MAGNUM 45

 

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Jun, magandang umaga sa iyo. Sa lahat ng listeners ng Magnum Radio dito sa Cagayan de Oro at sa buong Misamis, maayong buntag. Good morning! Karangalan kong personal na makabalik mismo dito sa inyong station sa Cagayan de Oro. Kumusta ka na, Jun? Long-time.

JUN ALBINO (JA): Kalooy sa Diyos Sir, mao gihapon. Medyo, mao gihapon. Anyway, kumusta tood, Sir, ang pag-ikot mo sa buong bansa? Sa tingin ko sa iyo, maintain pa rin ang pagka-guwapo mo.

CHIZ: Ang problema, Jun, lalaki ang nagsasabi. Hindi babae ang mga nagsasabi. Pangalawa, baka iwanan ako ng asawa ko kapag hindi ako nag-maintain.  Maayos naman ang kampanya. Pero hindi tulad ng ibang kandidato, Jun, dalawa hanggang tatlong beses lang ako sa isang linggo nagkakapag-ikot dahil may trabaho pa rin ako bilang gobernador ng lalawigan ng Sorsogon. Napapa-sana all nga ako sa ibang candidato na araw-araw kung makapagkampanya sa pagka-senador.

JA: Mr. Senator, palagi kayong nangunguna sa mga survey. Ano po ang masabi niyo?

CHIZ: Nagpapasalamat po ako sa suportang pinapakita ng ating mga kababayan bagaman nag gobernador ako nitong nagdaang dalawa at kalahating taon. Pero, madalas ko ngang sinasabi Jun, sinuman ang mataas o mababa sa survey, dapat tuloy tuloy lang ang pag-iikot at pangangampanya dahil survey lamang ‘yan. Ang binibilang pa rin boto sa araw ng eleksyon at hindi naman boto sa survey. Kaya para sa akin, kita mo naman ‘yung mga ibang presidential candidates, vice presidential candidates at senatorial candidates. Kahit anong numero sa survey, tuloy-tuloy lamang naman sa pangangampanya.  Tsaka Jun, number one, number three, number five, number eight o number ten, basta pasok sa top twelve. Pare-pareho lang po ang suweldo niyan. Pare-pareho lang din ang tawag diyan, senador pa rin naman.

JA: Pero nakaka-inspire kung nangunguna kayo sa mga survey. Tama po?

CHIZ: Siyempre, nakakagana. Pero mataas man o mababa, dapat tuloy tuloy lang din ang pangangampanya. Huwag yumabang pag mataas. Huwag magalit kapag mababa.

JA: Do you believe na kung anuman ang mga resulta sa survey ngayon, posibleng ito na ang maging scenario kapag dating sa eleksyon?

CHIZ: Oo, Jun. Maliban na lang kung may mangyayaring malaking pagbabago na hindi inaasahan. Kung tuloy-tuloy lang na ganito na wala namang malaking pagbabago, halos ‘yan na ‘yan. Anumang pwesto ang kakalabasan sa halalan.

JA: Sir, marami ng mga nag-endorso sa inyo. Kasama na doon si Pangulong Duterte at iba pang mga kandidato. Dinala kayo sa kanilang pangangampanya. Gaano ba kahalaga ang endorsements ng mga, sa isang kandidato?

CHIZ: Nagpapasalamat po ako sa lahat ng nag-endorso sa aking kandidatura, personalidad, grupo, organisasyon. Malaking bagay para sa’kin, Jun, dahil parang indipendyente naman ‘yung pagtakbo ko. Mag-isa lamang ako nag-iikot at malaking tulong para sa akin na ‘yun. Pero higit pa sa kulay na nagdadala sa ’kin, para sa akin ang mas importante iyong kulay na dadalhin natin. Sa init ng halalang ito kung saan nag-aaway-away na ang magkaibigan, magkatrabaho, magkamag-anak, magkapitbahay. Ang importante sa akin ay ‘yung kulay na dadalhin natin pagkatapos ng eleksyon. Para sa akin, ang mga kulay na dapat natin dala Jun- pareho tayo dapat. Pula, asul, puti na may kaunting dilaw, kulay na sumasagisag sa watawat at bandila ng Pilipinas. Dahil pare-pareho pa rin naman tayo na Pilipino, naninirahan pa rin tayo sa Pilipinas.

