CALAMBA

 

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Alam niyo, sa totoo lang, halos lahat ng partido pare-pareho lamang ang plataporma. Nais nilang bigyang pansin ang MSMEs. Nais nilang isulong ang agrikultura. Nais nilang wakasan ang corruption. Nais nilang paunlarin ang bansa at tulungan ang mahihirap. Halos pare-pareho naman ang plataporma ng kada partido.  Nag-iiba lamang sa personalidad ng mga namumuno ng partido at kung sino ang tumatakbo.

Hindi nagbago ang prinsipyo ni Senator Lacson dahil lamang sa umalis siya sa Reporma. Hindi rin nagbago ang plataporma ni Vice President Leni Robredo dahil lamang sa sinuportahan siya ng Reporma. Sila ay pareho pa rin mga tao. Pareho pa rin kumakandidato na parehong pinanghahawakan pa rin ang mga paniniwala at prinsipyo nila. Sa dulo, ang Pilipino ang botante. Bumoboto naman base sa prinsipyo, pinaglalaban at katangian ng kandidato. Hindi ng kung anong partido ang kanyang kinabibilangan.

QUESTION (Q): Tungkol po Php203-B estate tax ng pamilyang Marcos.

CHIZ: Anumang utang dapat bayaran – sa gobyerno man o sa pribadong indibidwal. Ang tanong ay nasingil na nga ba ng tama? Kung hindi man, bakit hindi sinisingil?  Mga katanungang iyan na tila sinasagot ng BIR hanggang sa ngayon na siguro ang dapat na magpaliwanag at sumagot ang BIR mismo. Kasi, anumang tanong at pag-atake na nagmumula rin sa isang kandidato laban sa isang kandidato rin, siyempre pagdududahan ng sinumang makakarinig. Mas magandang tanungin ang BIR, mayroon ba talaga? At kung mayroon man, bakit hindi nila sinisingil? Dahil kung kulang sa pera ang pamahalaan, kulang sa pananalapi ang pamahalaan -kung totoo iyan ay napalaking dagdag niyan sa Treasury ng Pilipinas lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Q: Ano ang maaari mong maiambag sakaling mahalal muli sa Senado?

CHIZ: Sa muli kong pagtakbo bilang miyembro ng Senado, ang isa sa mga inaaplayan kong maging kampeon ng local na pamahalaan. Champion ng local government dahil sa pinagdaanan ko bilang gobernadora, bilang local chief executive ng Lalawigan ng Sorsogon, marami akong nadiskubre na mga pagkakamali at maling polisiya na ipinatutupad ng National Government. Ang Konstitusyon maliwanag kaugnay sa local autonomy. Awtonomiya ng mga local na pamahalaan. Ang tanong ko ay ito: awtonomiya ba na ang budget ng probinsiya na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan? Iyong budget ng siyudad katulad ng Calamba na inaprubahan ng Sangguniang Panglunsod, kailangan pang aprubahan ng DBM? Kapag hindi nila inaprubahan iyong inaprubahan ng Sangguniang Panglunsod/Panlalawigan, hindi naming puwedeng gastusin. Wala naman sa batas iyon. Nasa regulasyon, sirkular at memorandum lamang iyon na layunin kong pagtatanggalin at bawiin lahat. Dahil illegal at unconstitutional iyon.

Mas alam naming mga mayor at local na opisyal kung ano ang kailangan ng aming lugar. Kahit gaano katalino at kalawak ang karanasan ng sinumang kalihim o secretary ng anumang departamento hindi pa rin niya alam kung ano ang dapat gawin sa aming mga lugar, mas alam po namin. Huwag nilang diktahan ang lokal na pamahalaan. Pabuweluhin nila at hayaang magdesisyon ang lokal na pamahalaan kung ano ang mabuti sa aming mga kababayan. Kung magkamali man kami, ‘di hayaan mong husgahan kami ng aming mga kababayan. Sila? In-appoint lang sila. Kahit na anong pagkakamali ang gawin nila hangga’t ayaw silang tanggalin ng presidente ay nandoon pa rin sila. Kahit na anong pagkakamali ang gawin nila sa amin ay nandoon pa rin sila.

Pangalawa, hindi lamang sa pananalapi pati sa pagdedesisyon kaugnay ng pandemya. Bigyan ko kayo ng halimbawa, isang linggo na kaming zero COVID cases sa Sorsogon pero hanggang ngayon Alert Level 2 pa rin kami. Tinalo pa kami ng NCR. Sa NCR hanggang ngayon may COVID pa, Alert Level 1 sila. Kami Alert Level 2 pa rin wala na kaming kaso. Bakit ganoon? Hindi ba dapat ibigay na lamang sa lokal na pamahalaan ang pagpapasya kaugnay sa alert level, kaugnay sa lockdown? Dahil kung may pagkakamali man kami, mananagot kami sa aming mga kababayan. Hindi katulad ni Sec. Duque, ang tagal nang pinapaalis, hanggang ngayon ayaw pa rin umalis. Na hindi ko maunawaan kung bakit? Huwag na nating ituloy ang usapan. Noon kasi kung gusto nating ma-high blood pag-usapan natin si Sec. Duque.

