Binisita ni global brand ambassador at social media celebrity Heart Evangelista-Escudero ang Muntinlupa Training and Resource Center for Women (MTRCW) upang alamin kung papaano siya makakatulong sa komunidad bilang parte ng kanyang women empowerment advocacy.
Sa kanyang pagdalaw roon ng Miyerkules, natuto ang aktres at fashion icon sa proseso ng paggawa ng mga lokal na produkto tulad ng bottled bangus, gourmet tuyo, at tinapa, at pati na peanut butter.
Naglaan din ng oras ang 37-year-old GMA Kapuso star, misis ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na nagbabalik-Senado, upang makasalamuha ang 160 kababaihan na sumasailalim sa iba’t ibang livelihood trainings upang madagdagan ang kita ng kanilang mga pamilya.
Sa kanyang maikling pananalita, hinimok ni Mrs. Escudero ang mga kababaihan na magtayo ng kahit na maliit na negosyo kapag natapos na nila ang training na ibinigay nang libre ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Gender and Development (GAD) Office at Muntinlupa City Technical Institute.
“I am here to just show my support sa lahat ng ginagawang mga programa para sa women empowerment and of course, I am here for the women that have gone very difficult times of their life. Sana makatulong sa inyong makapagnegosyo ang matutunan ninyo dito,” ani Evangelista-Escudero.
“We, as women, are here to give love, to take care of people and so as we get together, let us empower each other, support each other. Suportahan din po natin ang mga programa na binibigay ng city para mas maging maayos ang ating mga buhay at mabigyan natin ng pansin ang mga capacities natin to create wonderful things and create an impact,” dagdag niya.
Sinabi ng GAD office sa isang Facebook post na bumisita ang aktres sa livelihood training center upang tulungan ang kababaihan sa pag-promote ng kanilang mga produkto.
“Ang layunin ng kanyang pagbisita ay upang tulungan tayo na maipakilala ang mga produktong gawa ng Muntinlupeño sa iba’t ibang lugar sa ating bansa,” ayon dito.
Pinasalamatan ni GAD Chair Trina Biazon ang aktres dahil sa pagbisita sa center at kanya rin itong pinapurihan dahil ginagawa nitong kapakipakibanang ang tangang celebrity status sa pagsusulong ng women empowerment at pagkampeon sa mga karapatan ng kababaihan.
“We are very thankful that Heart accepted our invitation to visit and get to know the women here at the center. Her presence was a big morale booster for all of us,” ani Ms. Biazon.
“Mula sa Muntinlupa Gender and Development Office & MCTI Tesda, Maraming Salamat, Ms. Heart Evangelista-Escudero for visiting the Muntinlupa Training and Resource Center for Women,” dagdag niya.