BAKIT IKAW

 

REGGIE ESPIRITU (RE): Magandang araw, Pilipinas! Welcome sa “Bakit Ikaw? The DZRH Candidates Interview”. Kasama ko po ngayon, noon ay congressman, naging senador, ngayon ay governor, magbabalik nang senador, walang iba kundi si Francis ‘Chiz’ Escudero. Magandang araw, Sir!

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Reggie, magandang araw sa iyo at sa lahat ng tagasubaybay natin dito sa DZRH at sa “Bakit Ikaw?” Magandang araw po sa inyong lahat! Karangalan ko na maimbitahan dito.

RE: Babalik kayong senador, anong mga swak o very timely na mga panukalang batas na magiging batas lalo na nagpapatuloy ang pandemya, Governor Chiz?

CHIZ: Well, tama ka Reggie, ‘yung angkop at bagay sa pandemya dahil noong umalis ako sa Senado wala pa namang pandemya noon. So, kabilang na diyan mga panukala na muling bubuhay sa MSMEs na bumubuo ng mahigit 90% ng ating ekonomiya. ‘Pag ‘yun napabangon natin muli, babalik din 90% ng ating ekonomiya, 90% ng negosyong nagsara, 90% rin ng mga trabahong nawala. Ilang mga panukala ang pwede nating gayahin lamang sa ibang bansa, ‘di na natin kailangan mag imbento, kabilang na ang pagpapalawig nang pagbabayad nila ng buwis, pagpasa ng Rent Control Law pero para sa mga nangungupahan na maliliit na negosyante, kabilang na rin, halimbawa, ang pagbibigay ng ayuda sa kanila, pang-suweldo sa kanilang empleyado para hindi nila kailangan magsara bagaman lugi o mahina pa ang kita, dagdag pa diyan. Layunin ko rin gawin ang mga sumusunod, mapasa ng isang Odette Rehabilitation Bill na wala namang pinapasa pa sa ngayon.

RE: Odette?

CHIZ: Ang naapektuhan ng Odette ay kasing dami halos, Reggie, ng naapektuhan ng Yolanda. 3.2 million na Pilipino ang tinamaan ng Yolanda samantalang 3.1 million Filipinos ang tinamaan njg Odette, kung nagpasa tayo ng Php20-B rehabilitation fund sa Yolanda, bakit wala ni kalahati man lang nun para sa Odette? Pangatlo ay nais kong irepaso ang Oil Deregulation Law. Hindi tumupad sa pangako niya ýan, hindi naman bumaba ang presyo ng bilihin tsaka bakit ba ‘yung mayamang may-ari ng gasolinahan puwede magtaas ng presyo, samantalang ‘yung pobreng drayber ng jeep, tsuper, pampublikong sasakyan kailangan munang magpaalam sa LTFRB o LGU bago magtaas ng presyo? Ika nga nila, “those who have less in life should have more in law.” Dito sa batas na ito may mas karapatan ‘yung mayayamang may-ari ng gasolinahan kaysa ‘yung pobreng tsuper. At ang panghuli ay ang pagsulong ng isang legislated minimum wage. Alam ko, taliwas ito sa interes ng ilang negosyante pero pakinggan at dinggin muna nila, mas resonable ang ipapasang batas ng Kongreso kesa sa binigay lamang naming kapangyarihan sa mga wage boards na hindi naman ginagawa ‘yung kanilang trabaho.

RE: Ganda nung una, pagbangon sa MSMEs, para makasulong na ang mga tinamaan ng husto ng pandemya. Tanong po, Governor, saan kukunin ang pondo ang economic cluster umaangal na wala na kaming pang ano diyan! Ang dami nating binabayaran, ano po ang idea niyo?

CHIZ: Ang pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan palagi ay revenues. Dapat paigtingin ang koleksyon ng nawawala sa BIR kada taon na may humigit kumulang Php200-B, idagdag mo diyan Php100-B sa Bureau of Customs, Php300-B na ‘yun. Kalahati lang nun ang mapigilan o mabawi natin Php100-B ng dati ‘yun. Pangalawa, ibenta ang mga ari-arian ng Pamahalaan na hindi naman talaga kailangan at hindi naman ginagamit. Pangatlo, kung may bubuwisan man, buwisan natin ang top 1% na mga Pilipino na sobrang laki at dami ng kinikita na hindi sila. Ni hindi nila mararamdaman kung bubuwisan natin sila tulad na lamang ng mga bumibili ng eroplano, ng yate, ng magaganda at mamahaling bagay. Sila lang dapat ang buwisan natin at hindi ang mga ordinaryong mamamayan.

RE: Aba ay kontrobersyal agad ‘yan. Marami kayong makakaaway, Senator.

CHIZ: Hindi naman siguro away ang kalalabasan ‘pag hihingan natin sila ng parte nila sa muling pagbangon ng ating bansa. Hindi naman nila ikakapulubi ‘yun. Hindi naman sila magugutom dahil doon. Hindi naman liliit o malulugi sila dahil lang din ‘dun.

RE: Kailangan unawain?

