Inanunsiyo ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na nakakuha ng certificates mula sa International Organization for Standardization (ISO) nitong kamakailan lang ang mga munisipalidad ng Bulusan at Irosin na mga karagdagang lokal na pamahalaan sa probinsiya na binigyan ng seal of approval ng standards-setting body dahil sa de-kalidad at epektibong serbisyo-publiko ng mga ito.
Ayon kay Escudero, ang mga bayan ng Bulusan at Irosin ang pangpito at pangwalong lokal na pamahalaan sa probinsiya (mula sa 15 siyudad at munisipalidad) na nakatanggap ng sertipikasyon kung kaya sa ngayon ay ang Sorsogon ang may pinakamaraming lokal na pamahalaan na ISO-certified sa buong Pilipinas.
Ang iba pang lokal na pamahalaan na may sertipikasyon na rin ay ang Barcelona, Bulan, Castilla, Donsol, Pilar, at Sorsogon City habang pinuproseso na ang natitira pa.
Natanggap ng pamahalaang probinsiya ng Sorsogon ang ISO 9001:2015 certificate nito noong Hunyo ng nakaraang taon mula sa Certification International Philippines Inc.—ang kauna-unahan sa buong Bicol Region at isa sa mga kakaunting probinsiya (mula sa 81) sa bansa na ISO-certified.
Ang lahat ng siyam na ospital, na pinamamahalaan ng Sorsogon Provincial Health, ay kinilala ng nakabase sa Geneva, Switzerland bilang world class pagdating sa mga proseso at serbisyo.
“Malugod na pagbati sa mga opisyal at mga kababayan natin sa Bulusan at Irosin sa paggawad ng ISO certificates sa kanilang mga LGU,” anang beteranong mambabatas. “Muli, isa naman itong patunay nang puspusang pagpapaganda ng serbisyo publiko sa buong lalawigan ng Sorsogon. Mabuhay po kayo!”
“This ISO certification reinforces the kind of service we deliver to the people of Sorsogon. Dito sa ating probinsya, hindi pwede ang pwede na dahil ang serbisyo natin ay mabilis, ang serbisyo natin ay mahusay, ang serbisyo natin ay de-kalidad mula sa simula hanggang sa dulo,” ani Escudero na nag-iisang kasalukuyang gobernador na kumakandidato para sa Senado.
At kung muling makakaupo bilang senador, nangako si Escudero na kanyang tutulungan na mangalap ng pondo para sa training ng mga LGU na nagnanais ding magawaran ng ISO certification.
“Ang nais ko para sa ibang mga probinsiya o munisipalidad ay magkaroon din ng ISO certification tulad ng Sorsogon at iba pang LGU sa aming lugar. Nais ko silang tulungan na pagtibayin at palakasihin ang kanilang kakayahan na iangat at pataasin pa ang kalidad ng serbisyo publiko upang lalong mapakinabangan ng kanilang mga mamamayan,” aniya.
“Kung nakaya namin sa Sorsogon, walang dudang kaya rin nila itong gawin. Ang kailangan lang ay tamang gabay at tamang training,” ayong kay Escudero na nagsilbing senador ng dalawang termino.
Ang ISO, na isang lupon ng mga eksperto mula sa iba’t ibang bansa, ay kinikilala sa buong mundo dahil sa pagtataguyod ng kahusayan sa sistema ng pamamahala at sa mga proseso ng pagdodokumento, pamamaraan, at tungkulin para sa quality control, pati na pagsasapropesyonal ng hanay ng mga empleyado para sa de-kalidad na pagseserbisyo.