Q: (inaudible)

CHIZ: Ang tawag po diyan ay absorptive capacity. Masyadong malaki ang pondo at budget na hindi naman kayang i-implement, i-absorb at ipatupad ng isang kagawaran o departamento. Dapat pinag-aralan iyang formula na, actually, kung ano lang ang kayang ipatupad ng departamento. Kasi saying ang sinasabi nating fiscal space. Iyong budget na puwede sanang ilagay sa ibang bagay na kayang ipatupad agad.

Isang halimbawa niyan ay ang Department of Education kaugnay sa school building program. Alam ninyo ba na sa taong ito ang ipinapatupad pa rin nila ay budget ng 2020. Hindi pa sila nakakapagawa ng kahit na isang school building chargable sa 2021 Budget. May budget na naman sila sa 2022. Sana inuna na lang doblehin iyong pang-ayuda sa transport sector na Php5-B lang. Mayroong Php30-B ang DepEd para sa school building program na hanggang ngayon ay ni piso ay hindi pa nagagastos. Sana next year na lang uli nila nilagay iyon at ginawang Php10-B ang ayuda sa transport sector. Dahil ang presyo ng produktong petrolyo at problema kaugnay niyan, tatagal pa iyan ng mga dalawa hanggang tatlong buwan hangga’t nandiyan pa ang giyera sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.

Q: Sir, if you are in line to the (inaudible). Ano ‘yung intervention niyo, Sir, gagawin sa mga (inaudible)

CHIZ: Kaugnay ng?

Q: ‘Yung issue ng (inaudible)

CHIZ: Yung mababang absorptive capacity?

Q: Yes, Sir.

CHIZ: Noong ako’y nag-chairman ng Senate Committee on Finance na nangunguna sa pag-decide ng budget ng pamahalaan, tiniyak namin na ang binibigay lang naming pondo ay ‘yung kaya lang nilang ubusin sa loob ng taong ‘yon. Kung hindi nila kaya, nilalagay na naming sa ibang departamento. Pangalawa, binibigay na lang namin sa local government unit sa pamamagitan ng LGSF o Local Government Support Fund. Maniwala kayo sa akin lahat ng uri, klase at dami ng pera na ibibigay sa LGU. Lahat ‘yun magagamit at mapapakinabangan dahil sa tindi ng pangangailangan sa iba’t ibang lokal na pamahalaan lalong lalo na ‘yung maliliit at mahihirap na probinsiya tulad ng aming Lalawigan sa Sorsogon.

Q: Thank you, Sir.

CHIZ: You’re welcome, Sir.

Q: Magandang hapon po. (inaudible) Sir, maraming pong problema ang kakaharapin dito sa ating bansa kung sakali po ba na kayo ay manalo ulit bilang isang senador, ano po ba ang una niyong priority?

CHIZ: Lahat ng mahahalal, presidente, bise, senador, congressman, governor, vice governor, bokal, mayor, vice mayor at konsehal. Lahat ng ihahalal natin sa darating na ika-9 ng Mayo ang dapat tutukan ay isang bagay lamang ang muling pagbangon at pag-ikot ng ating ekonomiya para ‘yung mga negosyong nagsara, ‘yung mga trabahong nawala ay muling bumalik. Paano gagawin ‘yun?

Para sa akin dalawa lamang ang kasagutan. Una, tutukan ang MSME micro, small and medium enterprises. Bakit? 98 porsyento ng ating ekonomiya binubuo ng MSME. ‘Pag matulungan nating bumangon ang MSME para nating napabalik na rin ang 98 porsyento ng ating ekonomiya. Para na rin natin napabalik ang 98 porsyentong trabahong nawala.

Ang pangalawa ay agrikultura. Sa mahabang panahon, hindi natin binigyan ng sapat na budget ang agrikultura. Hinihintay ko ang sino mang tumatakbong presidente na magsasabi sana ng mga sumusunod na kataga; lalagya niya ng hindi bababa sa Php400-B sa unang taon ng kanyang panguluhan ang agrikultura dahil diyan umaasa ang 30 porsyento ng ating populasyon na karamihan pa ay mahihirap. Bilang halimbawa, alam niyo po ba noong 1986 ministro ng agriculture ang Tatay ko sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Marcos. Ang irrigated nating lupaing tinatamnan ng palay ay 1.3 million hectares. Ang Vietnam at Thailand, wala pa pong isang milyon noong mga panahong ‘yon, 35 years ago. Ang populasyon natin ay 35 million more or less. Ngayon sobra’t triple na noon ang populasyon natin, 110 million. Alam niyo kung ilan ang irrigated nating lupain na tinatamnan ng palay? 1.6 million hectares. Sa loob ng 35 taon nadagdagan lamang ‘yun ng 300,000 ektarya. Alam niyo kung ilan ang Thailand ngayon? 9 million hectares. Ang Vietnam, 11 million hectares. Kaya ‘wag na po tayong magtaka kung bakit number 1 at number 2 exporter ng bigas ang Vietnam at Thailand respectively at ang Pilipinas naman ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo.