CHIZ: Kailangan unawain dahil puwedeng maikling panahon lang ito habang bumabangon tayo. ‘Yan din ang ginagawa ng ibang bansa sa mundo, Reggie, at hindi natin kailangan mag imbento, pwede na tayong kumopya lamang ng best practices sa ibanga bansa.

RE: Legislated wage increase, hindi pa nasubukan ‘yan Governor.

CHIZ: Hindi nasubukan ‘yan, Reggie, dahil binigay naming sa regional wage boards noon ‘yan. Dinelegate ng Kongreso ‘yung kapangyarihan italaga ang mga minimum wage sa kada rehiyon subalit, obvious naman hindi yata nakatira dito sa Pilipinas at sa mundong ito ang mga wage board. ‘Yung kanilang binibigay na umento sa suweldo ay malayo sa katotohanan kaya gusto kong malaman mula sa kanila, san ba sila nag gogrocery? Saan ba sila namamalengke? Saan ba sila sumasakay at ano ba ang sinasakyan nila? Paano nila masasabing sapat ‘yung kakarampot na umentong binibigay nila. Delegated power lang ‘yun na puwedeng bawiin ng Kongreso at matapos masiayos muli pwede namang ibalik ‘yung kapangyarihang ‘yun.

RE: Pansamantala lang ‘yan?

CHIZ: Pansamantala para iwasto lamang ang kamalian at malayo na sa katotohanang minimum wage na binibigay nila sa ordinaryong manggagawa.

RE: Ano ‘yun magiging policy na, national policy na ‘yung legislated minimum wage o?

CHIZ: Minsanan lang ang tingin ko dito, Reggie. Minsanan lang at ibalik natin muli, obserbahan natin muli ang mga wage boards, pag aralan natin muli ‘yung komposisyon ng mga wage boards. Ang kanilang patakaran, procedure para makita, epektibo pa ba? Malapit pa ba sa realidad ang kanilang ginagawa o talagang napakalayo pa at masyado pang pinapaburan ang mga negosyante?

RE: Maraming aabangan ang sektor manggagawa, sektor MSMEs sa inyo kaya. Mabibigat ‘yan!

CHIZ: Alam mo Regie, maraming binitiwang salita ang maraming tumatakbo sa pagkapangulo ngayon at isa sa kanila ay tumatak sa akin . Iyong sinabi ng isang presidential candidate na masyadong pumapabor sa mayayaman at mga negosyante ang ipinapasang batas ng Kongreso. May punto siya roon. Sa tagal ko sa Kongreso, nakita ko naman talaga na tila nakakiling talaga sa mas mayayaman kaysa sa mahirap.

RE: At iyan ay ugat ng problema natin, ng maraming sektor.

CHIZ: Isa sa mga ugat ng problema, oo, pero dapat balansehin pa rin natin sa mas nakakataas at mas malawak na interes ng ating bansa.

RE: Habang nandiyan tayo, Senator, bakit tayo napagiwanan ng husto ang Pilipinas? Napagiwanan. Ang mga kasabay natin nag-move on na. Umasenso na. Bakit ba tayo napagiwanan?

CHIZ: Bibigyan kita ng dalawang halimbawa. Ang agrikultura napagiwanan na tayo samantalang noon ay nangunguna tayo sa sektor ng agrikultura. Noong ministro, halimbawa, ang Tatay ko, nag-e-export tayo ng bigas. Dahil hindi tayo nag-invest ng sapat na pera sa agrikultura. Halimbawa, ang irrigated nating lupain noong ministro pa ang tatay ko noong 1985, ang Pilipinas ay 1.3 hectares. Ang populasyo natin ay mahigit Php30-M pa lamang noon. Ang irrigated na lupain- ang Thailand at Vietnam ay wala pang isang milyon noon. Lamang tayo ng mahigit 400,000 ektarya. 35 years after, today 2022, ang irrigated na lupain natin ay 1.6 million hectares nadagdagan lamang ng 300,000 ektarya samantalang ang populasyon natin ay trumiple. Ang alam naman natin ang irrigated na lupain ng Thailand and Vietnam. Ang Thailand ay 9 million hectares. Ang Vietnam ay 11 million hectares. Huwag tayong magtaka kung bakit number 1 at number 2 ang Vietnam na rice exporting country at kung bakit ang Pilipinas naman ay number 1 na rice importing country.

Hindi natin ginastusan ang agrikultura.  Isang halimbawa pa, Php80-B ang budget ng Department of Agriculture para sa taong 2022. Alam mo kung magkano ang budget ng DPWH? Php840-B, wala pang 10% ng budget ng DPWH ang budget natin sa agrikultura. Ano ba tayo? Agriculture  ba tayo o contractor country ba tayo?

RE: Mali ang priorities?

CHIZ: Oo, kaya nga napag-iiwanan tayo tuloy dahil kayang kaya ng pribadong sektor ang construction industry pero iyong nasa sektor ng agrikultura, kailangan talaga ng tulong at ayuda mula sa gobyerno. Kaya naman sa ibang bansa, mayaman ang magsasaka. Mayaman ang mga mangingisda dahil siksik, liglig sa tulong sa subsidiya at ayuda ng pamahalaan.