JA: Sir, sa pagtaas ng presyo ng gasolina, may mga panawagan na ang mga task force operator pati mga tricycle driver na itaas ang pasahe at may panawagan na rin na itaas ang sweldo. Ano po ang inyong masasabi dito?

CHIZ: Para sa akin, panahon na na i-repeal ang Oil Deregulation Law. Hindi iyan tumupad sa kanyang pangakong papababain ang presyo ng produktong petrolyo.  At saan ka ba naman nakakita, Jun, ng batas na ‘yung mayamang may-ari ng gasolinahan, puwedeng magtaas ng presyo kahit kailan. Samantalang ‘yung pobreng tsuper ng tricycle at jeep, kailangan muna magpaalam sa LTFRB o sa lokal na pamahalaan bago magtaas ng presyo ng pamasahe. Ito’y taliwas sa prinsipyo sa batas na nagsasabing, “those who have less in life should have more in law.” Pangalawa, pabor ako sa isang legislated minimum wage hike. Hindi tumupad ang mga regional wage boards sa trabaho nilang magbigay ng tama at sapat na sweldo sa ating mga manggagawa. Palagi na lang nilang pinapaboran ‘yung mga kompanya’t negosyante. Ni isang beses hindi nila pinagbigyan ang mga manggagawa sa hinihiling po nila. Sa manggagawa ang pinag-uusapan magugutom at maghihirap sila. Sa negosyante, Jun, ang pinag-uusapan lamang dito, mababawasan ang kita nila. Hindi naman sila magugutom o maghihirap. At pangatlo, kung hindi na matutuloy ang pagbigay ng ayuda ng pamahalaan sa transport sector, walang ibang pupuntahan ‘yan kung hindi pagtaas ng pamasahe. Kawawa na po ang ating mga driver at tsuper. Sila ang bumabalikat ng napakataas na presyo ng produktong petrolyo.

JA: Sir, may mga maraming sang-ayon sa maikling panahon ng inyong panunungkulan sa Sorsogon, umayos ang lalawigan. May mga proyekto po ba kayo sa nasabing lalawigan na puwedeng mai-replicate natin sa ibang mga lugar through legislation?

CHIZ: May ilan, Jun. Una, nag-ISO certification ang probinsya, ISO 9001:2015. At walong bayan sa aming probinsya, 8 out of 15. Ito’y isang napakagandang sistema kung saan mas magiging matipid, efficient, malinis at mabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan. There are only 8 municipalities nationwide that are ISO certified. At anim na probinsya lamang out of 81 ang ISO certified. Magandang magawa po ito sa buong Pilipinas. Pangawala, kami ang pinaka-advance pagdating sa healthcare system sa kahandaan sa UHC. Hindi na po kailangan pagdaanan ng ibang mga probinsya ang aming ginawa at nagawa. Kaya na po nilang gamiting prototype ang Sorsogon para sa pagpapatupad ng Universal Healthcare Law sa kani-kanilang probinsya. Pangatlo, ang pagkakaroon ng interfaith cemetery sa kada munisipyo para anuman ang relihiyon, may himlayan ang kanilang mahal sa buhay na papanaw.  At pang-apat at panglima, ‘yung pagkakaroon namin ng shelter for dogs at gayon din yung aming home for homeless gays dahil kadalasan ‘yung LGBTQ community kapag tumatanda, wala na pong nag-aalaga, nag-aasikaso sa kanila.

JA: Sir, ‘pag nakabalik na kayo sa Senado, ano po ang pinakauna mong gawin? Unang araw pag-upo mo sa Senado, ano ang pinakauna mong gawin doon?

CHIZ: Uupo sa session hall at magli-lead ng prayer. Kidding aside Jun, pangunahin dapat tutukan ng susunod na Kongreso at Senado ang muling pagbangon ng ating ekonomiya. Ang dapat nating tutukan dun ang MSMEs, micro, small and medium enterprises, 90% ng ating ekonomiya binubuo ng MSME. Kung ating mapapatayo, mababangon ang MSME, para mo na ring pinabalik 90% ng ating ekonomiya. Para mo na ring napabalik 90% ng trabahong nawala. ‘Yan ang pangunahing dapat tutukan ng Kongreso sa darating na June 30, pag-upo ng lahat ng mambabatas.

