Nakatanggap si Sorsogon Governor Chiz Escudero ng isa na namang pagsuporta sa kanyang kampanya para sa bagong anim na taong termino sa Senado mula samahan ng kabataan na Nationalist Social-Democratic Society (NSDS).
Sa isang Facebook post, sinabi ng grupo na kanilang ineendorso si Escudero kasama ng 11 pang kandidato sa pagkasenador sa sarili nitong bersiyon ng Magic 12 kung saan pinagbasehan ang mga plataporma, kahusayan pang-akademiko, at track record ng mga senatorial aspirant.
Ibinahagi rin ng NSDS ang resolusyon nito na iniendorso ang kanilang mga napupusuang kandidato para sa pagkapresidente at bise presidente kasama ng 12 senatorial bets at isang party-list. Ito ay nilagdaan ng mga kasalukuyang opisyal ng NSDS na pinangungunahan ng founding chairman at president na si Juan Diether Bautista.
Inahayag ng NSDS na naniniwala ito na ang 12 kandidato sa pagkasenador na kanilang sinusuportahan ay karapat-dapat at nagtataglay ng maraming katangian tulad ng katapatan at kahusayan at pati na katapangan sa paglaban sa katiwalian at tagapagsulong ng kapakanan at kagalingan ng mga kabataang Pilipino.
Isang dating senador sa loob ng 12 taon, sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.
Lumilitaw rin na gustong-gusto manalo ng mga estudyante ang dating senador para sa karera sa Senado na makikita naman sa mga resulta ng mock elections na isinagawa ng hindi bababa 36 kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.
Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.
Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.
Kamakailan lang ang isa si Escudero sa listahan ng anim pang candidato na inendorso ng mga gobernador na kasapi ng League of Provinces of the Philippines.
Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.
Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Uswag Ilonggo, at pati na ang pinakamalaking Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.