AMADOR RAMOS (AR): Samantala sa pagkakataong ito mga kababayan, makakapanayam po natin ang isang kilala at batikang two-term senator, ngayon ay gobernador ng Sorsogon sa Bicol Region. Noong siya ay senador, naipasa ang Universal Healthcare Act, libreng matrikula, at ganoon din sa state universities and colleges at exemption ng minimum wage earners sa pagbabayad ng buwis. Kay Chiz Escudero, mga kababayan, sigurado. Let’s welcome at nasa ating programa sa CMN D’ Best Balita ang ating butihing senador o Governor Chiz Escudero sa ating programa. Magandang hapon, Senator.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Amadz, magandang umaga sa iyo at sa lahat ng listeners natin sa DZJO FM sa Baler at sa buong lalawigan ng Aurora. Magandang umaga po sa inyong lahat. Kumusta ka na, Amadz?
AR: OK po. At tayo po’y striving sa kabila ng patuloy padin ang pandemic at pangamba ng COVID-19, Governor.
CHIZ: Magandang malaman ‘yan Amadz, awa ng Diyos.
AR: Aside dun. Diretso na po tayo sa ating mga katanungan. Ilang linggo na lamang ay halalan na po. Kumusta na po ang takbo ng inyong kampanya at paglilibot po sa ating bansa, Governor Escudero?
CHIZ: Maayos naman po. Maraming salamat sa pagtanong. Subalit, hindi tulad ng ibang mga kumakandidato sa pagka-senador na araw-araw nakakapagkampanya. Ako ay dalawa hanggang tatlong araw lamang sa isang linggo nakakapaglibot dahil syempre sa trabaho at tungkulin kong gawin at gampanan bilang ama ng Lalawigan ng Sorsogon bilang gobernador.
AR: Consistent po kayo na mataas sa iba’t ibang surveys. Number one po kayo recently sa Publicus Asia, Governor Chiz Escudero. Maging mga malalaking unibersidad sa bansa ay top choice po kayo ng kanilang mga estudyante na botante na sa darating na halalan. Pati na din po sa iba’t ibang mga kulay o iba’t ibang kulay ineendorso din po kayo. Kasama na po si Pangulong Duterte at VP Leni, halos tiyak na po ang inyong panalo Governor Chiz Escudero. Ano po ang inyong masasabi ukol dito?
CHIZ: Amadz, nagpapasalamat ako sa patuloy na paniniwala at pagtitiwala ng ating mga kababayan. Bagaman, dalawa tatlong taon akong napirme dito sa Sorsogon. At nagpapasalamat din ako syempre kay Pangulong Duterte at Vice President Leni Robredo sa kanilang pag-endorso. Malaking bagay ito para sa aking kandidatura lalo na mag-isa lang naman akong iikot at parang independyente ang aking pagtakbo.
Subalit Amadz, boto sa survey ay malaki pa rin ang pagkakaiba sa boto sa araw ng eleksyon. Ang binibilang po ay boto sa araw ng eleksyon. Kaya sinuman ang mataas o mababa, basta’t tuloy-tuloy lang po tayo sa ating pangangampanya, pagpaparating ng ating mensahe sa mga kababayan. At tsaka Amadz, number 1, number 3, number 5, number 8, basta pasok sa top 12, pare-pareho lang po naman ng suweldo niyan at pare-parehong senador ang tawag.
AR: Opo. Humupa na po, Governor Chiz Escudero, itong COVID cases sa bansa. Pero nananatiling mabagal naman po itong vaccination booster shots na nasa 30% pa lamang po, Governor Escudero. Marami daw sa mga bakuna ay mag-eexpire na sa June. Sayang naman po ito, Sir. Panahon na ba para gawin itong mandatory vaccination, Senator Escudero?