Hindi natin nalagyan ng sapat na pondo ang agrikultura at bilang huling punto ang average na edad ng ating mga mangingisda, magniniyog at magsasaka ay 58-years-old. In two years time, senior citizen na po sila, walang bagong henerasyon ng magsasaka, magniniyog at mangingisda na pumapalit sa kanila. Dahil sinumang mangingisda, magniniyog, nagtatanim ng gulay o mangingisda, ang pangarap para sa anak nila ay maging teacher, maging pulis , maging sundalo, maging abogado, magaing nurse, maging doctor. Walang nangangarap na sumunod sa yapak nila sa hirap ng buhay.

Pero sa ibang bansa naman mayaman ang magsasaka. Sa ibang bansa mayaman ang mangingisda. Sa Pilipinas at sa Asya lamang mahirap ang mangingisda at magsasaka. Panahon na para patunayan nating pwedeng magkaroon ng sapat na kita ang magasasaka at mangingisda para mapalitan na sila ng mas batang Pilipino na maglalagay pa rin ng pagkain sa ating mga lamesa kung hindi, mauubos na lang ang pera ng Pilipino kakaangkat, kaka-import dahil wala nang nagtatanim, wala nang nangingisda sa ating bansa. Isipin mo na lang, archipelago ang Pilippinas, napapalibutan ng dagat, nag-iimport tayo ng galunggong. Tama ba ‘yun? Parang hindi yata makatarungan ‘yun. May maling ginagawa at nangyayari kung bakit nagaganap ýan sa ating bansa sa ngayon.

Q: Salamat po.

CHIZ: Wala pa ring tanong tungkol sa pag-ibig? Puro seryoso pa rin?

Q: Sir, mamaya na daw po

CHIZ: Hi, Ma’am.

Q: Magandang hapon po, Sen.

CHIZ: Good afternoon, Ma’am.

Q: You left your heart in Sorsogon. So doon po sa (inaudible) ano po ba ang nais niyong idagdag sa inyong mga proyekto sa buong Pilipinas, sama niyo na rin po ang Calamba (inaudible)

CHIZ: Pag-usapan natin ang turismo. Ang turismo ay hindi lamang tungkol sa magagandang beach, magagandang bundok o magandang bulkan at magandang tanawin. Sa totoo lang alam niyo kung saan- kung tungkol saan ang turismo? Ang turismo ay tungkol sa kuwentong masasbi niyo sa isang lugar. Maraming magagandang beach sa iba’t ibang parte ng mundo. Maraming magagandang tanawin at bundok sa iba’t ibang parte ng mundo. Pero mahalaga mag-Marites tayo kaugnay ng mga tourist spots natin. Bakit? Madalas ito’y tungkol lamang sa kuwentong sinasabi.

Bigyan ko kayo ng ilang halimbawa. Ang Mona Lisa, pinakasikat na painting sa buong mundo. Siguro kasing laki lang ng tarpaulin ko halos ang size niyan. Dini-display ‘yan sa Louvre sa Paris sa France at dinadagsa ng tao nagbabiyahe ng libong milya para lang makita ‘yan. Pero sa loob ng museum ng Louvre maraming mas magagandang painting doon. Noong nakita ko ‘yan tinignan ko lamang ng dalawang minuto. Lumipat na ako sa ibang panting. ‘Yung tour guide nagtanong, “that’s the Mona Lisa”. I said, “I know”. “Yes, but that’s the Mona Lisa. You only looked at it for a few seconds.” “I know, I want to see the other paintings anyway.” Pero ‘yung kuwento sa likod ng Mona Lisa, ginawa ni Leonardo da Vinci tungkol ba ‘yon sa babaeng pinakamaganda noong mga panahong ‘yon. Sa totoo lang, si Leonardo da Vinci ‘yan. Ginuhit lang niya na tinago yung sarili niyang kaanyuan sa babae. Ang daming kuwentong nakapalibot doon sa Mona Lisa kaya dinadagsa at pinupuntahan ng tao.

Sa Thailand, mayroong puno doon na ugat, ‘pag tinignan mo raw ay kamukha ni Buddha. Nagbiyahe pa kami ng tatlong oras para makapunta lang doon. Pagdating ko roon hindi ko makita ‘yung mukha ni Buddha sa ugat ng puno hanggang sinabi nung tour guide, ang sabi nila ‘pag malinis at maputi at mabait ang kalooban mo nakikita mo agad. “Ayon nga. Ayon, ayon!” Alangan namang sabihin mong hindi mo pa nakiita, ‘di ba.

Tungkol sa kuwento. Bawat lugar ng ating bansa may sariling kasaysayan at kuwentong puwedeng sabihin. Hindi ko sinasabing magsinungaling pero puwede naman dagdagan ng kaunti para magkaroon ng importansya. Wala akong pakialam kung dalawang hindi kilalang tao ang nag-ibigan diyan, naghiwalay, doon nagkaanak at naghiwalay muli at nagtagpo makalipas ang tatlumpung taon. Kuwento pa rin siya nung lugar.

