CHIZ: BIGYAN ANG MSMES NG 5 TAONG TAX PAYMENT TERM

 

Para mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa matapos ang pandemya, sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat na pag-aralan ng pamahalaan ang pagbibigay ng mahaba-habang panahon sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pagbabayad ng mga buwis.

Sinabi ni Escudero, na kumakandidato para sa bagong termino sa Senado, na dapat magpasa ang Kongreso ng isang batas upang mabigyan ng direktang tulong ang MSMEs, tulad ng ginagawa sa ibang bansa, at upang magkaroon ang mga ito ng tax payment term na hanggang limang taon.

“Para makabangon tayo mula sa pandemiya, dapat magpasa ang susunod na Kongreso ng batas na tutulong sa MSMEs. Sa papaanong paraan? Halimbawa, bigyan ng rektang ayuda katulad ng ginawa ng ibang bansa para may pang-suweldo sila ng 6 hanggang 12 buwan. Kapag may suweldo ang empleyado, iikot ang ekonomiya sa kanilang lugar,” aniya.

“Bigyan sila ng palugit kaugnay sa pagbabayad ng buwis—tatlo hanggang limang taon, pwede nilang hulug-hulugan ang pagbabayad ng buwis,” anang beteranong mambabatas.

Ang MSMEs ang bumubuo ng 957,620 negosyo na nag-o-operate noong 2020, ayon sa Philippine Statistics Authority. Sa numerong ito, 952,969 ang MSMEs habang 4,651 lang ang malalaking negosyo. Nasa 88.77% ng MSMEs ay micro enterprises.

“Lahat ng ihahalal natin sa darating na ika-9 ng Mayo, ang dapat tutukan ay isang bagay lamang—ang muling pagbangon at pag-ikot ng ating ekonomiya para yung mga negosyong nagsara, ‘yung mga trabahong nawala ay muling bumalik,” ani Escudero.

“Kung matulungan nating bumangon ang MSME, para nating napabalik na rin ang 99 porsyento ng ating ekonomiya,” aniya.

Noong 2021, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na ibinababa ang income tax ng MSMEs sa bansa sa 20% mula 30% kung hindi lalampas nang Php5 milyon ang taxable income ng mga ito at kung hindi sosobra sa Php100 milyon ang lahat ng assets ng mga ito.

Subalit sinabi ni Escudero na bukod sa pagpapababa ng buwis, kailangan din talaga ng MSMEs ng karagdagang panahon sa pagbabayad ng buwis upang magamit pa ng mga ito ang pera sa paggulong ng negosyo tungo sa tuluyang pagbangon matapos ang COVID-19 pandemic.