CHIZ: KAILANGAN NG PINAS NG BAGONG HENERASYON NG MGA MAGSASAKA

 

Kailangang buhusan ng pamahalaan nang mas malaking pondo ang sektor ng agrikultura kung ninanais nitong makahikayat ang bagong henerasyon ng mga magsasaka at matiyak ang seguridad sa pagkain ng bansa, ayon kay Sorsogon Governor Chiz Escudero.

Tangan ang datos mula sa World Bank, sinabi ni Escudero na nasa 22.86% lang ng buong lakas-paggawa ng bansa ang mga manggagawang agrikultural noong 2019 hamak na bumaba kumpara sa 37.11% noong 2000 at nangangahulugan lang ito na parami nang parami ang bilang ng mga Pilipino na ayaw nang magsaka.

“Ang average na edad ng ating mga magsasaka at mangingisda ay 58-year-old. In two years’ time, senior citizen na sila. Walang bagong henerasyon ng magsasaka at mangingisda na pumapalit sa kanila. Dahil sino mang magsasaka, mangingisda, magniniyog o nagtatanim ng gulay, ang pangarap para sa anak nila ay maging teacher, pulis, sundalo, abogado, nurse, doctor. Walang nangangarap na sumunod sa yapak nila sa hirap ng buhay,” ani Escudero na nag-iisang kasalukuyang gobernador na tumatakbo para sa Senado.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, pinakamataas ang antas ng kahirapan o poverty incidence sa hanay ng mga manggagawang agrikultural kung saan 31.6% ang sa mga magsasaka habang 26.2% naman sa mga mangingisda base na rin sa mga numero noong 2018.

“Sa ibang bansa, hindi mahirap ang magsasaka, hindi pobre ang mangingisda. Ito’y dahil sa subsidiya na binibigay sa kanila ng pamahalaan. Samantalang ang pinakamahihirap sa Pilipinas, nasa sektor ng agrikultura,” pagbibigay-diin ni Escudero.

“Panahon na para patunayan nating pwedeng magkaroon ng sapat na kita ang magasasaka at mangingisda para mapalitan na sila ng mas batang Pilipino na maglalagay pa rin ng pagkain sa ating mga lamesa. Kung hindi, mauubos na lang ang pera ng Pilipino kakaangkat dahil wala nang nagtatanim, wala nang nangingisda sa ating bansa,” aniya.

Sinabi ng beteranong mambabatas, na nagbabalik-Senado, na naging palaasa na lang ang Pilipinas sa mga produktong agrikultural galing ibang bansa, partikular sa Vietnam at Thailand, dahil sa napabayaan ng gobyerno sa loob ng mahabang panahon ang sektor ng agrikultura. Ang bansa ay kabilang sa mga top importer ng bigas sa mundo.

“Sa mahabang panahon, hindi natin binigyan ng sapat na budget ang agrikultura. Kaya huwag na po tayong magtaka kung bakit ang Pilipinas ang isa sa pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo. Hindi natin nalagyan ng sapat na pondo ang agrikultura,” ani Escudero.

Dahil dito, hinihiling ng gobernador sa susunod na Pangulo ng bansa na maglaan para sa agrikultura nang Php400 bilyon mula sa pambansang pondo kung saan palaki nang palaki ang pagpopondo sa susunod na anim na taon.

“Kung gusto natin bumangon sila mula sa pandemya at sa kahirapan, kailangan bigyan sila ng buong suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng pondo,” aniya.