Sana ‘yon ang ma-appreciate at makita ng mga nagde-develop ng turismo sa ating bansa. Hindi ito tungkol sa slogan. Hindi ito tungkol sa pangalan lamang ng lugar o gaano kaganda ang lugar. Ito’y tungkol sa kuwento higit sa lahat kaugnay ng lugar, tanawin o beach na ‘yan na marapat masabi at makwento. Madalas sa nakababatang henerasyon hindi na alam ang pinanggalingan ng marami sa ating mga lugar at tanawin ngayon. Importanteng maituro at maipasa ‘yan sa susunod na henerasyon.

Q: Nasa kalagitnaan na po tayo ng campaign period ng ating pangangampanya, kumusta naman po ang ating pag-iikot?

CHIZ: Mabuti naman po. Kanina galing kami ng Daet. Mula dito tutuloy kami ni Batangas City. Pagkatapos nun sa Lipa City. Bukas naman pupunta kami ng Ilocos Norte, Ilocos Sur at Baguio. Hindi tulad ng ibang kandidato na araw-araw nangangampanya. Ako, dalawa hanggang tatlong araw lang sa isang linggo nakakapagkampanya. Kanina nag-proclamation rally kami sa Sorsogon dahil nananatili pa rin akong gobernador ng aming lalawigan. Ako lang yata ang tumatakbong senador na nakaupong gobernador at hindi ko puwedeng iwanan pa rin ang aming lalawigan dahil ang sinumpaan kong tungkulin manilbihan hanggang June 30 ng tanghalian. Dalawang araw lang akong mawawala sa aming lalawigan, gagabundok na ng papel ang naghihintay sa akin para basahin at pirmahan kung kaya’t ang pangangampanya ko’y bilang lamang at iilang araw lamang sa isang linggo kaya sinusubukan naming i-maximize.

Q: Sir, para po sa pag-iikot. Kailan po ninyo maisasama iyong mahal na asawa sa pag-iikot po sa pangangampanya?

CHIZ: Hindi ko isasama kasi ‘pag sinama ko siya rito baka sa kanya lang kayo magpa-picture at siya na lang ang pansinin niyo. Tanggap ko naman na mas maganda at mas sikat at mas kilala ‘yung asawa ko kaysa sa akin. Sa Maynila na lamang kapag kumakain kami sa labas at naglalakad sa mall palaging may nagpapa-picture sa kanya at inaabot sa akin ‘yung cellphone para picturan sila. So, maganda na magkaiba kami ng lugar napuntahan para mas marami rin kaming lugar na marating.

So, kung itong linggong ‘to nandito ako marahil sa ibang pagkakataon siya naman ang magpunta rito. Pero hindi niya ako puwedeng i-endorso ng pormal dahil may mga kontrata siya na nagbabawal doon. Sapat na, na mag-ikot, mangamay at kumausap pero hindi siya puwedeng lumabas sa anumang uri ng media para i-endorso ang aking kandidatura.

Maganda na rin siguro ‘yon na magkaiba kami ng mundo para pag-uwi namin sa bahay magkaibang kwento ang dala namin. Pag-uwi namin sa bahay natututo kami mula sa mundo ng isa’t isa. ‘Yung kagalit niya, hindi ko kagalit. ‘Yung kaaway ko, hindi niya kaaway, ‘di ba. At kung masama man ang araw ko, malay mo maganda araw niya, puwede niya akong pangitiin. Kung masama ang araw niya, malay mo maganda naman ‘yung araw ko dahil magkaiba kami ng mundo siya naman ang puwede kong pangitiin. Siguro mas maganda ‘yung ganoong uri ng relasyon kaya bago pa kami kinasal nagkasundo kami.

Kailanman hindi siya papasok sa mundo ng pulitika. Hindi siya tatakbo. At sa parte ko naman, hindi rin ako papasok sa mundo ng showbiz kahit wala namang tumatanggap o humihiling sa akin pumasok. Lamang siya sa aspetong ‘yon. Sa trabaho niya hindi ko siya pwedeng awayin ‘pag nakikipagyakapan at halikan. Sa trabaho ko minsan ko lang gawin ‘yon, yari na agad ako.

Q: Sir, hindi po kayo partido ni Presidente Duterte pero inendorso niya po kayo?

CHIZ: Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte. Magkaibagan kami noong siya’y mayor pa lamang at ako’y miyembro pa lang ng Kongreso. Matagal-tagal na kaming magkakilala, sobra dalawang dekada na. Pero siyempre presidente na siya, governor lang ako. Magkaiba na rin ang mundo namin. Mahigit apat na taon din kaming hindi nagkita. Ikinagulat ko ang endorsement ni Pangulong Duterte dahil hindi naman kami nagkakausap bago nun pero siyempre malaking bagay ‘yon. Ang endorsement, ang value ng pag-endorso ni Pangulong Duterte ay isa pa rin sa pinakamataas sa ating bansa. Malaking tulong ‘yon sa aking kandidatura at nagpapasalamat ako sa kanya. At pinarating ko na rin ang pasasalamat na ‘yan sa kanya.

