagiging gobernador sa probinsya ninyo papasok po kayo sa Senado pero alam ko na kaya po kayo babalik sa Senado, gusto niyong maging malawak ang inyong matulungan. So, bilang naging gobernador, ano po ang karanasan ninyo as local chief executive ng isang probinsya na dadalhin ninyo muli sa Senado, makakaramdam sa inyong pagiging mambabatas po?

CHIZ: Nais kong maging kampeon ng lokal na pamahalaan, magbigay ng katiyakan sa local autonomy. Alam ni Governor Albano ‘yan ang budget ng lalawigan, kailangan aprubahan ng DBM maski pera namin ‘yun. Pera namin ‘yun. IRA namin ‘yun. Locally-generated namin ‘yun.  Bakit kailangan namin ipaalam sa national government kung paano namin gagastusin?

Gusto lang namin bumili ng kotse kailangan pang magpaalam? Sila ba ang magsasabi kung ilan at hanggang magkano lang? Mas alam namin ang kailangan ng aming mga kababyaan kesa sa sinumang national government official. Layunin ko, i-repeal at burahin sa talaan ang anumang memorandum circular at regulasyon na in-issue nila na tumataliwas at kumokontra sa prinsipyo ng local autonomy. Wala sa batas lahat ng pinasunod sa akin bilang gobernador, nasa regulasyon lamang  na ginawa  ng mga departamento na para sa akin ay ilega. Bawal at mali.

CDR: Nangangahulugan ito, dapat ang pondo na coming- ibigay na sa mababa. Sila na po ang bahala?

CHIZ: Opo, ngayon kung may grant, kung may national subsidy galing sa National Government, ‘di magbigay kayo ng menu. Susunod kami. Magbigay kayo ng listahan, susunod kami. Pero ‘yung pondong amin, ‘yung IRA, ‘yung locally-generated revenue at local taxes, sa lokal na pamahalaan dapat ‘yan. Hindi dapat pinapakailaman ng National Government.

CDR: Gusto ko nga po iparating sa inyo, Senator Chiz, na dito po sa aming lalawigan napakarami po naming mga tourist spots maging sa inyong lalawigan sa Sorsogon.  Aba’y mukhang marami hong, ika nga’y, nagugulat at para ba gang naiinggit ho sapagkat napakabilis ho, ika nga, ang paggalaw ng inyong turismo.  Kumbaga turista po diyan, despite itong pandemic pa tayo at sabihin pa nating Alert Level 1 tayo, binubugbog na kayo ng turista.

CHIZ:  Naging maganda ang pagbubukas namin.  Tumama ang Omicron, nanatili kaming bukas.  Ang ginawa ko, halimbawa Conrad, ay ito – noong tumama ang Omicron at tumaas ang bilang ng kaso sa amin – nag-lockdown ako, pero Sabado’t Linggo lamang.  Pero sa lockdown ng Sabado’t Linggo, puwedeng lumabas ang turista, puwedeng lumabas ‘yung mga dayo, puwedeng lumabas mga bakasyonista, puwede rin lumabas ang mga nagtatrabaho sa tourism sector. Binawasan lamang namin ng dalawang araw sa pitong araw sa isang linggo ang paggalaw ng tao.  Bumaba na ang kaso namin, nabalanse namin interes kaugnay sa kalusugan at kaligtasan ng aming mga kababayan sa kabilang banda at kakayahan at Karapatan maghanapbuhay at magtrabaho din ng aming mga kababayan sa gitna ng pandemyang ito.

CDR:  With that, ika nga, ‘yung mga nagawa ninyo sa inyong lalawigan Senator Chiz katulad ng nabanggit ko marami na ho kaming tourism spot dito puwede ho bang, ika nga, magbigay ng parang ideya kung papaano mapalakas itong probinsiya ng Isabela when it comes to tourism po.

CHIZ:  Madalas kaming nag-uusap ni Governor Albano kaugnay sa bagay na ito.  Karamihan sa mga dumalo doon may Viber group at nagse-share-an kami ng iba’t ibang opinyon at pananaw.  Ang importante, Conrad, kausapin, konsultahin ang inyong mga kababayan kaugnay sa bagay na ito.  Importanteng makuha ang suporta ng local tourism industry.  Importanteng makuha ang suporta ng ating mga kababayan dito sa Isabela kaugnay sa direksyong nais tahakin ng inyong lalawigan kaugnay sa pagbubukas ng turismo sa lalawigan ng Isabela.

CDR: Sana mapababa po ang mga presyo ng inputs, Senador, sapagkat ito po kasi ang parang talagang humihila sa kanila kahit na maganda po ang ani nila. Specially now, patuloy nga itong pagtaas ng presyo ng produkto ng petrolyo.