RE: Sa atin napabayaan.

CHIZ: Sa atin, kung sino pa ang mahirap na bansa at marami ang mahihirap iyon pa ang mayabang na gustong patayuin sa sariling paa iyong mangingisda at magsasaka natin.

RE: Kaya pala iyong mga iyong anak ng mga magsasaka ay ni ayaw nang humawak ng lupa. Ayaw nang matutunan ang ginagawa ng magulang nila.

CHIZ: Regie, ang average age ng ating mga magsasaka ay nasa mahigit 58-anyos na. Sa loob ng dalawang taon, senior citizen na sila. Hindi lang iyong mga anak, pati iyong mga magulang nila sa hirap ng buhay ng magsasaka, mangingisda, mangni-niyog, mga nagtatanim ng gulay. Ayaw nilang tularan sila ng kanilang mga anak. Ang pangarap nila para sa kanilang mga anak ay maging nurse, doctor, abogado, engineer, police , sundalo. Ayaw nilang sumunod sa yapak ng hirap ng buhay. Pero, kagaya ng sinabi ko sa ibang bansa, hindi naman pobre. Hindi naman mahirap ang magsasaka at mangingisda. Maganda ang katayuan sa buhay ng mga magsasaka sa ibang bansa.

RE: Iyong mg aini-enumerate ninyo kanina ay papaano po ang inyong gagawin, parang pang-presidente iyon. Papaano through legislation?

CHIZ: Kaya hinihintay ko na may tumakbong pangulo sanang magsabi nung mga nabanggit ko. Halimbawa, na lalagyan niya ng hindi bababa sa Php300-B ang Department of Agriculture sa unang taon ng kanyang panguluhan. Ibig sabihin, sa 2023 at papalakihin niya ng hanggang doble iyon, Php600-B bago matapos ang anim na taon niyang termino. Halimbawa na lamang saan ba kukunin? ‘Di kukunin natin sa  pondo ng Department of Public Works and Highways dahil iyong magagandang infrastructure projects natin na nakikita natin sa Metro Manila ay ang elevated highway ng EDSA. Iyong tulay na ginagawa sa Cebu. Lahat naman iyan ay private sector ang gumawa at hindi naman DPWH. Ibig sabihin nun ay mayroong puwang na pumasok ang pondo at pera at negosyante mula sa pribadong sektor para gawin ang mga imprastrakturang iyan. Pero, walang ganoong puwang na kapareho sa agrikultura na gobyerno lang talaga dapat ang tumutulong at umaaakay sa ating mga magsasaka at mangingisda.

RE: Tama. May pag-asa dahil guest candidate yata kayo lahat ng major presidentiables. Meaning may konek kayo.

CHIZ: Naniniwala ako na basta naman maganda ang layunin mo, basta naipaliwanag mo ng tama. Nadebate mo ng maayos ay kahit papaano ay mapakinggan man. Hindi man marating ang Php300-M, maraming mo ang Php200-M halos triple na rin iyon ng kasalukuyang budget ng Department of Agriculture.

RE: Iyong pag-guest candidate, ang pag-ampon ng mga presidentiables sa ibat-ibang mga kandidato katulad ninyo ay pinupuna ng mga Western observers na very unique daw sa Pilipinas pero medyo mali ang tingin nila. Ano po ang masasabi nila?

CHIZ: Kada demokrasya sa kada bansa ay may kanya-kanya naman na nangyayari na kakaiba. Pero para sa akin, paano magiging masama iyong magkakatunggali, nag-aaway at tila mahirap pagkasunduin ang mga kandidato. Nagkakasundo sa isa o ilang mga kandidato. Hindi ba mas maganda, paramihin natin ang pinagkakasunduan nila kaysa sa padamihin natin ang hindi nila pinagkakasunduan? Hindi ba mas maganda, hanapin natin ang common ground ng iba’t-ibang kandidato para pagkatapos ng eleksyon, sinuman ang manalo ay madali nating mapagtagpi-tagpi ang mga nagbabangayan ngayon at akala mo hindi na magkakasundo habang buhay. Hindi ba mas maganda na may common ground ang mga kumakandidato sa pamamagitan man lamang ng mga kandidato rin kung ano ang mga posisyon nila sa iba’t-ibang isyu.

RE: I agree, paano niyo sinagupa ‘yung COVID virus sa Sorsogon? O naging problema ba o hindi naman?

CHIZ: Naging problema ‘yung IATF o DOH. Oo, Reggie.

RE: Baka meron kayong best practices na natisod na puwedeng gayahin ng ibang LGU?

CHIZ: Hindi lang ang Sorsogon, maraming mga LGU, probinsya man o siyudad o munisipyo na napakaraming best practices sa totoo lang dahil marami kaming mga Viber group sa pagitan ng mga LGU at marami sanang pagpulutan ng aral ang IATF mismo saka DOH.