Q: Gov, para po doon sa pag-e-endorse, lahat ng presidentiable in-endorse po kayo.

CHIZ: Hindi naman.

Q: Wala po ba kayong ie-endorse na pangulo?

CHIZ: Ang nag-endorse ay si Senator Pacquiao, si Vice President Leni, at si Senator Ping. Si Senator Marcos, nanatiling 11 pa rin ang opisyal na miyembro ng kanyang slate, so kunware ako ‘yun minsan, minsan hindi. Hindi ko na rin alam. Wala pa po akong ine-endorso. Bilang gobernador ng aming lalawigan, bilang ama, nagpasya ako na buksan ang aming lalawigan sa lahat ng kandidato sa pagkapangulo, ikalawang pangulo kahit nga ‘yungkalaban ko pa sa pagka-senador. Ine-entertain, hino-host ko para makilala silang lahat ng aming mga kababayan para makapili ang aming mga kababayan na bukas ang mata, bukas ang mata at walang pressure kung kanino man, lalong-lalo na bilang sa gobernador nila.

Pangalawa, iba-iba ang plataporma ng tumatakbo pero hindi pa ako puwede mangarap ng isang pangulo na kumakatawan sa sinisigaw ng limang kumakandidato nangunguna ngayon, hindi ba? Ang sinabi ni Senator Ping tatapusin, wawakasan niya ang corruption, ang sabi ni Senator Pacquiao papakulong niya lahat ng corrupt. Ang sabi ni Senator Marcos, gusto niyang pagkaisahin ang bansa. Ang sabi ni Mayor Isko, kailangan mabilis ang kilos kapag may kalamidad at pandemya. Ang sabi ni Vice President Robredo, papaangatin niya ang buhay ng lahat. Hindi ba ako puwede magkaroon ng presidente? Hindi ba puwede ang Pilipinas at ang Pilipino magkaroon ng presidente na lalabananang corruption, papakulong ang corrupt, pagkakaisahin ang bansa, mabilis nakikilos kapag may problema, at paangatin ang buhay ng lahat? Wala naman silang prangkisa sa slogan, sino man ang mananalo sa darating na eleksyon, sanai-adopt ang, ampunin at gawin ‘yung sinasabi ng kanyang katunggali para sa gayonmagkaroon tayo ng presidente na gagawin lahat ‘yon hindi lang isa doon sa limang‘yun.

Q: Matagal na po kayo sa Senado. Marami na po kayong nagawang batas na napakinabangan, kung kayo po ay mahalal nang muli, ano pa po ang iyong gagawin?

CHIZ: Dalawang pangunahing batas, hindi ang ipapasa ko pero gusto kong burahin sa talaan ng batas. Ang una ay ang Oil Deregulation Law. Hindi tumupad sa pangako niya na papababain ang presyo ng produktong petrolyo. Pangalawa, saan kayo nakakita ng batas na ang mayamang may-ari ng gasolinahan puwedeng magtaas ng presyo kahit kailan niya gusto, samantala ang mahirap na tsuper ng jeep at tricycle kailangan magpaalam sa kailangan magpaalam sa LTFRB bago niya madagdagan ang singil. Hindi ba’t may kasabihan sa Ingles “those who have less in life should have more in law.” ‘Pag puwede sa mayaman dapat mas puwede sa mahirap. ‘Pag bawal sa mahirap dapat mas bawal sa mayaman. Itong batas na ‘to, taliwas sa prinsipyong ‘yan. Pangalawa, sa pag-repeal ng Oil Deregulation Law, nais ko pong bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno maglagay ng cap sa presyo ng langis. Pangatlo, nais ko mabigyan ng kapangyarihan ibaba ang buwis kapagka tumataas ang presyo ng produktong petrolyo. Alam niyo magkano ang dinagdag sa kita ng gobyerno sa pagtaas ng presyo? Sa nakalipas lamang na tatlong linggo, Php40-B dagdag na kinita ng gobyerno dahil sa buwis na tumaas din noong tumaas ang presyo. Mali naman ata ‘yon na lalaki pa ang kita ng gobyerno na pinapasan ng ordinaryong tao nakakadagdag pa sila sa pagtaas ng presyo ng petrolyo. ‘Pag binigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na babaaan ang buwis, bababa ang presyo ng gasolina,diesel ng Php3 hanggang Php8. At panghuli, nais kong bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na magtatag na isang tinatawag nating Strategic Petroleum Reserve, ito’y imbakan, stockpiling ng langis. Bibili tayo kapagkamura ang presyo sa world market itatago lang natin, ‘pag tumataas ‘yung presyo tulad ngayon ibebenta natin sa merkado ng murang halaga din, para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

At pangalawa na nais kong i-repeal nabatas, ang Rice Tariffication Law. Hindi rin po ‘yan tumupad sa pangako niya napapagandahin ang buhay ng mga magsasaka at papababain ang presyo ng bigas saating bansa. Hindi na nga bumaba ang presyo, nalugi pa tuloy ang mga magsasakadahil nag iimport sila at sinasabayan ang panahon ng pag-ani ng mga magsasaka natin.