JA: Sa araw na ito Sir, after sa ating interview, ano pang mga sortie mo na pupuntahan?

CHIZ: Dito lamang sa Cagayan de Oro para sa press con. Pakikipag-usap sa ilang mga lider dito sa Cagayan de Oro. At babalik din kami ng Manila mamaya dahil kailangan kong umuwi na naman sa Sorsogon para gampanan ang trabaho bilang gobernador bukas ng umaga.

JA: Kumusta po si Ms. Heart? Sabi nya na kung na kayo nag-asawa, hindi ka nya kilalang personal, iboboto ka pa rin nya. Ano pong masabi nyo?

CHIZ: Puwede ba kahit hindi na niya ako iboto, Jun. Basta nakilala ko lang siya at pinakasalan niya ako. Doon na lang ako. Kasi noong nakilala ko si Heart, senador naman na ako noong mga panahong ‘yun. But kidding aside, tama si Heart, dapat gamitin natin ‘yung ating kapangyarihan at karapatang bumoto dahil Jun, sa araw lamang ng halalan, minsan kada tatlong taon tunay na nagkakapantay-pantay ang bawat Pilipino. Bawat Pilipino, mayaman o mahirap, matanda o bata, nakapag-aral o hindi, pagdating ng May 9, tig-iisa isa lang tayo lahat ng boto. Huwag nating sayangin ‘yung pagkakataong yun.

JA: Sa guwapo mong pang artista rin, kayo ba ang nanligaw sa kanya o siya ang nanligaw sa iyo?

CHIZ: Ikaw naman malayong mas guwapo sa’kin yung mga naging boyfriend ni Heart dati. At ang problema ko nga Jun, lalaki yung nagsasabing guwapo ako. Wala pa namang babaeng nagsabi.  S’yempre ako. Pero hindi naman ako marunong manligaw, Jun. Alam mo sa totoo lang, noong lumalabas kami ni Heart nun palagi ko siyang tinatanong, “why are you giving me time of day?” “Ba’t mo ako pinag-aaksayahan ng panahon?” Kasi parang nahiya akong ligawan siya. Baka mamaya kapag nagpakita ako ng intention nung madalas na kaming lumalabas at nagkikita, sabihin nya, “Hoy, ikaw naman. Friends lang tayo. Ikaw naman, kung anong iniisip mo. Tanda-tanda mo na, Tito.” So, palagi kong pinapakiramdaman, tinatanong ko sa kanya ‘yun palagi. “Bat mo ba ako binibigyan ng panahon at oras?” Ang sagot naman nya palagi, “wala lang. I like your company.” Sabi niya, “Gusto kong kausap ka.” Hanggang nagkalakas loob ako na magtanong na talaga kung kami na nga ba o hindi. Parang humihingi ka ng payo, Jun.

JA: Sana pagbalik mo rito, dalhin mo na si Ms. Heart.

CHIZ: Ang problema ko Jun pagkasama ko si Heart dito, malamang i-aabot mo sa akin yung cellphone mo at magpapa-picture ka sa asawa ko. At ako ang hahawak nung camera para picturan kayo.

JA: Parang seloso ka pa rin.

CHIZ: Hindi naman ako seloso. Kaya lang, sa pelikula, ‘di ba, isa lang ang bida. ‘Yung isa kontrabida na. Hayaan mong siya na lang ‘yung bida pag nandito siya. Hayaan mong ako na lang ‘yung bida ‘pag nandito ako.

JA: Sir, ano po ang huling mensahe mo para sa ating tagapakinig?

CHIZ: Well, sa muli, karangalan ko at maraming salamat, Jun, sa pagkakataong personal na makabalik dito sa Manum Radio sa Cagayan de Oro. Hiling at dalangin ko po sana muli ang tulong, suporta, paniniwala at pagtitiwala ng ating mga kababayan sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro ng Senado, para maging kinatawan ninyo, kampyon at tagapagtanggol sa Senado. Ang aking iniaalay anumang talino, talento, galing, tapang at karanasan meron ako upang makapagbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problemang kinakaharap ng ating bansa sa ngayon. Ang numero ko po sa balota ay number 25. Sana huwag po niyong kalimutan at ikonsidera sa inyong pagpili sa mga miyembro ng Senado.