BOMBOHANAY BIGTIME

 

CARLO SEPULVEDA (CS): Welcome to Bombo Radyo Cebu. Makakapanayam natin ngayon ang isa sa kilala at batikan na two-term Senator at ngayon ay Governor ng Sorsogon sa Bicol Region. Noong Senador, naipasa ang Universal Health Care Act at libreng matrikula sa universities and state colleges, exemption sa minimum wage. Kay Chiz Escudero, sigurado! Let us all welcome, Governor Chiz Escudero at ang ating programa ngayon. Magandang araw po, Mr. Governor.

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Bombo Carlo, magandang umaga sa iyo at sa lahat ng listeners natin ng Bombo Radyo sa siyudad at lalawigan ng Cebu. Maayong buntag. Good morning. Kamusta ka na, Carlo?

CS: Magandang umaga po, Mr. Governor. Consistent kayo na mataas sa iba’t-ibang surveys. Sa Survey ng Publicus, number 1. Palagi ring nasa top 5 ng senatoriable surveys maging sa malalaking unibersidad sa iba’t-ibang parte ng bansa. First choice kayo sa mga estudyante. Ano po ang masasabi ninyo rito?

CHIZ: Nakakataba po ng puso ang suportang ipinapakita sa iba’t-ibang survey pero, Bombo Carlo, palagi kong sinasabi survey lamang iyan at ang binibilang pa rin ay ang boto sa araw ng eleksyon. Kaya kung sinuman ang mababa, sinuman ang mataas basta tuloy-tuloy lamang tayo sa pangangampanya at pagpaparating ng ating mensahe sa ating mga kababayan. Dagdag pa siguro rito- para sa akin. Sinuman ang mataas, sino man ang number 3, number 5, number 8 pare-pareho lamang ang suweldo niyan basta makapasok lamang sa top 12 at senador pa rin naman ang tawag, Bombo Carlo.

CS: Iba’t-ibang kulay ng pulitika ang nag-endorso sa inyo katulad ni Pangulong Duterte. Ang kanyang anak na si Mayor Inday Sara, si VP Leni at nang iba-ibang sektor. Ano ang pinaka-latest endorsement gaano po kahalaga ng endorsement sa inyo, Mr. Governor?

CHIZ: Malaking bagay po para sakin dahil mag isa lamang akong naglilibot at parang independentye ang aking kandidatura, nagpapasalamat po ako kay Pangulong Rodrigo Duterte, kay Vice President Leni Robredo, kay Mayor Inday Sara at iba’t ibang personalidad at grupo na nag endorso ng aking kandidatura. Para po sa akin, higit sa kulay na nagdadala o dinadala o sinusuportahan ninyo, ang importante ay yung proseso. Nagkakasundo naman po lahat, pwede magkasundo ang iba’t ibang personalidad at kulay. Hindi man sa kandidatura ko, sana sa ibang bagay pa at plataporma alang alang sa ikakatagumpay ng ating bansa.

CS: Sa pagtaas sa presyo ng gasolina, may mga panawagan ang mga transport operators pati mga tricycle drivers, Mr. Senator, na itaas ang pasahe at panawagang dagdag suweldo, anong masasabi niyo rito?

CHIZ: Pabor ako at pagbalik ko sa Senado maghahain ako ng legislative minimum wage increase, Bombo Carlo. Hindi ginagawa para sa akin ang mga regional wage boards ang kanilang trabaho, ewan ko kung anong planeta sila nagpapalengke at nag go-grocery para sabihing sapat ang kinikita ng mga manggagawa dito man sa Cebu o sa iba’t ibang parte ng bansa. At kung hindi na ibinibigay ng gobyerno ang ayuda sa transport sector, walang ibang pupuntahan ‘yan kundi taas pamasahe, kawawa na ang ating mga driver ng tsuper, ng tricycle, jeep o pampublikong sasakyan. Sila na lamang ang bumabalikat ng mataas na presyo ng produktong petrolyo sa ngayon.

CS: Mr. Governor, anong masasabi niyo sa pamamayagpag ni BBM at Inday Sara sa pinakahuling survey?