Q: Ano po ang tingin mo sa e-sabong? ‘Yung binenta ng asawa ang anak, ano po ‘yung nakikita niyong solusyon para–

CHIZ: Ano ‘yung binenta? ‘Yung motor o ‘yung anak?

Q: ‘Yung anak. Hindi po basta ang (inaudible) ang kakasuhan.

CHIZ: Nasabi ko kanina noong nagsimula tayo, bigyan ng kapangyarihan ang lokal na pamahalaan. Ang problema dito sa e-sabong, walang pakialam at hindi binigyan ng kapangyarihanang lokal na pamahalaan mag desisyon kaugnay n’yan. Ang prangkisa niyan ay gallingsa PAGCOR diretso na isang national government agency, ni hindi required dumaan para kumuha ng lisensya o permit saan man lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas. Mas nanaisin ko magkaroon ng say, magkaroon ng papel ang lokal napamahalaan para makapag pasya siya para sa kanyang mga kababayan, kungpapayagan ng aba ‘yan o hindi.

Q: Follow-up lang po, Sen. Kung kayo po, sa inyong personal na saloobin sa e-sabong, papayagan niyo ba mabigyan po ng prangkisa?

CHIZ: Hindi, alam niyo kung bakit? It goes against the very grain of a congressional franchise. I will English for a bit. You only grant franchises to public utilities, telecom, water, power, transportation. Saang libro public utility ang sabong? Hindi ‘yan isa sa mga bagay na binibigyan ng prangkisa ng Kongreso dahil limitado nga sa public utility ang binibigyan ng prangkisa ng Kongreso. Isama mo na ang radio stations, TV stations. So, kung ililista ko ha ‘yung binibigyan ng prangkisa ng Kongreso: television station, radio station, public utility tulad ng tubig, tulad ng kuryente. ‘Di ba, transport tulad ng jeep, ‘yung tricycle binibigyan ng prangkisa ng LGU. Lahat ‘yan may kinalaman sa serbisyo sa tao. Ni isa dyan, walang kinalaman sa isang laro, tulad ng sabong, lalo na e-sabong. So anumang permit na ibibigay sa kanya, dapat manggaling lamang sa PAGCOR, dapat manggaling lamang sa PCSO kung doon saklaw ‘yan. Hindi kinakailangang gumawa ng congressional franchise at hindi rin puwedeng bigyan ng congressional franchise dahil hindi ‘yan ang mga uri ng negosyo na binibigyan ng prangkisa.

Q: (inaudible) e-sabong po, gusto nyo na rin po bang pa-imbestigahan ‘yon sa Senado?

CHIZ: Hindi na po sa Senado. Sapat na ‘yung imbestigasyon mismo ng IAS ng PNP. In fact, na-relieve na yata ‘yung inyong PD dito, kamakailan lamang, ‘di ba? Sapat na ‘yon. Madodoble lamang ‘pag pasukan pa ng Senado ‘yan. Sapat na ‘yung aksyon na ginawa ng PNP sa kabaro nila kaugnay sa bagay na ‘yan at sa pagkakaalam ko, humaharap siya habang siya’y sinuspinde sa kasong administratibo din naman kaugnay ng bagay na ‘yan. Para mapatunayan din niya kung may kasalanan nga ba siya o wala tulad ng sinasabi nya. Napanood ko sa TV ‘yon noong isang araw.

Q: (inaudible) Gov, regarding sa (inaudible) hospital nito pong bayan (inaudible) sa Senado (inaudible).

CHIZ: Ang Sorsogon ang nangunguna, kahapon lamang ay inawardan kami ng DOH at PhilHealth, ang nangunguna bilang pinaka-advance health care system pagdating sa pagpapatupad ng Universal Healthcare Law, pero hindi naging madali para sa amin ‘yon. Marami kaming pagkakamaling pinagdaanan. Dumaan kami sa butas ng karayom. Siyam ang ospital ng lalawigan, ni-renovate na namin lahat ‘yon. ‘Yung mga bayan na wala kaming ospital, pinagawa naming. ‘Yung mga RHU, binigyan ng kumpletong kagamitan tulad ng X-ray, Ultrasound at iba pa para malapit na lamang ‘yung serbisyo sa aming mga kababayan, saan man sila nakatira. Ang aming mga ospital at RHU, pati na rin mga barangay health center, konektado na ng tinatawag nating EMR, o Electronic Medical Record, o EHR, Electronic Health Record. Wala na pong papel-papel. ‘Pag may karamdaman ka, ilalagay sa Electronic Medical Health Record at makikita na lahat yon sa lahat ng ospital namin para saan ka man dalhin, hindi na kailangan bitbitin pa ‘yung papel.

