‘HOME FOR HOMELESS GAYS’ NAIS NI CHIZ SA BAWAT LGU

 

Nananalig si Sorsogon Governor Chiz Escudero na magagawa rin ang pagtatayo ng isang tahahan para sa matatanda at abandonadong miyembro ng lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT) community sa bawat lokal na pamahalaan sa buong bansa na katulad ng kanyang ginagawa ngayon sa pinamamahalaan niyang probinsiya.

Kasalukuyan nang inihahanda ng Sorsogon ang lugar na pagtatayuan ng kauna-unahang LGBT home sa probinsiya at ninanais ni Escudero na isainstitusyon ang nasabing tahanan sa buong bansa sa pamamagitan ng isang batas na kanyang isusulong kapag nanalo siya bilang senador sa Mayo 9 upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga kapuspalad na miyembro ng komunidad.

“Kung kinakapitan talaga natin ang pagbibigay ng pantay na oportunidad sa lahat, dapat asikasuhin ng bawat lingkod-bayan ang kapakanan ng mga marginalisado sa kanilang nasasakupan, kabilang ang mga elderly at homeless LGBTs,” ani Escudero na isang beteranong mambabatas.

“Dapat yakapin natin ang lahat ng sektor ng lipunan para sa pantay-pantay na pagkalinga at tulong, kabilang at kahanay rito ang mga nasa LBGT community,” dagdag niya.

Ayon kay Escudero, plano niyang isama sa kanyang panukala ang pagpopondo para sa LGBT homes na pamamahalaan ng mga lokal na pamahalaan at Department of Social Welfare and Development.

Sa Sorsogon, sinabi ni Escudero na nagsisimula nang inihanda ng pamahalaang probinsiya ang lugar na pagtatayuan ng Home for Homeless Gays matapos ipagkalooob ng isang pribadong mamamayan ang kanyang lupa na may sukat na 1,500 sqm. bilang pagsuporta ng gobernador sa bisyon nitong mabigyan ng isang santuwaryo ang mga nangangailangang LGBTs. Ang nasabing kanlungan ay magkaroon din ng isang livelihood training center para sa lahat ng mga miyembro ng LGBT sa buong probinsiya.

“Hindi lang bubong at masisilungan ang gusto nating ipagkaloob sa ating mga may edad at inabandonang miyembro ng LGBT community. Nais din nating silang bigyan ng kasanayang pangkabuhayan at bagong pagkakataon upang may pagkakitaan,” ani Escudero na nag-iisang gobernador na tumatakbo para sa Senado.

Si Escudero ay matagal nang tagasuporta ng LGBT community at tagapagsulong ng pantay-pantay na oportunidad para sa lahat na hindi pinagbabasehan ang oryentasyong sekswal, paniniwalang pangrelihiyon, at kinaaanibang politika.

Noong senador siya noong 17th Congress, sinuportahan ni Escudero ang pagpasa ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill o kilala rin bilang Anti-Discrimination Bill.

Bago ito, noong 16th Congress, naging co-author naman si Escudero ng Senate Bill No. 2358, ang naunang bersiyon ng Anti-Discrimination Bill na naglalayong ituring na krimen laban sa humanidad at dignidad ng tao ang anumang uri ng diskriminasyon sa lipunan.