GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Sa lahat ng ating listeners at tagasubaybay ng Bombo Radyo, magandang umaga po sa inyong Lahat. Taos-pusong pagbati. Maayos naman Bombo Elmar. Isang kaso lang kami ng COVID nitong nagdaang isang linggo.
ELMAR ACOL (EA): Napansin ng iba at maraming nakapansin consistent po kayo dun sa matataas na iba’t ibang mga survey ‘yung inyong puwesto. ‘Yung katulad nung Publicus kayo ay number one at palagi rin nasa top 5 na senatoriable sa iba’t iba pang mga surveys. Maging malalaking mga unibersidad sa iba’t ibang parte ng ating bansa ay top choice kayo ng kanilang mga estudyante. So, anong reaction n’yo? Anong masasabi n’yo po rito Senator at Governor Chiz?
CHIZ: Nakakataba po ng puso ang suportang ipinapakita ng ating mga kababayan sa iba’t ibang survey. Subalit Bombo Elmar, ang binibilang pa rin ay boto sa araw ng halalan. Kaya sinuman ang mataas o mababa sa survey, dapat tuloy tuloy lang ang kanilang pagpaparating ng kanilang mensahe, layunin, prinsipyo at plataporma. Dagdag pa siguro dun, basta’t pumasok sa top 12 Bombo Elmar. ‘Yun naman ang mahalaga dahil 1, 3, 5,8 o 10 man, pare-pareho lang din naman ang suweldo at pare-pareho din po ang tawag. Senador pa rin naman.
EA: Hindi lamang ano, sabi nga iba’t ibang kulay sa pulitika ‘yung napansin din namin ‘yung nag-endorse sa inyo. Diyan mismo ‘yung Pangulong Duterte, ‘yung kanyang anak si Mayor Inday Sarah, si Vice President Leni Robredo, pati ‘yung iba’t ibang sektor ano, ‘yung latest nga rito ‘yung endorsement mula mismo diyan sa grupo itong League of Province of the Philippines. So, gaano kahalaga para sa inyo- ang isang veteran na politician- ‘yung endorsement na mga ganito sa isang kandidato, Governor Chiz?
CHIZ: Para sa akin napakalaking bagay dahil mag-isa lamang naman ako nag-iikot, Bombo Elmar. At parang independyente ang aking pagtakbo. Malaking bagay ang pag-endorso ng mga kilala at sikat na personalidad, gayundin iba’t ibang grupo. At taos-puso po akong nagpapasalamat sa lahat ng personalidad at grupong nag-endorso at nagdala ng aking kandidatura.
Pero higit sa pasasalamat ko, Bombo Elmar, ‘yung kahalagahan na, anong kulay man ang ating dinadala ngayon, anong kulay man ang ating sinusuportahan ngayon. Sana kalian man ‘wag nating makalimutan na matapos ang halalang ito, sana pare-pareho na tayo ng kulay na dinadala. Mga kulay na pula, asul, puti na may konting dilaw, kulay na sumasagisag sa bandila at watawat ng ating bansa. Dahil anuman ang ingay at bangayan sa halalang ito, matapos ang eleksyon, pare-pareho pa rin tayong Pilipino, pare-pareho pa rin tayong naninirahan sa Pilipinas. At sinuman ang mananalo, mas bawal dapat.
Ika nga, sa prinsipyo sa batas, “those who have less in life should have more in law.” Marapat at panahon ng reviewhin ang Oil Deregulation Law kaugnay ng minimum wage. Maliwanag para sa akin na hindi ginagawa ng mga wage board ang kanilang trabaho. Nais kong isulong by region pa rin pero isang legislated minimum wage increase. Kongreso na ang magpasa dahil dinelegate lamang ng Kongreso ‘yan sa mga wage board. At kung hindi nila ginagawa ang kanilang trabaho ng sapat at tama, puwedeng bawiin ‘yan ng Kongreso pansamantala mula sa kanila. Pangatlo, kung hindi po tutuloy dahil sa election period at election ban ‘yung ayudang ibibigay dapat ng pamahalaan sa transport sector. Wala pong ibang dapat puntahan ‘yan kung hindi pagtaas ng pamasahe dahil kawawa naman ‘yung ating mga tsuper ng jeep at tricycle at pampublikong sasakyan. Dahil sila lamang ‘yung bumabalikat ng napakataas na presyo ng produktong petrolyo nitong nagdaan. Sabi mo nga, naglalabing apat na linggo.
EA: Nababanggit mo itong minimum wage issue diyan sa legislated minimum wage. Malapit na po ‘yung Labor Day. Sa palagay mo kaya maihabol pa kaya ‘yung mga regional wage board? Para at least ay meron para diyan sa ating mga manggagawa sa Mayo 1.
