QUESTION (Q): Kumusta po ‘yung suporta po sa inyo pong minamahal bilang tumatakbo po kayong senator? At ano po ang iyong ipapagpatuloy kung sakaling mapasok po kayo muli bilang senador ng bansa?
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Hindi mo papangalanan baka isipin na may iba pa akong minamahal?
Q: Heart Evangelista
CHIZ: Kumpiyansa’t kampante ako na syempre na iboboto ako ng asawa ko. Subalit, hindi siya puwede mag-endorso tulad sa mga advertisements dahil may kontrata siya na kailangan sundin. Siguro pag-ikot, pagkampanya, pagsalita puwede, pero may trabaho din siyang ginagawa ngayon bilang artista.
Bilang vlogger at endorser, siguro iikot si Heart bandang Abril pa at ‘yung pupuntahan kong lugar ay hindi kami magkasama dahil ‘pag kasama ko si Heart, halimbawa dito, malamang siya lang ang papansinin niyo, sa kanya kayo magpapa-picture malamang hindi ako kasama sa litrato. Malamang iaabot niyo sa akin ‘yung camera para picturan kayo ni Heart at hindi niyo ko yayayaing sumama.
Sa muli kong pagbabalik sa Senado, tatlo ang nais kong tutukan: una, nais kong mag -apply bilang kampeon ng lokal na pamahalaan para bigyan ng mas malawak na kapangyarihan at kakayahan ang mga LGU. Naniniwala ako, mas alam namin ang dapat gawin sa aming mga lugar kaysa sino mang National Government official. Noong na-interview ako, simple lamang wala kaming ni isang kaso ng COVID ngayon sa Sorsogon parang Camarines Norte, pero hanggang ngayon awa ng Diyos, Alert Level 2 pa rin tayo.
Ayon sa IATF, ang Metro Manila na may mga kaso sila pa ‘yung Alert Level 1. Ibigay na sa lokal na pamahalaan ang pagpapasya kaugnay sa dapat gawin sa ating mga lalawigan at siyudad. Mas alam natin ang dapat gawin. At pangatlo, pangalawa, tutukan ang MSMEs, 98% ng ekonomiya natin ay micro, small and medium enterprises. Kapag natulungan natin silang bumangon, babalik din 98% ng ating ekonomiya, 98% ng trabahong nawala.
At pangatlo, ang agrikultura. Malayo at matagal ang panahon na pinabayaan ang agrikultura sa ating bansa. Panahon na gastusan ng mas malaking pera kumpara sa nilalagay ngayon ng pamahalaan para mapatunayan natin na kayang kumita ng sapat ng mga magsasaka, mangingisda at magni-niyog dito sa Pilipinas. Thank you.
Q: Follow-up question, Sir. About naman po sa pagdaragdag ng mga nakukuha pong assistance ng mga senior citizens kasi mukha daw nakukulangan pa, paano po sa inyo?
CHIZ: Maliban sa nakukulangan, ang tagal makarating sa mga probinsya parang karamihan ng programa ng national government pang NCR at CALABARZON lamang. At hindi naman nakakarating sa malalayong probinsya, sa aking paglilibot isa ‘yan sa mga nadiskubre at natutunan kong muli matapos ang pandemya. Tututukan ko po ‘yan sang ayon na rin sa kahilingan ng iba’t ibang Senior Citizen’s Groups na nakausap ko sa iba’t ibang parte ng bansa sa dalawang aspeto: dagdagan ang ayuda sa senior citizens dahil tayong lahat tatanda din tayo maniwala kayo at pangalawa, tiyakin na makakarating sa tamang oras ito.
Q: Good morning po, I’m Rose.
CHIZ: Good morning, Rose!
Q: Tungkol po ito sa Mandanas Ruling, ano po ‘yung nakikita ninyong- magbebenefit po ba talaga ‘yung ating mga programs ng national at ibababa sa local, ano po ang magiging (inaudible).
