Plano ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na gumawa ng mga sementeryong bukas sa lahat ng klase ng pananampalataya o interfaith cemeteries sa buong bansa na nais niyang gawing permanente sa pamamagitan ng isang batas na kanyang isusulong kapag nanalo siya para sa Senado sa halalan sa Mayo.
Ayon kay Escudero, ang ideya sa likod ng kanyang plano ay ang mapagbuklod ang lahat ng tao anuman ang kanilang relihiyon sa ilalim ng iisang bubong sa lahat ng probinsiya at munisipalidad sa buong bansa nang sa gayon ay mailibing nila ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sang-ayon sa kani-kanilang mga paniniwala at tradisyon.
May dalawa ng nasabing sementeryo sa mga bayan ng Pilar at Casiguran sa probinsiyang pinamamahalaan ni Escudero.
“Nais kong maging institusyonal ang pagtatayo ng interfaith cemetery sa mga probinsiya at kabayanan upang maramdaman ng ating mga kababayan ang inklusibong pagkalinga ng pamahalaan nang walang diskriminasyon at pag-aalintana sa paniniwala at relihiyon,” ani Escudero.
Binigyang-diin ni Escudero, na isang beteranong mambabatas, ang pangangailangan para sa pagkakaroon ng interfaith cemeteries lalo na para sa mga katutubo at komunidad ng Muslim na mahigpit na sinusunod ang kanilang malalim na tradisyon at mga kaugalian at mga paniniwalang pangrelihiyon. Binanggit niya ang halimbawa ng paniniwalang Islam kung saan kailangan ilibing ang mga yumaong minamahal sa loob ng 24 oras matapos pumanaw ang mga ito sang-ayon sa Quran at kanilang tradisyon sa paglilibing.
“Madalas kasi puno na ang mga pampublikong sementeryo at kadalasan din ang may puwang na lang ay ang nasa pribado at semeteryong pang-Katoliko. Ngunit kung minsan hindi rin nito daliang natutugunan ang mga pangangailangan at mga rekisitos ng ibang relihiyon at paniniwala,” paglalahad niya.
Sa ilalim ng kanyang panukala, sinabi ni Escudero na ang mga lokal na pamahalaan at ang mga pinuno ng iba’t ibang relihiyon ang mamamahala at nakasasakop sa mga naturang interfaith cemeteries.
“Ang paglalaan ng tamang himlayan para sa mga mahal sa buhay ng ating mga kababayan ay bahagi rin ng maayos na serbisyo publiko kaya’t marapat at dapat lang na magkaroon ng interfaith cemeteries na yayakap at magkakanlong sa lahat ng paniniwala at relihiyon,” paliwanag ni Escudero.