Halimbawa na lamang, kahit kailan hindi kami nag-lock down sa lalawigan ng Sorsogon locally dahil gusto naming balansehin ‘yung pangangailangan sa kalusugan at kaligtasan ng aming mga kababayan. Sa kabilang banda, sa kabilang banda naman, ‘yung karapatan nilang mamuhay ng normal at payapa, may sapat na kita. So ang pinak-lockdown na ginawa namin noong tumataas na kaso ng COVID sa amin ay weekend lamang, Sabado’t Linggo lamang. ‘Pag Sabado’t Linggo, bawal lumabas ang karamihan. Ang puwede lamang lumabas ay ‘yung mga nasa tourism sector nagtatrabaho, mga dayuhan, mga dayo, mga bisita, mga turista para kahit papaano, umiikot pa rin yung aming ekonomiya. Lunes hanggang Biyernes, malayang makakapag trabaho at hanapbuhay ang aming mga kababayan. Kumbaga Reggie, binawasan lamang namin ng 28%, dalawang araw sa pitong araw sa isang Linggo ang paggalaw ng aming mga kababayan at nakita na namin na bumaba ‘yung kaso dahil dun. Hindi kinakailangan ng hard lockdown na papatay hindi lamang sa ekonomiya kundi sa hanapbuhay ng marami sa ating mga kababayan

RE: Bago kayo naging governor, senador muna at very ok yung inyong performance dun. Ano ‘yung mga batas na dapat tingin ninyo na dapat na pinakikinabangan na ngayon pero naudlot, hindi naituloy noon, naiwan nyo?

CHIZ: Pinasa noong nandoon ako ang Universal Health Care Act. Nangunguna ang Sorsogon, Reggie, sa pagpapatupad ng UHC sa buong Pilipinas. Kami na ang may pinaka advance na health care system na sumasang-ayon sa requirements ng UHC. Ika nga, kung anuman ang mga nagawa naming kasama na ang mag pagkakamali, na parang dumaan kami sa butas ng karayom, puwedeng gayahin na lamang ito ng ibang probinsya para madali nilang maipatupad ito. Pangalawa, ‘yung Free Tertiary Education, kulang ang pagpapatupad ng TES o ‘yung Tertiary Education Subsidy. Ang nakikita lang natin madalas, ang nababalitaan lang natin madalas, libre na ang tuition sa State Universities and Colleges.  May probisyon ‘yung batas na ‘yon na nagbibigay din ng karapatan sa sinumang naka-enrol sa pribadong eskuwelahan o university na babayaran ng gobyerno ang tuition. Bibigyan pa sila ng allowance. Ang tawag dun ay Tertiary Education Subsidy, dahil hindi naman lahat ng kursong maganda, inaalok sa state universities at colleges. May mag kursong pribadong unibersidad lamang ang nag-aalok na marapat na bigyan pa rin natin ng puwang at karapatan ‘yung kababayan nating walang kaya na mag aral sa unibersidad na ‘yon.

RE: Hindi nabibida ng husto ‘yan. ‘Yang huli niyong sinabi, natatabunan.

CHIZ: Kaya nga. Parte ng batas ‘yun, Reggie, parte ng batas na pinasa namin ‘yun dahil ako ang umupong chairman ng komite nung ‘yun ay pinasa, noong nag bi-cam at ng finally na-approve.

RE: Pero recently umaangal ‘yung CHED na “wala na kaming pang sustento”, papaano pa kaya ‘yung ganyan?

CHIZ: May nag-define ng governance, Reggie. Sinabi nya na “governance is one thing only; governance is only about allocating scarce resources. If you are able to allocate scarce resources then you govern properly as well.” Ang Appropriations Bill, ang batas na nagbibigay ng budget sa bawat ahensya ng gobyerno, dumadaan ‘yan sa Kongreso, Kamara man o Senado. Bahagi ng trabaho namin, pinka importanteng parte ng trabaho namin ay tiyakin na ‘yung budget ay maisasaayos namin para mabigyan ang kada pangangailangan ng sapat na pondo at kung ano ang uunahin at alin yung pag hihintayin na muna.

RE: Dito po si Pangulong Duterte, bago sya bumaba sa puwesto, may binangga siyang utility, tubig. Pina-recontract niya dahil lugi daw ang bayan, lugi raw ang interes ng publiko. May idea ba kayo ng ganyan? ‘Yung mga utilities na masyadong tinataga ang publiko?

CHIZ: Anumang kontrata na tinawatag nating grossly disadvantageous to government or to people. May saklaw na kapangyarihan ang pamahalaan, kabilang ang Senado’t Kongreso na i-review ang mga kontratang ‘yan para ma-renegotiate. Ang problema, ‘yung mga kontratang ‘yan, madalas, nakikita lamang naman ng Pangulo dahil hindi naman ‘yan bukas sa publiko at para mabuksan mo lamang ‘yung kontrata at mabasa lahat ng mga side agreements. Kinakailangan ang kapangyarihan at opisina ng presidente bago mo magawa ‘yun.

RE: ‘Yung Senado may oversight functions. Makukuha rin ‘yon dun?