CHIZ: Hindi makatarungan ang ginawa ng gobyerno kaugnay ng Mandanas Ruling. Ang kabuuang dagdag na IRA ng Mandanas Ruling para sa mga barangay, munisipyo, siyudad at probinsya. Ang total amount niyan ay Php655-B. Iyan ang idinagdag sa IRA ng mga LGUs. Alam ninyo kung magkano ang ipinasa sa amin na EO 138—iyong Devolution Executive Order? Ang halaga ng ipinasa nilang trabaho, programa at activity, doble, Php1.4-T.
Akala namin mas marami pa kaming magagawa, iyon pala ay pinasahan kami ng mas malaking trabaho pa dapat ginagampanan ng national government. Isa sa mga magiging layunin ko ay bawiin iyang Executive Order na iyan. Hindi iyan makatarungan para sa mga LGUs. Itong dagdag na IRA na ito, pinapakialaman na naman ng national government. Amin iyan, para sa LGU iyan. Dapat kami na ang magpasya kung saan at paano gagastusin iyan. Imbes na hinayaan kami, dinagdagan pa kami ng dagdag na trabaho na dapat na sila ang gumagawa.
Q: May posibilidad ba na ma-debate iyon?
CHIZ: Isusulong ko sa susunod na administrasyon ang pagpapabalik o pagrepeal o pag-amyenda ng EO 138. Kagaya ng sinabi ko, hindi po makatarungan para sa nga LGUs.
Q: Good morning po, Senator Chiz. Ronald Pulido po ng Brigada News FM. Senator, nabanggit ninyo po kanina na iyong tututukan ninyo iyong isa sa mga local government units, Sir. Ini-aim ninyo po ba isulong ang Federalismo, Senator?
CHIZ: Hindi. Ang pinakamalapit nating experimento sa federalismo ay dalawang lugar sa ating bansa: Cordillera Autnomous Region at Autonomous Region of Muslim Mindanao na hanggang ngayon ang tawag ay BARMM. Ang Cordillera, hanggang ngayon makalipas ang 35 taon, hindi pa na-implement iyan. Dalawa o tatlong beses pa nga natalo sa plebesito. Ang BARMM, hanggang ngayon ay pineperpekto pa rin natin at parang hindi pa natin maayos-ayos iyan. Kung hindi nga natin magawa sa dalawang rehiyon ng ating bansa ng maganda at maayos bakit naman natin gagawin sa buong bansa?
Puwede bang ipakita muna nila kung uubra iyan? Maganda iyan? Hanggang ngayon nananatiling pinakamahirap na rehiyon ng bansa ang ARMM. Tila hindi naman nakakatulong ang awtonomiya, ang pagiging autonomous region nila. Makalipas ang mahigit tatlo’t kalahating dekada ng awtonomiya na ibinigay at pinakamalapit na eksperimento sa federalismo.
Kaya iyong mga nagsusulong ng federalismo, simple lamang naman ang katanungan ko. Hindi sarado ang isip ko kaugnay niyan, patunayan lang nila makakaganda ng buhay iyan at hindi isang simpleng konsepto lamang na puwedeng talakayin sa isang forum o debate.
Q: Senator, less than 5 months po bago matapos ang administrasyon ni Pangulong Duterte, in one word describe the administration of President Rodrigo Roa Duterte?
CHIZ: Six. One word lang? Ang hirap naman nun.
Q: Bakit po six?
CHIZ: Highest 10, lowest 1. Sinikap niya gawin lahat ng puwede niyang magawa, pasado, dahil wala namang kurso. Wala namang training kung paano ang gagawin ng isang pangulo kapag may pandemya katulad nito. Huling nangyari ang pandemya, 1920. Patay na lahat ng eksperto na humarap sa Spanish Flu noong 1920. Wala namang kursong puwedeng magturo. Wala namang paaralan na nagtuturo kung ano ang gagawin sa pandemya pero nakikita natin, sinikap ni Pangulong Duterte na gawing ang kanyang magagawa sa kabila ng kawalan ng mga eksperto at kaalaman kaugnay sa kung ano nga ba ang dapat gawin sa isang bansa kapag may pandemya. Kaya mababa man, pasado. Dahil wala namang perpekto at magaling na gobyerno sa buong mundo na humarap sa pandemyang walang kahandaan ang bawat bansa.