CHIZ: Tulad ng binanggit ko kanina, sino man ang mataas o mababa dapat tuloy-tuloy lang at ‘yan ang nakikita natin na ginagawa nila, Bombo Carlo. Kaya nga nag-rally dito ng malaki, ‘yung magkaibang kulay pareho, pula man o pink. Pero sa matagal na panahon kung matutuloy talaga ang mga numerong ‘yan sa araw ng eleksyon, ngayon lamang tayo magkakaroon muli ng pangulo at ikalawang pangulo na galing sa iisang partido at grupo. Pero gaya ng sinabi ko, boto pa rin sa araw ng eleksyon ang binibilang at hindi boto sa survey kaya basta tuloy-tuloy lamang dapat ang pangangampanya ng mga kandidato.

CS: Marami ang sang-ayon sa iyong maikling panunungkulan sa bayan ng Sorsogon, umayos ang lalawigan. May mga proyekto na kayo na nais i-replicate sa ibang mga lugar through legislation.

CHIZ: Ang ilang bagay, una, kung paano ipatupad ng tama ang UHC para mas madali nang ipatupad ‘yan dito sa Cebu at hindi na kailangang pagdaanan ‘yung mga pagkakamaling pinagdaanan namin sa Sorsogon. Pangalawa, Ang pagkakaroon ng inter-faith cemetery sa kada munisipyo sa ating bansa para may dadalhan tayo ng mahal natin sa buhay na papanaw, anuman ang relihiyon at anuman ang kultura. Pangatlo, ang pag-ayon sa certify ng mga lokal na pamahalaan. Sorsogon ang pang-anim lamang na lalawigan na ISO 9001: 2015 certified at Sorsogon din ang pinakamarami ngayon na ISO Certified na LGU. Nine out of 15 na kami, Bombo Carlo, na ISO certified sa aming lalawigan.

CS: Sa isang panayam, sinabi ni Ms. Heart, itong “heart” ninyo Mr. Senator.

CHIZ: Na nasa Pangasinan.

CS: Na kung hindi ka niya asawa at hindi ka niya kilala ng personal, iboboto ka pa rin nya dahil she made reaserch way back 2007. Pinayuhan din nya ang mga botante na pag-aralan ang mga plataporma ng mga tumakbo, ano ang masabi niyo dito?

CHIZ: Mas pipiliin ko Bombo Carlo, puwede ba, na makilala ko na lang siya at pakasalan niya ko kahit hindi na niya ko iboto dahil noong 2012, noong nakilala ko siya, senador naman na ako noon. But kidding aside, importante at tama ang sinabi ni Heart dahil sa araw ng eleksyon lang tayo tunay na nagkakapantay-pantay bilang mga Pilipino, mayaman o mahirap, matanda o bata, may hitsura o wala, tig-iisa lamang tayo ng boto pagdating ng May 9.  Sana galangin at gamitin natin ang kapangyarihan ‘yan para piliin ang ating mga lider na pagsisilbihan tayo sa loob ng tatlo at anim na taon.  Importante ang mga lider na ating pipiliin.  At dagdag ko lang siguro, Bombo Carlo, walang maling sagot sa iboboto natin.  Ang importante lamang bumuto at lumahok tayo sa demokratikong proseso.  Wala pong dapat, wala pong mali sa isang demokrasya isa lang po ang batas na sinusunod ang gusto ng nakakarami.  Kung iyan ang gusto ng nakakarami iyan ang dapat nating sundin lahat.

CS: Ano po ang inyong mensahe sa mga Cebuanon na nakikinig at nanunuod sa atin ngayon?

CHIZ: Sa muli, karangalan ko pong personal makabalik at makabisita dito sa Bombo Radyo sa siyudad at lalawigan ng Cebu.  Hiling at dalangin ko po sana muli ang inyong tulong, suporta, paniniwala at pagtitiwala sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro ng Senado para po inyong maging kinatawan, kampeon at nakapaghatid ng boses sa Senado.  Ang aking iniaalay anumang talino, talento, galing, tapang at karanasan meron ako para makapagbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problema na kinakaharap ng ating bansa ngayon.  Bombo Carlo, sa iyo at sa ating listeners, maraming salamat at pagbati na lamang muli.