CHIZ: May oversight functions Reggie, pero dapat may pagsimulan, Reggie. Hindi naman puwedeng manghuhula ka lang kung saan maaaring may anomalya, kailangan may sumingaw na munang dokumento, ika nga, o testigo na magsasabing may problema ito at dapat tignan dahil ito ang nakasaad sa mga kontrata kung isa-subpoena niyo lamang. Puwede namang i-subpoena hindi pero naman puwedeng parang witch hunt lang ito na bubuksan lahat maghahanap ng butas hindi ko ugali iyon at hindi ko rin ginawa ‘yun sa labindalawang taon ko sa Senado.

RE: OK. Kung mababalik kayo sa Senado at meron kayo muling oversight functions.  Mag-aabang kayo ng may pagsisimulan.

CHIZ: Ang isa siguro nais kong tingnan ay ang internet sa ating bansa dahil sa pagkakaalam ko sapat ang landing station natin para pabilisin ang internet ng bansa.  Kaya lang ito ay kontrolado ng dalawang pinakamalalaking kumpanya na marapat at dapat buksan kung magagawa natin ‘yan ayon sa aking sariling pagsasaliksik sa loob ng isa o dalawang buwan bibilis ang internet sa ating bansa dahil parang binuksan mo lang ‘yung gripo ng internet sa ating bansa na tila hindi nila binubuksan ng todo dahil na rin siyempre ka-kompetinesya nila ‘yung mabibigyan ng bandwidth, ika nga.

RE: Inabutan niyo ba ‘yung SIM card registration noon?

CHIZ: Hindi.  Hindi ko inabutan ‘yung SIM card registration noon.

RE: Iba pa pong programa ni Governor Escudero sakaling siya ay palarin makabalik ng Senado sa pagbabalik ng “Bakit Ikaw?” Welcome back sa “Bakit Ikaw, the DZRH Candidates Interview”.  Kasama po po si senatorial candidate Francis ‘Chiz’ Escudero. As per latest na SWS survey, ang gusto ng mga botante 70% tutukan ng mga kandidatong gaya niyo ay trabaho, murang bilihin at bayarin sa bahay, libreng gamot.  Any comment?

CHIZ: Yung programa sa MSMEs na binanggit ko iyon ang magbibigay ng trabaho at, hopefully, kung magkaroon ng kompetisyon magpapababa sa presyo ng bilihin kumpara sa ngayon na kakaunti lamang ang bukas at kakaunti lang ang may supply at kaugnay ng gamot, UHC ang isa sa solusyon niyan.  Alam niyo sa loob ng taong ito, Reggie, kapagka na-qualify na kami ng DOH at inaasahan kong mabibigay ‘yan sa loob ng taong ito sa Sorsogon.  Kaya namin magbigay ng maintenance medicine sa may hypertension, diabetes specific sa brand ng iniinom nila.

RE: Libre?

CHIZ: Libre.  Kaya namin magbigay ng bitamina at kinakailangang gamot para sa lahat ng nagbubuntis sa Sorsogon, lahat ng nagpapasuso, zero to five na mga bata may asthma may AIDS para sa gayon mabawasan ang anumang kumplikasyon at hindi ma-overwhelm, ika nga, ‘yung aming health care system.  Ngayon, hindi mayamang probinsiya ang Sorsogon.  Kung kaya namin magawa walang dahilan na hindi ito magawa sa iba’t ibang probinsya na malayong mas mayaman sa aming lalawigan.

RE: OK, maganda po iyan.  Daing ng mga magsasaka, massive importation sa kaliwa, sa kanan smuggling.  Katakot-takot kaya tindi ng daing nila.  Meron bang legislation na puwede diyan?

CHIZ: Matagal nang isinabatas galing pa sa Diyos inukit pa sa bato na bawal magnakaw.  Hindi naman sinusunod ng tao kahit dagdagan natin ng gawa ng tao nakasulat sa papel. Hindi pa rin magbabago iyan.  Nasa kamay ng presidente ang pagpigil sa smuggling.  Bakit?  OK, sana sa akin isla tayo, kapuluan tayo, archipelago tayo.  Kung ihuhulog nila sa dagat babalutin ng plastic ihuhulog sa dapat sisisirin ng madaling araw kung saan dalampasigan ng bansa wala na talaga tayo magagawa doon.  Ang masakit ang smuggling na nagaganap sa ating bansa dumadaan sa mga puwerto natin mismo, dumadaan sa gate mismo na may bantay tayo.  Iyon ang hindi katanggap-tanggap at hindi ko maunawaan.  Lalung-lalo na pagdating sa sektor ng agrikultura.  Papaano ba naman makakalusot ‘yan sa Customs lahat ng produktong agrikultura ay dapat refrigerated.  Sasabihin nila piyesa ng kotse pero nakasaksak refrigerated van.  Alam niyo, ‘yung palaging may kasabihan tayo, ‘yung gustong gumawa ng tama palaging may rason; ‘yung ayaw gumawa ng tama palaging may dahilan.  Ika nga, mas madaling makakakita ang bulag kaysa sa nagbubulagbulagan; mas madaling makarinig ang bingi kaysa sa nagbibingihan.  Iyan ang pinakamagandang characterization ng Bureau of Customs sa ngayon na umaapekto sa ating sektor ng agrikultura.

