UKOL SA PAGDIRIWANG NG EID’UL FITR

 

Ngayong araw, pahinga na muna tayo sa kaguluhan ng kampanya upang makiisa sa ating mga kapatid na Muslim sa pagdiriwang ng Eid’ul Fitr na hudyat ng pagtatapos ng Ramadan.

Naaangkop lamang na huminto pansamantala ang buong bansa upang magbigay-galang at kilalanin ang kahalagahan nitong banal na selebrasyon para sa mga kapwa natin Pilipino. Ang Eid’ul Fitr o ang Festival of Breaking the Fast ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng sama-samang pagdarasal, pagkikita-kita ng magkakaibigan, paglalaan ng oras para sa pamilya, at pagsasalo-salo na mga importanteng bahagi ng ating kultura, Muslim man o Kristiyano.

Ang mga nasabing pagtitipon ay pawang mas mahalaga sa ngayon lalo’t bumabangon pa lamang tayo mula sa pandemya na naging hadlang upang makapiling natin ang mga mahal sa buhay na tulad ng nakagawian. Sana’y huwag na nating ipagwalang-bahala uli ang kalayaang makasama ang mga taong malalapit sa atin at yakapin natin sa lahat ng pagkakataon ang mga bagay-bagay na labis nating pinahahalagahan.

Ipinaalala rin sa isa sa atin ng selebrasyon ng Eid’ul Fitr ang pagkakatulad nating lahat bilang mga tao na siyang daan tungo sa ating pagkakaisa bilang mga mamamayan. Sa panahon na maaaring maging mapaghati, piliin natin magdasal nang sama-sama, mangarap nang sama-sama, at magtrabaho nang sama-sama para sa pagkakaroon ng isang mabunying bansa na siya namang nararapat para sa ating mga Pilipino.