Q: Halos magpatayan na po lahat ng pasahero at mga driver. Ngayon ho, ano ang stand ninyo doon sa pino-propose na alisin ang excise tax para mabawasan po ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasoline. Ano po ang inyong pananaw dito sa muling pagtaas ng presyo ng gasolina para hindi naman po mag-away ang mga pasahero at iyon po namang mga jeepney driver?
CHIZ: ‘Pag kinalahati mo ang Excise Tax at Value Added Tax, puwedeng bumaba ang presyo ng produkto ng petrolyo, diesel man o gasoline, ng Php3 hanggang Php80. Iyon ang magiging epekto nun. Ano ang posisyon ko? Nais kong i-repeal ang Oil Deregulation Law. Maliwanag na hindi ‘yan tumupad sa kanyang pangako. Ang pangako niya, papababain ang presyo, hindi naman nangyayari. Mula noong pinanganak ako, ito na ang pinakamataas na presyong produktong petrolyo. Siguro kayo din. Kailan kayo pinanganak? Hindi niyo makakalimutan ang birthday ko, 10-10-69 pa. Aling parte ‘yung nakakatawa? ‘Yung 10-10 o ‘yung 69?
Bakit? Hindi tumupad ang Oil Deregulation Law. Saan ka nakakita ng batas ang mayaman na may-ari ng gasolinahan puwedeng magtaas ng presyo kahit kailan niya gusto. Ang mahirap na tsuper ng dyip at magta-tricycle kailangan magpaalam sa LGU at LTRB bago magtaas ng singil. Parang mali yata iyon. Hindi ba’t ang batas nilikha para pagpantayin ang mayaman at mahirap? Hindi mas palakihin ang agwat. Hindi ba’t may kasabihan sa Ingles, “Those who have less in life; should more in law’. Kung puwede ang mayaman dapat mas puwede ang mahirap. Kung bawal ang mahirap dapat mas bawal ang mayaman.
Dagdag pa, pagkatapos i-repeal ang Oil Deregulation Law, bigyan natin ng kapangyarihan ang gobyerno na maglagay ng cap ng presyo. Pangalawa, bigyan natin ng kapangyarihan ang gobyerno babaan ang buwis pagtumataas ‘yung presyo. Alam niyo ba kung magkano na ‘yung windfall ‘yung dagdag na kinita ng gobyerno dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Dagdag na Php40-B ang kinita ng gobyero. ‘Yang Php40-B na tayong lahat din ang pumasan. Bakit dadagdagan pa ng gobyerno ‘yung pasanin nating mabigat. At panghuli, magtatag na tayo ng strategic petroleum reserve. Ito’y imbakan, stockpile ng langis. Huwag ngayon pero pagbumaba ang presyo sa world market, bumili tayo. I-stockpile na natin, iimbak na natin. ‘Pag tumataas muli ‘yung presyo ipalabas natin sa merkado, ibenta sa mas murang halaga dahil mura naman ‘yung bili natin para mapanatiling mababa ang presyo ng produktong petrolyo sa ating bansa.
Q: Salamat po napakaganda po ng panukalang niyo na ibasura na ang Oil Deregulation Law. Ito po susundan ko nabanggit niyo kanina na isa po sa inyong priority ay ang agrikultura. Ano naman po ang inyong posisyon dito naman sa liberalisasyon na pag-i-import natin ng bigas kagaya ng general agreement on tariff and trade na isa sa nagpapahirap sa sektor ng ating magsasaka. Ano po ang inyong posisyon?
CHIZ: Nais kong i-review ang Rice Tariffication Law. Hindi rin tumupad sa pangako niya sa batas na ‘yan. Bakit ba sila nag-i-import at tina-timing pa tuwing aani ‘yung magsasaka natin? Simpleng formula lang naman iyun paubos mo na muna yung mga hinarvest ng mga magsasaka bago ka magpasok. Nagpasok ka man huwag mo muna ilabas. Aba’y hindi ko maintindihan baka mas malaki kita kapag sinasabay. Ang kawawa naman ay ‘yung magsasaka.