RE: Ayuda?  Tuloy pa ang pandemya, marami pang nangangailangan ang dami pang walang trabaho.

CHIZ: Ang hindi ko maintindihan kung bakit ang gobyerno hindi pinagpatuloy ang ayuda sa transport sektor.  Sabi nila bawal daw dahil eleksyon.  Ano ‘yan ‘pag may tumamang bagyo katulad ngayon wala tayong mabigay na tulong?  Hindi naman yata ganoon ‘yun.  Ngayon lang yata nangyari ‘yan sa kasaysayan ng Pilipinas.  Ewan ko kung anong COMELEC regulation na inisyu, COA regulation ang inisyu na nagbabawal niyan.  May nasunugan, ‘yung nabaha, kailangan maghintay matapos ang election period bago matulungan ng pamahalaan?  Iyong apektado sa mataas ng presyo ng produktong petrolyo kailangan maghintay matapos ang halalaan bago mabigyan ng ayuda ng pamahalaan?  At ‘yung ayuda meron namang tamang computation.

Ika nga Reggie, halimbawa, ang kinita ng gobyerno dahil sa mas mataas nakukuha niya sa produktong petrolyo dahil tumaas; ‘yung presyo.  Humigit-kumulang Php40-B na ang dagdag na kita lalo na ‘yung VAT percentage tax ‘yan sabihin na lang natin 10% para mas madaling mag-compute. Noong Php30 kada litro ng presyo ng gasolina nakukuha ng gobyerno ay Php3 kada litro.  Noong naging sitenta pesos aba doble-doble na nakuha ng gobyerno Php7 kada litro bigla.  So nakukuha niya na dagdag buwis nitong apat nakaraang linggo ay Php40-B.  Kapag isuma mo ‘yung Php5-B na transport assistance at ‘yung Php33-B na Php200 kada buwan, Php38-B lamang po ‘yon. May sukli pa yung gobyerno na Php2-B.

RE: Para sa ayuda.

CHIZ: Unang apat pa lang ‘yon na buwan, apat na linggo. Paano yung sumunod pang apat na linggong mataas ang presyo? Sana kung ano ‘yung dagdag kita ng gobyerno na pasanin ng sambayanan. Siya rin sinusukli at binabalik niya sa pamamagitan ng ayuda para hindi kailangang umutang pang muli ng pamahalaan.

RE: Pero ang stand niyo review ng Oil Deregulation hindi suspension ng mga tax sa petrolyo.

CHIZ: Kabilang ‘yon. Ang pag-review ng Oil Deregulation Law ang nais ko. Una, bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na babaan ang buwis kapag tumataas ang presyo. Pangalawa, magtatag ng strategic petroleum reserve. Ito’y ginagawa na rin sa ibang bansa. Ano ang ibig sabihin nito? Bibili tayo kapag mura ang presyo sa world market, hindi ngayon. Mag-iimbak lang tayo, i-stockpile lang natin para may stock tayo ng gasolina at krudong puwedeng ibenta pangunahin sa transport sector ‘pag marami tayong naipon sa buong Pilipinas para mabenta na sa mas murang halaga. Pangatlo, ang pagpapanumbalik ng OPSF o Oil Price Stabilization Fund para may pang subsidiya tayo sa mga kompanya ng langis para hindi na magtaas ng presyo. Ang nakikita natin domino effect ‘yan. ‘Pag nagtaas ang presyo ng langis, tataas ang bilihin. Hihiling ang mga tao na itaas ang pamasahe. Hihiling ang tao na itaas din ang suweldo.

RE: Maraming kokontra rin diyan sa OPSF. Napatunayan na raw ‘yan. Masyadong maaksaya, masyadong maka-pera parang ganoon.

CHIZ: Hindi naman nila nakita rin ‘yung epekto nun na hindi tumataas ang presyo ng bilihin. Ang inflation natin nung mga panahong ‘yon ay mababa rin naman at may multiplier effect ‘yon sa ekonomiya. Maganda mapagdebatihan, magandang lumabas lahat ng ito para maibalik. Kung noong panahon ‘yon may reklamo sila, baka iba na ‘yung sitwasyon ngayon. Pabago-bago naman ang panahon, pabago-bago ang pangangailangan, pabago-bago rin ang sitwasyon rason para tignan natin at balik-tanawan natin ‘yung mga nagawa natin dati baka umubra na naman sila ulit sa panahon na ito.

RE: ‘Yang mga panukala niyo ‘yan ay para hindi tayo ma-hostage ng halimbawa katulad ng Russia-Ukraine conflict. Bigla tayong–

CHIZ: Tama. Alam mo nga, may biglang nagpapalabas ngayon ng mula sa strategic petroleum reserve nila. Ang nilalabas ng Amerika, kung hindi ako nagkakamali, ay one million barrels a day.

RE: Kung may ganyan tayo?

CHIZ: Kung may ganyan tayo, kaya rin natin magbenta sa murang halaga. Ulitin ko, hindi lugi ang gobyerno dito. Bibili siya habang mura, ibebenta niya sa pagkakabili niya o may kaunting dagdag. Mura pa rin ‘yon kaysa sa kasalukuyang presyong nakikita natin ngayon.

