CHIZ SA COMELEC: MAGLATAG NG PLANO SA BROWNOUT SA ARAW NG HALALAN

 

Nanawagan si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa Commission on Elections (COMELEC) na maglatag ito isang contingency plan sakaling mawalan ng kuryente sa mismong araw ng halalan sa Mayo 9 at pati na sa panahon ng bilangan at canvassing.

Dahil kinakapos ng kuryente sa mga buwan ng tag-init, sinabi ni Escudero na hindi dapat magpabaya ang COMELEC dahil ang mangyayaring halalan, pambansa man o lokal, ay isa sa pinakamainit na labanan sa kasaysayan.

“Ang no-el na kinatatakutan natin ngayon ay hindi na ‘yung ‘no elections,’ kundi ‘yung ‘no electricity.’ Kaya gusto nating malaman ano ba ang plano ng COMELEC sakaling mawalan ng kuryente, lalo na sa labas ng Metro Manila. Hindi sapat na sabihin na may plano—ano ‘yung plano? Ano ‘yung protocol?” ani Escudero.

Nauna nang nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines ng kakapusan ng suplay ng kuryente sa Luzon sa mga buwan ng tag-init dahil sa laki na rin ng demand. Ayon sa Department of Energy (DOE), tinatayang nasa 12,387 MW ang magiging peak demand sa Luzon sa huling Mayo, hamak na mas mataas sa parehong panahon noong nakaraang taon.

“Kaakibat ng pag-automate natin ng eleksyon, partikular ng counting at canvassing, ang pagdepende natin sa kuyente at teknolohiya. Kaya iyan ang isang bagay na napakahalagang i-secure tuwing eleksyon at bilangan. Ang DOE na mismo ang nagsabi na ‘di nila masisiguradong hindi magkaka-brownout sa May 9, so kung ganoon, ano ang contingency plan ng COMELEC?” tanong ni Escudero.

Sinabi niya na napakaimportante para sa poll body na magpakita ng plano para maging transparent ito at mas tumibay ng kumpiyansa ng publiko sa automated elections.

Ang mangyayaring automated elections ay mangangailangan ng libo-libong vote counting machines (VCM), consolidation/ canvassing system machines, VCM external batteries, transmission devices, at generator sets.