CHIZ NO. 2 SA PANGASINAN SENATORIAL SURVEY

 

Pumangalawa si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa mga kandidato sa pagkasenador na pasok sa 12 puwesto sa Senado, ayon sa tumatakbo sa buong probinsiya na “GO Philippines Poll Survey 2022” na isinasagawa ng GO-Pangasinan na isang news organization.

Sa huling numero noong Abril 2, Si Escudero ay napili ng 64.80% ng kabuuang bilang ng respondents sa nasabing online survey. Sa Facebook page nito, sinabi ng Go-Pangasinan na inilalabas nito ang mga bagong resulta ng non-commissioned survey tuwing Sabado.

Ayon sa datos ng Commission on Elections, mayroong 2,096,936 rehistradong botante sa Pangasinan, kabilang ang Dagupan City, para sa halalan sa Mayo 9.

Palaging top pick ang beteranong mambabatas para sa survey respondents ng iba’t ibang polls. Kamakailan lamang, pumangalawa si Escudero sa isang survey na ipinagawa ni Eastern Samar Gov. Ben Evardone sa nasasakupan ng probinsiya.

Sa Laguna, halos 57% ng 1,556 respondents ng probinsiya ang nagsabi na kanilang iboboto si Escudero kung kaya nag-number 1 siya.

Lumilitaw rin na gustong-gusto siyang manalo ng mga estudyante sa halalan sa Mayo 9 base na rin sa mga resulta ng mock elections na isinasagawa ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.

Sa isang survey ng Catholic Educational Association of the Philippines, na kinabibilangan ng mahigit 1,525 paaralan, si Escudero ay top choice ng mga mag-aaral at pati ng mga tauhan ng eskuwelahan.

Noong Pebrero, nanguna ang gobernador ng Sorsogon para sa mga respondent

sa survey na isinagawa ng Philippine Normal University-Mindanao Campus kung saan naitala niya ang 56% at isa siya sa mga paboritong kandidato sa pagkasenador base sa campus mock polls sa Mindanao State University.

Sa “Likha Pahinarya: Mock Elections Survey 2022” ng College of Allied Health Sciences ng Cagayan State University sa Tuguegarao City, si Escudero ay pinili ng halos 60% respondents habang siya ang naging number 1 choice ng mga mag-aaral sa senatorial mock polls sa La Salle University-Ozamiz City na ginanap noong Marso 23-25.

Isang dating senador sa loob ng dalawang termino, sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.

Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Uswag Ilonggo, at pati na ang pinakamalaking Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.