CHIZ SA DEPED: TEACHERS, ‘WAG PAGASTUSIN SA PAGSASAAYOS NG CLASSROOMS

 

Sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat nang ibigay agad ng Department of Education (DepEd) ang pondo sa mga field office nito para maihanda ang mga pampublikong paaralan sa buong bansa para sa face-to-face classes.

Ginawa ni Escudero ang kanyang panawagan matapos mapaulat na gumagastos ng sarili nilang pera o di kaya’y nangungutang ang mga guro para lamang may magastos sa pagsasaayos ng kanilang mga classroom para sa unti-unting pagbabalik-eskuwela ng mga kabataang Pilipino.

“Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang mangutang ng mga teachers para lang maayos nila ang mga classrooms gayong tumaas na nga ang annual budget ng DepEd. Where is the P1 billion DepEd said will be distributed to public schools to support blended learning?” anang beteranong senador.

“Para sa isang ahensya na taon-taon ay pinakamalaki ang pondo, ayon sa Konstitusyon, nakakahiya naman yatang mga guro pa ang papagastusin natin sa pag-ayos ng mga classrooms nila,” aniya.

Sa 2022 General Appropriations Act (GAA), nabigyan ng pondong P788.5 bilyon ang edukasyon kung saan ang P631.77 bilyon dito ang mapupunta sa DepEd. Dahil sa pagtataas ng pondo nito, makakayang gawin ng DepEd na itaas ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga field office nito sa Php50,000 mula sa kasalukuyang Php15,000.

Bukod dito, naglaan ang ahensiya ng P1 bilyon para sa mga pampublikong paaralan para makabili ang mga ito ng television, speakers, laptop, at ibang kagamitan para masuportahan ang pagpapalawak ng blended learning

“Kung may budget naman, bakit kailangang ang mga guro muna ang gumatos pagkatapos ay ire-reimburse ng DepEd regional offices? Dapat mayroong maayos at mabilis na mekanismo ang DepEd para siguraduhing ang inilaan para sa pag-ayos ng mga silid-aralan ay magagamit agad,” ani Escudero na nagbabalik-Senado.

Nitong huling numero noong Abril 5, nasa 17,254 publiko at pribadong eskuwelahan ang nagsimula na ng kanilang face-to-face classes.