RE: Ang itatanong ng mga tao diyan, baka may ambag kami diyan, baka may pera ako diyan ay wala na nga akong pera.

CHIZ: Hindi, bakit tayo matatakot mangutang basta may pambayad tayo para rito iikot naman na ito at hindi naman ito parang kumunoy na itatapon mo lamang. ‘Pag nag-invest ka rito, ibebenta mo ulit iikot na ‘yung pera. Kumbaga one time investment lamang itong strategic petroleum reserve.

RE: Governor, poprotektahan ‘yung sa taxes sa bagong mga tax. Ano ang stand niyo sa ganoon?

CHIZ: Hindi na dapat dagdagan ang buwis ng mahihirap nating kababayan na ordinaryong manggagawa ng middle class, ang pinakahuling dapat gawin ng isang bansa na bumabangon sa ekonomiya ay taasan ang buwis lalong-lalo na sa middle at lower class. Kung may tataasan tayo ng buwis yung pinakamayayamang mga Pilipino na halos hindi naman mararamdaman maski kurutan mo ng konti para sa pamahalaan at pangangailangan ng gobyerno.

RE: Kita mo ba ‘yung pinaka-latest ng Forbes?

CHIZ: May listahan ka na agad. Ano ba naman sa kanila ang pinag-usapan natin anim, $5-8-B? Ano ba naman sa kanila yung konting ambag sa pamahalaan at gayundin sa taumbayan na sa palagay ko mapapaliwanag sa kanila ay baka nga boluntaryo pang gawin nila ‘yan.

RE: Isa sa ano ng Philippine society is napakakonti nung sobra-sobrang daming mayroon at napakarami naman noong walang-wala.

CHIZ: Hindi lang sa Pilipinas sa buong mundo ‘yan, Reggie. Sobrang layo ng agwat ng mayaman at mahirap hindi lamang sa Pilipinas sa buong mundo. At itong pandemya lalong pinalayo ‘yung agwat na ‘yan. So layunin natin, objective natin pagdikitin at pagparehuin o maski na papano huwag namang ganung kalayo tulad ngayon kumpara sa bago magpandemya.

RE: Pero in fairness dalawa, tatlo sa naririnig ko ay tatakpan yung distansyang ‘yan yung agwat na ‘yan.

CHIZ: Na malayo na masyado talaga, Reggie, sa totoo lang.

RE: Balik tayo sa “Bakit Ikaw” kasama ko po si Sorsogon Governor Francis ‘Chiz’ Escudero. West Philippine Sea, problema natin sa China. Pumapasok na ‘yung mga barko ng China sa Boracay, sa Sulu Sea, minsan malapit sa Mindoro, anong nakikita niyong dapat gawin ng Pilipinas?

CHIZ: Ilang bagay una, dapat makipag-usap na tayo. Tukuyin natin ‘yang isyung ‘yan sa bansang China bahagi ng independent foreign policy natin para pag-usapan. Ano nga ba ang rules of engagement diyan sa lugar na ‘yan? Sino nga ba ang may karapatan habang inaangkin natin pareho ‘yan? Hanggang saan lang ba? Ano ba ‘yung katanggap-tanggap para sa atin? Pangalawa, gastusan natin Php100-M lang ‘yon na magpatayo na tayo ng permanenteng istraktura imbes na barkong lumang sinadsad lang natin sa dalampasigan ang tirahan ng ating mga sundalo doon. Para meron tayong katibayan at permanenteng settlement na, may kubkuban pa at puwedeng taguan ‘yung ating mga mangingisda d’on kung saka-sakaling masama ang panahon. Pangatlo, hindi natin kailangan makipag-giyera sa bansang China, maliban sa dehado tayo dahil pwede naman nating isang tabi nang hindi pinapakawalan ‘yung ating karapatan, pagmamay-ari at interes diyan. ‘Yung bagay na hindi natin napagkakasunduan sa China at patuloy tayong magkasundo sa mga ibang bagay, magkaroon ng relasyon sa ibang bagay na hindi naman magkaiba ang pananaw natin. Pang-apat, para sa akin hikayatin natin ang ating mga karatig bansa sa Asya partikular dahil hindi pa nagtatagumpay ang bansang i-take up at isama sa agenda ng ASEAN ‘yung Hague decision natin na pumapabor sa Pilipinas kaugnay ng pagmamay-ari ng mga islang ‘yan. Sana ang susunod na administrasyon, sikaping magawa at makamit ‘yan.

RE: Sabi ni Professor Rommel Banlaoi, since GMA time daw may naka-file, may naka-pending sa Senado na Maritime Baseline and Archipelagic Law na hanggang ngayon daw ay hindi ano, puwede daw sanang magamit ‘to d’yan sa mga intrusion ng Chinese.

CHIZ: Nanalo na tayo sa the Hague.

RE: Hindi na kailangan ‘to.