Pangalawa, sa Sorsogon, pinag-eksperimentuhan namin ‘yan. Binali naman ang tulay na nag-uugnay sa miller at magsasaka. Alam niyo magsasaka natin inutang na ‘yung aanihin niya sa darating na buwan. Binabarat pa ng trader dahil bayad-utang na lang iyon. Pinagpulong namin magsasaka, trader, miller, barangay captain, pulis, piskal, governor, mayor. Nagpulong kami, nag-aminan kung magkano talaga utang. Alam niyo, ‘yung inutang niya ng magsasaka limang beses niya binabayaran; may utang pa rin siya. So sabi namin, tama na bayad na kayo ng ilang ulit tama na. Tigilan niyo na panggigipit at kung hindi sila titigil sa panggigipit ang sinabi ko puwes kung ayaw niyo tumigil sa panggigipit; kami naman manggigipit sa inyo. Kung gusto niyo maging makuwenta kaya rin namin maging makuwenta bilang gobyerno.
Maraming lugar naaayos namin ‘yan dahil kung lahat ng kita ng magsasaka mapupunta sa kanya agad aangat ang buhay ng magsasaka. Ulitin ko, ilang beses at ilang ulit na nilang nabayaran yung inutang nila malamang nabayaran yung inutang nila. Marapat mag-usap at baliin na ‘yung ugnayang ‘yon para mas lumaki ang kita ng ating mga magsasaka. Short history: noong 1984 hanggang 1986, Secretary ng Agriculture ang Tatay ko, ministro pa ang tawag nun. Si Sonny Escudero. Noong 1986, ang irrigated nating lupaing tinatamnan ng palay, 1.3 million hectares. Ang populasyon ng Pilipinas noon, mahigit 30 milyon pa lamang. Ang Thailand at Vietnam, less than 1 million hectares ang irrigated nilang lupain na tinatamnan ng palay. 35 years after, trumiple na ang populasyon natin to 110 million. Ang irrigated nating lupain, nadagdagan lamang ng tatlong daang libong hektarya, 1.6 million hectares. Alam niyo kung ilan na ang Thailand? 9 million hectares. Ang Vietnam, 11 million hectares ang irrigated nilang lupaing tinatamnan ng palay. Kaya huwag na tayong magtaka bakit Vietnam at Thailand ang number 1 at number 2 na exporter ng bigas at kung bakit po ang Pilipinas ang number 1 sa buong mundo na importer ng bigas. Hindi natin ginastusan ang sektor ng agrikultura sa nagdaang tatlumpo’t limang taon.
Q: Good afternoon, Senator Chiz Escudero. Mula noon hanggang ngayon, hindi po kayo tumatanda Senator Chiz, ano po?
CHIZ: ‘Pag maganda at bata ang katabi mo, nahahawa ka. Ang tawag sa wikang Ingles diyan ay “osmosis”. Layunin ko, hindi naman magmukhang bata, longevity, na mas tumagal ang buhay, lalo na sa gitna ng pandemya na ito. Sa kasalukuyan, nag-i-intermittent fasting nga ako. Ibang usapin para ituro ko ‘yung mga sikreto ng intermittent fasting pero magandang paraan ‘yon para mapanatiling malusog at malakas ang pangangatawan natin.
Q: OK po. Senador, hindi po lingid sa kaalaman po ng bawat isa sa atin na ang ekonomiya ng bansa ay tinatawag po na COVID-19 pandemic, kabilang po dyan ang lalawigan ng Camarines Norte so kung kayo po at papalarin, ano po ang inyong gagawing programa para po dito sa aming lalawigan para naman po makaahon sa kahirapan.
