CHIZ DI NATINAG SA PANGALAWANG PUWESTO SA BAGONG DZRH SENATORIAL SURVEY

 

Napanatili ni senatorial candidate at kasalukuyang Sorsogon Governor Chiz Escudero ang kanyang pangalawang puwesto sa mga kandidato sa pagkasenador na napupusuan ng mga Pilipino sa pinakabagong pre-election survey na isinagawa ng estasyon ng radyo na DZRH kulang tatlong linggo bago ang halalan sa Mayo 9.

Si Escudero ay pinili ng 44.16% ng 7,560 respondents na kabilang sa MB-DZRH Pre-election Survey. Ang opinion poll, na ginawa noong Abril 18-19 at may margin of error na +/- 1.13%, ay isinapubliko sa Facebook page ng estasyon ng radio noong Biyernes.

Si Escudero, na kumakandidato para sa bagong anim na taong termino sa Senado sa halalan sa susunod na buwan, ay palaging nangunguna sa iba’t ibang pre-election surveys. Sa PAHAYAG survey ng Publicus Asia noong nakaraang buwan, hindi siya natinag sa numero unong puwesto mula sa hanay ng mahigit 60 kandidato na naglalaban-laban para sa 12 puwesto sa Mataas na Kapulungan.

Gustong-gusto ring manalo ng mga estudyante ang dating senador para sa karera sa Senado na makikita naman sa mga resulta ng mock elections na isinagawa ng hindi bababa 36 kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. Si Escudero ay top choice din ng mga mag-aaral at tauhan ng mga eskuwelahan na respondents sa isang opinion poll na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines na kinabibilangan ng 1,525 paaralan.

Sinabi ng beteranong mambabatas na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang League of Provinces of the Philippines ay isinama rin si Escudero sa listahan nito ng iniendorsong anim na kandidato sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9 habang nag mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin para sa kanyang balik-Senado.

Ang dating senador ay sinusuportahan din ng mga party-list group na kinabibilangan ng Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Uswag Ilonggo, at pati ng grupo ng kabataang Pilipino na Nationalist Social-Democratic Society.

Ang pinakamalaking non-government organization sa bansa na Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.