CHIZ: Hindi kinakailangan- ‘yung batas na ‘yan para sa atin lang naman ‘yan at ‘yang batas na ‘yan pinapatupad lamang naman ‘yung nakasaad sa UNCLOS kaugnay ng baseline theory ng isang archipelago. Alalahanin mo Reggie, Pilipinas ang nag-iisang archipelago sa buong mundo at ito’y sinulong noon ni dating Vice President, dating Senador Arturo Tolentino naalala ko at ‘yun ay pinasa sa UNCLOS, sa United Nations. Ang nakakatawa pa nga dito ‘yung China na kalaban natin kaugnay ng baseline theory ng isang archipelago ay pumirma sa UNCLOS pero ayaw sundin. ‘Yung Amerika na hindi pumirma, siya naman ‘yung kakampi natin na nagsusulong ng karapatan natin dito. Kakaiba talaga ang international law kung ating susuriin at titignan.

RE: Parang gulong, minsan- paikot-ikot. Governor Chiz, fearless forecast niyo sa darating na May 9? Kung puwede kitang gulatin.

CHIZ: Ngayon ko lamang din nakikita, tulad ng marami ‘yung matataas na numero at malalayong agwat sa mga survey. Base sa karanasan ko rin sa mga nagdaang eleksyon.

RE: Expert ka.

CHIZ: Kung ito’y magpatuloy hanggang pagkatapos ng Holy Week, nang ganyan pa rin kalalaki ang agwat.

RE: Surveys.

CHIZ: Malaki ang tsansa na ‘yun na halos ang iyong makikita, maliban na lang kung may kandidatong madadapa. Ika nga ‘pag sinabi kong madapa, malaking pagkakadapa. Meaning dumapa, tumama ‘yung buong mukha at hindi mo na makilala siguro ganoon kalaking dapa.

RE: Mabigat.

CHIZ: Pero para sa akin, Reggie, higit pa ro’n ito na siguro sa dami ng eleksyong sinalihan ko ang isa sa pinakamainit na eleksyon. Bakit mainit? Mainit dahil nag-aaway na ‘yung mga kamag-anak, kaibigan, magkatrabaho, magkapitbahay dahil lamang magkaiba sila ng sinusuportahan na kandidato sa pagkapangulo o ikalawang pagkapangulo.

May nabasa ako sa TikTok, isang kasabihang marahil ay bagay at angkop dito, “We don’t have to agree on anything to be kind to one another”. Hindi porke’t magkaiba tayo ng pananaw sa isa o sa maraming bagay rason na ‘yun para maging masama tayo sa isa’t isa. Sana alalahanin po natin ‘yun gaano man kainit ang halalan. Dagdag pa doon, sino man ang mananalo, siya ang uupo at tatayo bilang pangulo ng buong bansa, nang bawat Pilipino. Binoto man siya o hindi, sinuportahan man siya o hindi, dapat pantay na pagsilbihan ng mananalong pangulo ang bawat isa sa atin at saka sana doon sa mga sumusuporta, karamihan po ng mga tumatakbo, hindi naman magkakaaway, sa katunayan magkakaibigan po sila sa labas ng mundo ng politika.

Kung ‘yung mga kandidato, magkakaibigan pagkatapos ng eleksyon tayo pa kayang sumusuporta lamang. Siguro hindi naman yata tamang hindi na tayo magpansinan habang buhay dahil lamang magkaibang color ang dinadala natin sa panahong ito ng halalan. Ika nga ng isang makabayan, sana pagkatapos ng eleksyon ‘yung kulay ng dinadala natin, pare-pareho na. Kulay na sumasagisag sa ating bandila: red, white, blue na may kaunting dilaw dahil sa dulo, pare-pareho pa rin tayo na Pilipino sino man ang sinuportahan nating kandidato. Sa dulo nakatira pa rin tayo sa nag-iisang bansa na kung ito’y lulubog sama-sama po tayo ‘yung bumoto man o hindi sa nanalong kandidato.

RE: Si Honorable Francis ‘Chiz’ Escudero, Congressman, Senador, Governor at Senatorial candidate ngayon. Chiz, bakit ikaw ang dapat iboto sa May 9?

CHIZ: Sa muli kong pagharap sa dambana ng balota, layunin ko po na ialok ang anumang meron ako. Inaalay ko anumang talino, talento, galing, tapang at karanasan na hinubog ng panahon sa akin upang makapag bigay ng siguradong solusyon at siguradong direksyon sa mabibigat na problema na kinakaharap ng ating bansa sa ngayon. Hindi ito ang panahon para mag-eksperimento o mag-OJT ika nga. Ang layunin natin makakilos tayo sa pinakamabilis na paraan upang maharap at maresolbahan ang mga problemang dulot ng pandemya, dulot ng kalamidad at dulot ng krisis sa ekonomiya. Sa muli, ang aking inaalay sa pagharap ko sa dambana ng balota ay ang mga ‘yan.

RE: Maraming salamat. Magandang araw, Pilipinas. Francis ‘Chiz’ Escudero, si senatorial candidate Escudero at ‘yan na po ang “Bakit Ikaw? The DZRH Candidates Interview”. Sa ngalan ni Dr. Caesar Chavez, ako si Reggie Espiritu. Magandang araw, Pilipinas.