CHIZ: Ang unang tanong siguro, Amadz, ay bakit tayo bumili ng bakuna na mabilis mag-expire, sa laki ng ginatos nating Php300-B. Bakit pa ‘yung bibilhin natin ‘yung kaunting buwan na lamang ay mag-eexpire na. Pangalawa, hindi ako naniniwalang dapat o puwedeng gawing mandatory ‘yan dahil EUA o Emergency Use Authorization pa rin ‘yan. Ang gawin natin para sa akin, tulad ng ginagawa namin sa Lalawigan ng Sorsogon, imbes na magpilitantayo, magkumbinsihan tayo. Imbes na magbigay tayo ng parusa, magbigay tayo ng insentiba para magpabakuna ang ating mga kababayan.
AR: Opo. At Sir, ilang linggo na lamang po matatapos na po itong kampanya. Hindi niyo ba nakakasama ang inyong magandang maybahay na si Ms. Heart? Opo. Syempre umaasa din po ‘yung ating mga taga-suporta na masilayan kayo pong dalawa na magkasama. May plano pa ba?
CHIZ: Marahil na mas gusto nilang masilayan, Amadz, ay si Heart. Hindi naman talaga ako dahil malayong mas kilala at popular ang asawa ko. Mag-iikot din si Heart. Sa katunayan, ito ang unang araw nyang magkakampanya dahil may trabaho din sya itong nagdaang linggo. Siya’y nagpunta ngayong araw na ito sa Cebu tsaka pupunta sa Bacolod. Pero hindi kami malamang magkakasama, Amadz, para mas marami kaming lugar na marating. Dahil nga gaya ng sinasabi ko, hindi ako gaanong nakakapag-ikot dahil sa trabaho ko dito sa Sorsogon. At tsaka para ma-solo niyo na rin. Dahil baka ‘pag nagpunta kami, halimbawa Amadz, ni Heart diyan sa inyong estasyon, DZJO FM, baka kay Heart ka nalang magpapicture. Iabot mo pa sa akin ‘yung cellphone para magpa-picture sa kanya. At least, maso-solo niyo siya ‘pag siya lamang ang dumating.
AR: Opo. May pahabol pa pong tanong, Sen. Marami pong nangangamba na sa darating na halalan ay magkaroon ng brownout lalo na’t itong pagkaroon ng power interruption sa mga probinsya ay halos napapadalas. Ano po ang ating komento sa bagay na ‘to?
CHIZ: Posible talagang mangyari ‘yan. Kaya ipinanawagan ko na, hiniling ko na ng porma sa COMELEC na gumawa na ng mga contingent plans para po sa kaganapang ‘yan. Alam naman at malalaman naman po ng NGCP at mga cooperatiba kung may nakataya talagang brownout sa isang lugar sa araw ng halalan at botohan. At kung talagang hindi maiiwasan ‘yan, maglagay na ng mga gen set sa mga barangay at paaralang ‘yan, upang sa gayon, maiwasan po anumang aberya kaugnay ng botohan at halalan sa May 9.
AR: Opo. Governor Chiz Escudero, nasa inyo po ang pagkakataon bilang kumakandidato sa pagka-senador para sa ating mga taga-subaybay sa Central Luzon at dito sa lalawigan ng Aurora. Go ahead po, Governor.
CHIZ: Maraming salamat sa pagkakataon, Amadz. Sa muli, karangalan ko makapiling at maka-usap po kayo sa pamamagitan ng DZJO FM, hindi lamang sa Baler at Aurora kundi sa buong Central Luzon. Hiling at dalangin ko po sana muli, ang inyong tulong, paniniwala, pagtitiwala at suporta sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro ng Senado. Para po maging inyong kinatawan, kampeon at tagapaghatid ng boses sa Senado. Ang aking inaalay anumang talento, talino, galing at karanasan meron ako para makapagbigay po ng mga siguradong direksyon at solusyon sa mabibigat na problemang kinakaharap po natin ngayon bilang isang bansa at bilang isang lahi. Sa muli Amadz, maraming salamat at pagbati na lamang sa ating listeners. Magandang umaga po at mag-iingat po sana ang bawat isa sa inyo. Thank you and good morning!