CHIZ: Maglalagay kami ng pondo sa MSMEs para muling makabangon ang MSMEs. Gaya ng sabi ko kanina, 98% ng ekonomiya ng bansa, at micro-small and medium enterprises. ‘Pag matulungan natin silang bumangon, babangon din ang 98 porsyento ng ating ekonomiya at 98 porsyento ng trabahong nawala.
Nabanggit ko na kanina ang tungkol sa agrikultura. Bibigyan ko kayo ng halimbawa ng ayuda sa MSME. Ginawa na ito ng iba’t-ibang bansa sa mundo, huwag na tayong mag-imbento. Mangopya na lang tayo ng mga best practices. Bawal lang naman mangopya sa loob ng classroom. Tunay na mundo ito. Halimbawa, nagbigay sila ng ayuda katumbas ng pang-suweldo ng empleyado para sa anim na buwan hanggang labindalawang buwan. Puwede lang gastusin ng may-ari ng MSME ‘yon pang-suweldo para patuloy na bukas ‘yung kanilang negosyo kahit lugi. Para patuloy na umikot ang ekonomiya na may panggastos ang empleyado sa palengke man, pamasahe o sa grocery. Binigyan nila ng palugit kaugnay sa pagbabayad ng buwis ng tatlo hanggang limang taon para bayaran ang mga buwis na utang sa lokal o national government para maakay ang muling pagbangon ng MSME. At pangatlo, nagpasa sila ng batas kaugnay ng rent control na aplikable lamang mabababang nangungupahan na bahay. Dito, sabi nila, hindi pwedeng taasan ‘yung renta. Hindi lang ‘yon, 75% discount at habang nagbubukas ang ekonomiya nila, unti-unting bumababa ‘yung diskuwento hanggang magbayad na ng full rent or full lease. Pansamantala, hindi sila puwedeng paalisin ng may-ari ng mall, o may-ari ng building na inuupahan nila. Ilang halimbawa lamang ito ng stratehiya kung paano muling makabangon ang MSMEs.
Q: Thank you po. Nasa inyo po kung sasagutin ninyo o hindi. Puwede pong malaman namin sino po ang nasa puso at isip ninyo pagdating po sa pangulo?
CHIZ: Sino ang nasa puso at isip? Ah, wala pa kong ineendorse sa panguluhan. Ako lang yata ang tumatakbong senador na kasalukuyang gobernador. Idineklara kong bukas na probinsya ang Sorsogon para malayang makakapunta iho-host pa namin ang sinumang tumatakbong presidente maski nga mga katunggali ko bilang miyembro rin ng Senado para makita’t makilala sila ng aming mga kababayan para makapagpasya ng malaya rin ang aming mga kababayan kung sinumang gusto nila ng walang pressure mula sa akin bilang gobernador. Subalit nirereserba ko ang pagkakataong mag-endorso kung tingin ko nararapat pero sa dulo na siguro pagkatapos makapunta at makarating at makilala na ng aming mga kababayan lahat ng tumatakbo sa pagkapangulo. Ang hindi na lang yata nagpupunta sa amin ay si Senator Pacquiao at si Ka Leody. So, dalawa na lamang ang hinihintay namin bago kung saka-sakali ako naman ay magpapasya rin.
Q: Sir, magandang tanghali po. Na-curious kasi ako sa sinabi niyo kanina na binigyan niyo ng rating na six si President.
CHIZ: Kasi one word.
Q: Opo. Pero para sa inyo, sino ‘yung highest rank na previous president kung binigyan niyo ng six si president po ngayon?
CHIZ: Iba’t ibang hamon ang hinarap ng kada presidente. Hindi naman hinarap, halimbawa ni Pangulong Noynoy Aquino itong pandemya. Wala pa naman ‘yan noon. So, mahirap bigyan ng antas o marka ang kada pangulo dahil nag-iiba-iba yung hamon at problema na kinakaharap nila. Marahil hindi gaanong kataas na markang ibibigay niyo kay Pangulong Duterte ngayon pero wala namang pandemya noong panahon ni Pangulong Aquino. Wala namang pandemya noong panahon ni Pangulong Arroyo at noong mga nagdaang pangulo.