CHIZ: Sana, Bombo Elmar. Pero sa nakita kong kasaysayan ng mga regional wage boards, ni minsan hindi pa nila pinagbigyan ang buong kahilingan ng mga manggagawa. Sana man lang 1 out of 10 pinagbigyan nila. Pero ni minsan, wala. Ang pinag-uusapan natin sa taas ng presyo ng bilihin at produktong petrolyo, pag survive na ng ating mga manggagawa, sapat na pambili ng pagkain. Samantala sa kabilang banda, sa mga negosyante, hindi naman po nila ikalulugi, ikapupulubi at ikagugutom ang mataas na suweldo sa ating mga manggagawa. Marahil mababawasan lamang ang kita nila. Pero hindi naman po nila ikakapulubi anumang umento sa sweldong makatarungan at tunay na tumutugon sa pangangailangan ng ating mga manggagawa. Maganda ngang matanong Bombo Elmar, saan ba nagogo-grocery at saan ba namamalengke ang mga miyembro ng regional wage boards para sabihin nila na sapat na ‘yung kakarampot at napakaliit na mga dagdag suweldo na kanilang pinapayagan nitong mga nagdaang taon. Taasan man, sa Mayo 1, ang aking panalangin at hiling sa mga wage board, sana tingnan naman nila yung tunay na kalagayan ng ating mga manggagawa bago sila magbigay na naman tulad sa nagdaang panahon ng napakaliit na dagdag suweldo at malayo sa hinihiling ng ating mga manggagawa.
JANE BUNA (JB): Anong masasabi ninyo sa pamamayagpag parin ni BBM at Inday Sara Duterte sa pinakahuling mga survey, Senator?
CHIZ: Sa tagal ko sa pulitika, ito ang unang pagkakataon na nakikita ko ang matatataas na numero na tulad nyan at ganyang kalalaking lamang. Kung walang kaganapang nakakagulantang o malaki na mangyayari sa pagitan ng araw na ito at sa darating an eleksyon, marahil ‘yan na rin ang makikita nating resulta. Pero tulad ng binanggit ko kanina, boto pa rin sa eleksyon ang binibilang at hindi sa survey. Kaya kung makikita mo lahat na tumatakbo sa pagka-presidente, mataas man o mababa sila sa survey, tuloy-tuloy lamang sa pangangampanya. Pero kung mangyayari din ‘yan Bombo Jane, ito ang unang beses sa mahabang panahaon din – kung matutuloy ‘yan – na magkatandem ang magiging pangulo at ikalawang pangulo natin. Dahil sa nagdaang mahabang panahon, parating magkaiba ng partido ang ating pangulo at ikalawang pangulo.
JB: Marami ang sang-ayon na sa maikling panahon ng inyong panunungkulan sa Sorsogon, umayos ang lalawigan. May mga proyekto ba kayong nais i-replicate sa ibang mga lugar through legislation, Governor Chiz?
CHIZ: Well, una sa lahat, utang ko ito sa tulong, suporta ng lahat na bumubuo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon. Ilang bagay siguro, Bombo Jane. Una, nag-ISO Certification 9001: 2015 ang Sorsogon at walong bayan o LGU sa lalawigan ng Sorsogon. Napakaganda po nito para magbigay ng serbisyong tama, totoo at mabilis at tapat sa aming mga kababayan. Marahil pwede rin itong gawin ng kada LGU sa buong bansa.
Pangalawa, ang pagiging advance ng health care network system ng lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng Universal Health Care. Hindi na kailangan pagdaanan ng mga lalawigan ang pinagdaanan naming hirap na halos pumasok kami sa butas ng karayom. Puwede nilang gamiting prototype na ‘yung aming karanasan upang mas mabilis itong mapatupad sa kani-kanilang lugar at lalawigan.
Pangatlo, ang pagsasaayos ng mga munisipyo at municipal buildings sa aming lalawigan. Dahil naniniwala ako sa simpleng prisipyo, Bombo Jane, kapag maayos, malinis at maganda ang tanggapan at opisina ng pamahalaan at opisyal ng gobyerno. Dapat maayos, malinis at maganda din ang serbisyo naibibigay nila sa aming mga kababayang mangangailangan ng tulong ng pamahalaan.
JB: Sa isang panayam sinabi ni Ms. Heart na kung hindi ka niya asawa at hindi ka niya kilala ng personal, iboboto ka pa rin niya dahil she made her research way back in year 2007. Pinayuhan din niya ang mga botante na mag-research at pag-aralan ang plataporma ng mga tumatakbo. So, ano po ang masasabi ninyo dito, Governor Chiz?
CHIZ: Mas pipiliin ko, Bombo Jane, na makilala siya at mapakasalan siya kaysa iboto niya ako noong mga panahong ‘yun dahil miyembro ako ng Senado nung nakilala ko na si Heart noong taong 2012. But kidding aside, tama po si Heart. Sa araw lang ng eleksyon tayo tunay na nagkakapantay-pantay. Kung saan mayaman o mahirap, nakapag-aral o hindi, may hitsura o wala, matanda man o bata, tig-iisa isa lang po tayo ng boto pagdating ng araw ng Halalan. Sana huwag po nating sayangin. Sana gamitin po natin ang kapangyarihan at karapatang ‘yan na pumili at piliin ang mga lider na pagsisilbihan tayo sa susunod na tatlo at anim na taon. Minsan lang every 3 years ‘yan. Kaya sana po masusi nating tingnan, pag-isipan at pag-aralan at gamitin ang karapatan at kapangyarihang ‘yan.