Ang doctor to the barrio namin, hindi lamang tao at doktor, meron kaming ginagamit ngayon na Telemed ang tawag. Ibig sabihin nun, para siyang laptop, na may nakakonekta na blood pressure monitor, may nakakonekta na 3-lead na ECG at temperature. Sa kabilang dulo ng laptop na ‘yon, merong mga doktor o call center ng mga doktor na sasagot sa anumang katanungan o konsultasyon ng aming mga kababayan sa barangay mismo. Kaya na namin ngayon na bumisita ngayon ‘yung doktor na ‘yon na Telemed, sa kada barangay ng minsan isang buwan, ang target namin, minsan sa isanglinggo, madala ‘yon, upang sa gayon, may libreng konsultasyon ang aming mga kababayan, anumang ang kanilang nararamdaman. ‘Pag iyong doktor, mag-issue ng reseta, electronically din, dadalhin na ‘yon, automatic ipapadala sa botika ng RHU, o kung wala silang stock, sa ospital ng lalawigan na siyang mag-iisyu na ng gamot at ipapadala sa PHW para i-deliver. Bago matapos ang taon, makakapagbigay na kami ng libreng gamot sa outpatient para sa maintenance medicine nila. Ibig sabihin, ‘yung may hypertension, ‘yung may diabetes, ‘yung may asthma, ‘yung may AIDS, ‘yung mga buntis, nagpapasusong nanay, at 0 to 5 na mga bata, bibigyan namin ng bitamina, maintenance, medicine, para hindi na lumala pa ‘yung kanilang karamdaman. At sinumang nagbubuntis na nanay, ‘pag nabigyan mo ng sapat na bitamina, menos problema ‘yon ‘pag siya’y manganganak, menos komplikasyon sa sinumang bata rin na ipapanganak nila. Mula pa noong isang taon, no balance billing kami sa lahat ng ospital sa lalawigan basta in-patient ka.

Ito’y pinagdaanan na ng Sorsogon at malayo-layo na rin ang aming narating, parang kanta ‘yun ah. At nais naming gawing ehemplo ang Sorsogon. ‘Pag nagawa namin, sa dami ng pagkakamali na pinagdaanan namin, madali nang kopyahin ng ibang lalawigan dahil lahat ng pagkakamali, pinagdaanan na po namin. Puwede nang maging ehemplo, prototype, ika nga, at pagkokopyahan ‘yung ginawa namin para mas mabilis itong magawa sa iba’t-ibang lalawigan ng ating bansa.

Q: (inaudible)

CHIZ: Hindi dahil kailanman, hindi naman ako hindi babalik sa aming lalawigan. Ilan ang dahilan kung bakit ako tumatakbong senador. Una, kahit magta-tumbling pa ko’t magtatalon, kahit gaano kagaling man ako, merong hangganan ang mararating ng aming probinsya kung hindi aangat ang buong Pilipinas dahil sa pandemyang ito. Kaya ako tumatakbo bilang senador, ito ‘yung sitwasyon sa bigat ng problema dulot ng pandemya na dapat, ika nga sa Ingles, “all hands on deck”. Kung may maiaalay ka, ialay mo na, kung may maitutulong ka, itulong mo na sa muling pagbangon ng ating bansa. ‘Yan ang aking layunin sa muli kong pagtakbo. Ialay anumang talino, talento, galing at karanansang meron ako sa pamahalaan upang sa gayon, makatulong sa muling pagbangon ng ating bansa.

Q: (inaudible)

CHIZ:  August 2020, hiniling ko na sa DepEd na payagan ang face-to-face classes sa aming lalawigan.  August 2020‘to. Bakit?  Mula noong nagsimula yung pandemya noong Pebrero, Marso taong 2020 hanggang ngayon 52% ng mga barangay ko 541 barangay ko sosobra 260 na barangay, ni minsan hindi pa nagkakaroon ng kahit isang kaso ng COVID.  Bakit hindi mo iyon papayagan?  Iyon pa naman ‘yung malalayong barangay na walang internet.  Kaya ‘yung pinagyayabang ng DepEd na blended learning totoo lang naman iyon sa siyudad tulad ng Calamba.  Sa malalayong barangay walang blended learning, purely modular learning. At papaano sila tuturuan ng magulang nila kung ‘yung grade nila mas mataas na sa narating ng kanilang mga magulang.

Kawawa ang mga bata sa malalayong lugar kaugnay ng kawalan ng face-to-face classes.  Ang hindi ko maunawaan sa DepEd time and motion lang naman ang DepEd ilan ang estudyante, ilan ang classroom, ilan ang titser, ‘di ba?  Hindi naman siya kumplikadong bagay.

Bakit ba hanggang ngayon hindi pa rin natin mareso-resolbahang ang mga problema kaugnay ng edukasyon ng ating mga kabataan.  I’ll cite you one example, if you look at the teacher-student ratio figures of DepEd it will show you that the ratio one is to 30; one is to 35 – one teacher is thirty-five students.  Pero pagpunta mo naman sa kada barangay, munisipyo, siyudad ng bansa sobrang daming estudyante.  One is to forty, one is to fifty.  Bakit?  ‘Yung superintendent teacher pa rin ang item nun pero ayaw na niya magturo, superintendent na siya.  ‘Yung principal, teacher din ang item nun pero ayaw niya magturo ang dami niyang trabaho.  ‘Yung secretary ng principal at superintendent ‘yung typist, ‘yung clerk niya puro teacher ang item nun.  Kaya ‘pag tingnan mo ‘yung ratio ang gandang tingnan sa papel, pero wala naman sa loob ng classroom.