Para po sa akin, lahat ng pangulo may magagandang katangian pero may mga pagkukulang din. Wala namang perpektong tao. Ang ninanais ko nga sana sa iboboto kong pangulo ‘yung lalabanan ang korapsyon. Sino nagsasabi nun? Si Senator Ping. ‘Yung ipapakulong ang magnanakaw, sino ang nagsasabi nun si Senator Pacquiao. ‘Yung mabilis na kikilos kaugnay ng mga problema ng ating bansa, ang nagsasabi nun si Mayor Isko. ‘Yung pagkakaisahin ang buong bansa, sinasabi ni Senator Marcos. At titiyakin na aangat ang buhay ng lahat, si Leni. Hindi pa posibleng ‘yung iboboto natin at magiging pangulo gawin lahat nung limang ‘yon.
Wala namang prangkisa ang pagkakaisa sa isang kandidato lang. Wala namang intellectual property rights ang mabilis na pagkilos sa isang kandidato lang. Maaari ba kung sino ang mananalo, gawin, i-adopt, ampunin at kunin din ‘yung mga ideyang ‘yon kung siya nga ang mapipili ng mas nakararami nating kababayan dahil sa totoo lang ‘yon ang kailangan nating pangulo ‘yung lalabanan ang korapsyon, ipapakulong ang korap, mabilis na kikilos, pagkakaisahin ang bansa at titiyakin na aangat ang buhay ng lahat. Kumbaga nangangarap ako sa ganoong uri at klase ng pangulo. Libre namang mangarap.
Q: Alright so isang hirit ulit, Governor.
CHIZ: Yes,Sir.
Q: Ano ang masasabi niyo at ano ‘yung pwedeng gawin especially sa inyo sa Senado kasi Php12.3-T ang utang ng ating bansa at least sisingilin natin Php203-B na excise tax? Anong posisyon niyo dito?
CHIZ: Anumang pagkakautang ay dapat bayaran sa pamahalaan. Hindi ko masyadong kabisado ‘yung kasong ‘yan kaugnay ng estate tax ng Php203-B dahil probinsya ang uunahin ko at hindi ko gaanong nababasa ‘yung mga lumalabas lately sa pahayagan, hanggang Twitter lang ako. Anumang obligasyon sa pamahalaan dapat bayaran siyempre basta’t ito’y napatunayan.
Pangalawa, ‘yung utang natin huwag tayong matakot doon. Kung wala na talagang pananalapi ang gobyerno, pwedeng magbenta ng mga ari-arian na hindi nila kailangan at hindi ginagamit. Ayon sa Ombudsman, Php600-B ang nawawala sa gobyerno kada taon dahil sa korapsyon. Kalahati lang nun ang mapigilan natin, kalahati lang nun ang mabawi natin Php300-B kada taon. Sobra-sobra pambayad na utang. May malaking sukli pa para sa dagdag ayuda at suporta sa ating mga kababayan. At panghuli para sa akin, may mga paraan naman para maiwasan talaga ang korapsyon.
There was a simple principle I believe in, discretion always equals corruption; minimize discretion you minimize corruption. Eliminate discretion you eliminate corruption. May mga stratehiya din naman na puwede tayong gawin.
Noong nagdebate, ang sabi ng karamihan ng presidentiables ang pinakamagnanakaw na ahensiya ng gobyerno ay Customs. ‘Di bakit hindi natin i-implement yung first in, first out rule sa Bureau of Customs? ‘Yung unang dumating na kargamento, ‘yun ang dapat mong i-process. Hindi mo puwedeng unahin ung darating bukas makalawa. Tinanggal mo ‘yung discretion agad.
Pangalawa, tanggalin natin ‘yung mga la mesa sa Bureau of Customs, tanggalin natin ‘yung mga la mesang may drawer dapat salamin na la meas na walang drawer. Palitan natin ang uniporme ng mga taga-Bureau of Customs dapat ‘yung uniporma walang bulsa. Pahirapan man lang natin ng kaunti para pero may mga paraan at stratehiya para mabawasan naman ang corrupton, para hindi natin kinakailangang magtaas ng buwis.