CHIZ: Dapat magbigay ng subsidiya, tulong at alalay ang gobyerno sa ating mga magsasaka para mapatunayan na kikita at may sapat na kita ang ating mga magsasaka maski na sa panahon na ito na mataas ang presyo ng produktong petrolyo.

Alam mo, Conrad, malapit nang maging senior citizen ang ating mga magsasaka. Ang average age ay nasa 58-anyos. Dalawang taon na lamang senior citizen na sila.  Dapat at marapat ating bigyan ng sapat na suporta, ayuda, at subsidiya ang sector na iyan para matiyak na may sapat na kita sila at nang mapalitan sila ng panibagong henerasyon ng papasok sa sektor ng agrikultura.

CDR: Opo.  Senator Chiz, mukhang napahaba ang seryosohan natin sa pulitika at sa inyong pangangampanya. Ito nga po, hindi po ba nagtatampo sa inyong mga kalalawigan at pansamantala ninyo na naman silang iiwanan?

CHIZ: Hindi po. Naipaliwanag ko sa kanila na anuman ang ibuhos kong galing. Mag-tumbling o magtatalon man ako, may hangganan ang aming mararating kung hindi aangat at babangon ang buong bansa. Kailanman, hindi ko naman maiiwanan ang aking sariling bayan, sariling lalawigan. Maski noong ako ay nasa Senado, kada buwan ay dalawa o tatlong beses akong umuuwi sa aming lalawigan. Dahil nandoon ang itinuturing kong tahanan at bahay.

CDR: What about your wife? Puwera biro, kahapon nga po sa pag-a-anounce ko na magiging panauhin ko kayo may mga nagtanong, “kasama po ba si Ma’am Heart”?

CHIZ: Hindi po. Malamang iikot siya ng hiwalay para mas marami kaming lugar na marating. Tsaka Conrad katulad ng madalas ko na sinasabi sa iyo. Kapag kasama ko si Heart ngayon, malamang kay Heart ka magpapa-picture at hindi sa akin. Malamang na ibibigay mo sa akin ang cellphone mo para magpa-papicture sa asawa ko at tatalikuran mo na ako. Makakalimutan mo pa na ako ang kumakandidato at hindi siya.

Minsang magandang may panahon na hindi kami magkasama para mami-miss ninyo ang isa’t- isa kapag hindi kayo magkapiling. At kapag nagkita naman kayo, may dala kayong ibang kwento, may pananabik syempre at may gigil pa pag muli kayo nagkita matapos kayong magkawalay.

CDR: So, katulad ng nabanggit niyo sa akin noong last, sabi niyo mas maganda itong LDR relationship sa inyong dalawa. So, sa mga kababayan po namin na meron din pong LDR, ano po ang puwede ninyong i-advice sa kanila?

CHIZ: Alam mo, noong una akong nagkaroon ng kasintahan, wala pang cellphone noon. Wala pang e-mail noon. Sulat-kamay pa na inaabot ng dalawa hanggang tatlong linggo bago niya matanggap at bago ko matanggap ‘yung sulat naming sa isa’t isa. Ngayon sa pamamagitan ng cellphone nakikita mo, nakakausap mo na ng live at hindi mo kailangan ganoon mong ma-miss ang sino mang mahal mo sa buhay na hindi mo kasalukuyang kapiling.

Mas maganda na nga ang LDR ngayon kumpara dati. Kaya para sa akin, wala pa ring katapat ang makapiling mo ang iyong asawa, makapiling mo ang iyong pamilya. ‘wag ka mag alala, Conrad, ikukumusta kita kay Heart at magkikita kami mamaya din naman. Kaninang umaga noong umalis ako ng bahay ng alas-kwatro ng umaga tulog pa siya at ka-te-text lang nga habang nag uusap tayo na kagigising lang din ‘non dahil may trabaho din siyang kailangan gawin.

CDR: So, bago kita bitawan, Sir Chiz Escudero po, ang iyo pong, ika nga, mensahe not only in the Province of Isabela katulad ho ng nabanggit the whole region and some parts of Cordillera abot po ng ating himpilan.

CHIZ: Sa muli po pagbati sa lahat ng ating listeners ng DWDY. Karangalan ko na muling makausap kayo at makabisita rin dito sa Cauayan at sa lalawigan ng Isabela. Hiling at dalangin ko po sana ang inyong patuloy na paniniwala at pagtitiwala at suporta sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro muli, para maging kinatawan po ninyong muli sa Senado. Ang aking inaalay ano mang karanasan, talento, galing at talino na meron ako upang makapagbigay ng siguradong direksyon at solusyon sa mabibigat na problema na kinakaharap natin ngayon bilang isang bansa at bilang isang lahi. Sa muli Conrad, pagbati na lamang sa iyo at sa ating mga taga pagsubaybay (speaks in local language). Thank you and good morning. Ingat kayo palagi. Ingat ka, Conrad!