Gusto natin taasan suweldo ng mga teachers; taasan natin pero ‘yung teacher na nasa loob ng classroom ‘yung nagtuturo dapat.  At kung teacher ang item mo dapat nagtuturo ka.  So ano ang solusyon?  Gumawa ng DepEd ng mga item na pang administrative position na ang trabaho administrative at hindi teacher.  Para sa gayon hiwalay napo-promote ‘yung magiging principal at superintendent, hiwalay din tumataas ‘yung teacher na nasa loob ng classroom.  Taasan natin ang suweldo ng teacher, hindi puwedeng pantay ‘yung ang trabaho lamang sa opisina at hindi naman nagtuturo sa loob ng classroom.  Simpleng solusyon hindi kailangan ng ganoong kalaking pera para tunay na mabigay natin ang kalidad at para tunay na mabigay natin ang dekalidad na edukasyon sa ating mga kabataan.

Q: ‘Di ba, sabi niyo po (inaudible) health and etcetera.  Ano po ang nais ninyong committee sa susunod na (inaudible)?

CHIZ: Labindalawang taon ako noon sa Senado.  Hindi mo naman kailangan mamili ng komite.  Lahat ng komite may boses ka.  Karamihan ng komite may boto ka.  At basta nalalaman mo ang ginagawa mo kaya mo humubog at maka-impluwensiya sa anumang batas na gagawin at ginagawa sa Kongreso.  Chairman ka man o hindi ng komite dumating na siguro ako sa punto ng buhay ko na hindi na kailangan patunayan at kailangan maging chairman para lamang may magawa.  Anuman ang magiging chairmanship, anumang ialok hindi ito panahon para ako’y makipag-away at makipag-inggitan pa sa ibang miyembro ng Senado.  Panahon ito para magtulungan at magtrabaho.  Kaya wala akong i-impose na anumang committee chairmanship o hihilingin kaninuman.  Kung ano man ibibigay base sa kakayahan ko; iyun ang tatanggapin ko.  Sa puso ko, hindi committee ang laman, si Heart.  Hindi komite. Ang laman nun sa utak ‘yung komite, wala sa puso.

Q:  Gov, final message niyo po.

CHIZ:  Siguro isa na lamang.  Isa na ito sa pinakamainit na eleksyon na pinagdaanan ko.  Mainit dahil nag-away-away na ang mga tao: magkapitbahay, magkamag-anak, magkaibigan, magkabarkada, magkatrabaho. Nag-away-away, nagdedebate, hindi nagpapansinan dahil lamang iba-iba ang iyong sinusuportahan o korsunadang kandidato.  Para sa akin, anumang kulay ang dinadala ninyo, pink, red, blue o white sana pagkatapos ng eleksyon ang dalhin nating kulay ay pula, asul, puti at dilaw. Kulay ng ating watawat, kulay ng ating bandila.  Dahil sa dulo, sinuman ating sinusuportahan sa pagkapangulo siya ang uupo bilang pangulo ng buong bansa.  Pangulo siya ng bumuto sa kanya at hindi bumuto sa kanya.  Presidente siya ng gusto siya at ayaw sa kanya.  Presidente siya ng minumura ngayon at sinisigawan siya ng “I love you” ngayon.  Dapat pantay niyang pagsilbihan iyon.  Pagkatapos ng halalang ito pare-pareho pa rin tayong Pilipinong, naninirahan sa Pilipinas at hindi magbabago iyun.  Kaya sana anumang hindi pagkakaunawaan, anumang hidwaan, matapos sa panahon at araw ng halalawan sa ika-nuwebe ng Mayo.

Pero habang wala pa tayo roon, may nabasa ako sa TikTok na magandang quote na maaring magamit ninyo marahil o isaisip at puwedeng isapuso, ilagay sa puso.  Sabi sa TikTok sa Ingles, “We don’t have to agree on anything; be kind to one another”.  Maski na wala tayong pinagkakasunduan, hindi rason iyon para maging masama tayo sa kapwa-tao natin.  Tulad ng mag-asawa, hindi naman kailangan nagkakasundo sila sa lahat ng bagay para magmahalan.  Ganoon din sa kapwa.  Hindi niyo kailangan parehong kulay ang dinadala o parehong presidentiable ang dinadala para maging mabuti kayo sa inyong kapitbahay, katrabaho, kaibigan o bagong kilala.  Sana sa papalapit na araw ng halalan isaisip, isapuso natin ‘yan dahil lilipas at lilipas din itong halalang ito.  Pagkatapos nito magkaibigan, magkamag-anak, magkatrabaho at pare-pareho pa rin tayong Pilipino.