Wala pang bansa ang nagtaas ng buwis sa gitna ng pandemya kung may gagawa niyan tayo pa lang siguro. Ano tayo ‘yung pinakamagaling sa lahat ng bansa na ‘yun ang tamang estratehiya? Tingin ko mali ‘yan. Hahadlangan ko anumang pagtataas ng buwis bilang miyembro ng Senado dahil maling estratehiya ‘yan sa pagbangon ng isang bansa mula sa pandemya.
Q: Last question po, Senador, kasi marami po mga nagpepensiyon na, iba-iba na po ‘yung mga sektor na may mga pensiyon paano po ‘yung mga PWDs, wala na pong pensiyon na nakukuha? Ano po ang kalagayan po sa inyo?
CHIZ: Marapat at dapat. Sa aming lalawigan meron at sa aming lalawigan, in fact, meron kaming ipinatupad mula pa sa pagkabata, ang tawag naming sa programang ‘yun ay “no child left behind”. Sinusundo at hinahatid ang mga kabataan namin na may kapansanan. Dinadala sa eskwelahan, ika nga, twice o thrice a week ang layunin makapasa lang sa ALS, alternative learning system para makalipas ang ilang buwan, elementary graduate sila. Makalipas ang ilang buwan, high school graduate sila. Kung talagang hindi kakayanin, functionality ang aming tinuturo. Makakain, makapaglakad at makapagbihis mag-isa. Ika nga, sa pagsunod sa prinsipyong “no child left behind” in so far as hindi lang ‘yung mga PWD pati ‘yung may ibang uri ng kapansanan kaugnay at kinumpara mo sa ibang mga tao.
Q: OK. Ayos na ba? Bilang huli ho parting words na lang po ninyo para sa mga taga-lalawigan ng Camarines Norte.
CHIZ: Siguro panawagan na lamang hindi para sa sarili ko pero para sa bawat isa sa atin. Ngayong halalan, maraming nag-aaway away: magkaibigan, magkamag-anak, magkapitbahay at magka-opisina dahil iba-iba ang sinusuportahan sa pagkapangulo. Hindi natin makukumbinse ang kapwa natin kung aawayin natin mas maganda kung mag-usap at pag-usapan.
Pero anuman ang kulay na dala ninyo sana hangang araw lamang ng halalan ‘yan. Pagkatapos ng May 9, sana pare-pareho tayo na ang dala nating kulay, pula, asul, puti na may halong dilaw mga kulay na sumasagisag sa bandila ng ating bansa. Dahil matapos ang halalang ito, sino man ang sinusuportahan o iboboto niyong pangulo pare-pareho pa rin tayong Pilipino, pare-pareho pa rin tayong naninirahan sa Pilipinas at pare-pareho tayong humaharap sa parehong problema tulad ng pandemya at pagtaas ng produktong petrolyo.
Sino man ang mananalo siya ang magiging pangulo ng bawat Pilipino. Binoto man siya o hindi, gusto man siya o ayaw, sinisigaw man sa kanya ngayon “I love you” o minumura man siya dapat pantay niyang pagsilbihan ang bawat Pilipino. Ganoon din dapat tayo, manalo man o hindi ang ating sinusuportahang manok o kandidato. Ibigay natin ang suporta sa sinumang pipiliin ng mas nakararaming Pilipino. Bigyan natin ng pagkakataon at tsansa subalit, syempre, paalalahanan din naman natin kung may pagkukulang o gagawing kamalian ang sinumang pipiliin ng mas nakararami nating kababayan.
‘Yan ang hiling at dalangin ko nagagawin natin sa susunod na mga linggo hangang sa araw ng halalan lalo na pagkatapos ng halalan. Sa muli, maraming salamat sa pagkakataon karangalan kong makapiling at makabalik muli sa Daet at sa Camarines Norte. Thank you and good morning.