ARDIZON TOLIBAS ARSUA (ATA): Balik tayo dito sa programang “Strong Headlines and Views”, mga saligang opinyon para sa mga latest news headlines. Ang ating oras, 7:40 na sa buntag (speaking in local language). Ang gobernadora sa probinsya sa Sorsogon and former Senator Chiz Escudero. Maayong buntag and welcome sa 90.3 Strong Radio. Magandang umaga po.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Ardi, magandang umaga sa iyo at sa lahat ng listeners natin ng Strong Radio 90.3 dito sa Cagayan de Oro, maayong buntag. Good morning! Karangalan ko na muling makabisita at makabalik dito sa Cagayan de Oro City at personal na makabisita muli sa Strong Radio.
ATA: Iyon, live na live po si Senator Chiz Escudero. Sir, napakaaga niyo, Sir, ano?
CHIZ: Dumating kami ng 6 o’clock sa airport kanina.
ATA: So, kung dumating kayo ng 6 a.m.
CHIZ: Umalis kami ng mag-a-alas singko sa Maynila kanina. Ganyan talaga dapat Ardi, ‘yung mga nangangampanya na gustong manalo dapat maaga gumising, nagsusumikap. Ginagawa lahat ng puwedeng gawin. Ganoon naman talaga.
ATA: Pag-usapan natin ‘yung pinaka-controversial, ‘yung intermittent fasting. Itong si Senator Chiz ay fit na fit. Mayroon palang sikreto. Ano iyon, Sir?
CHIZ: Sabi nga, intermittent fasting- 16 hours fast, 8-hour eating window. So, tumigil ka kumain ng alas otso ng gabi ang unang meal mo, unang kain mo lunch time na. Ang puwede mo lang kainin o inumin kape na walang gatas at asukal, tsaa na walang gatas at asukal at tubig lang. Ganyan talaga, Ardi, kapag bata ‘yung asawa mo. Kailangan habulin mo, baka iwanan ka.
ATA: Kumusta pala po si Ma’am Heart?
CHIZ: Mabuti naman. Pangatlong araw pa lang niya makapangampanya para sa akin ngayon. Papunta siyang Laguna at Batangas today. May trabaho din kasi sya Ardi. Kaya hindi naman siya palaging nakakakampanya. So, it’s only her third day, out of the 90-day campaign na makapagkampanya. Kasi na-enjoy naman niya pero hindi nga lang ganoon kadalas dahil may trabaho din siyang mahalaga din naman.
ATA: Kailangan nga, Senador Chiz kasi a few more days to go na lang naman at tapos na ang kampanya at makapag-relax na po kayo. Trabaho ng trabaho po, kampanya, walang tigil. Ano po, Sir?
CHIZ: Maliban sa kampanya, Ardi, ako’y gobernador pa rin ng Sorsogon.
ATA: Paano pinagbabalense ‘yan po?
CHIZ: Dalawa hanggang tatlong araw lang ako nakakapagkampanya. Kaya bukas, uuwi ako ng Manila mamaya. Bukas, uuwi naman ako ng Sorsogon. Dalawang araw lang akong mawala sa Sorsogon, Ardi, siguro mga tatlo o apat na ganyan katataas na papel ang kailangan kong basahin at pirmahan.
ATA: Pero sa kabila nun, Sir, consistent pa rin kayo sa rating sa iba’t ibang mga surveys. Recently, number one kayo sa Publicus at palaging nasa top five ng mga senatorial candidates. Maging sa mga malalaking university, lagi kayong nare-recall. So, ano pong masasabi niyo rito, Sir?
CHIZ: Nakakataba ng puso ang suportang nakikita ko sa mga survey. Pero Ardi, boto pa rin sa araw ng eleksyon ang binibilang. Hindi naman boto sa survey. Kaya para sa akin sinuman ang mataas o mababa sa survey. Basta tuloy-tuloy lang dapat ang pangangampanya. Tuloy-tuloy lang dapat ang pagpaparating natin ng ating mensahe, layunin at prinsipyo sa ating mga kababayan. At number one, number three, number five, number eight, basta pasok sa top 12, pare-pareho lang naman ng suweldo ‘yan, Ardi. Pare-pareho din ang tawag. “Senador” pa rin naman ang tawag maski anong numero mo. Basta pasok ka sa top 12.
ATA: Anong ingredient, anong formula? Kasi maraming gustong makapasok doon sa ganoong mga rating pero ang iba gumagastos din ng malaki.
CHIZ: Sabihin na lang natin pagkatapos ng eleksyon kasi bahagi din ako.
ATA: Hindi lamang iba’t ibang kulay sa pulitika ang nag-endorse sa inyo. Katulad ni Pangulong Digong, ang kanyang anak na si Mayor Inday Sara. Pati po sa kabila po, si VP Leni, nag-endorse din. Ang pinaka-latest ay iyong nag-endorse din from the League of Provinces of the Philippines. Mahalaga po ba ang endorsement, Sir?
CHIZ: Alam mo, kaya nagpa-press con kasi sila hindi ninyo binabanggit. In-endorse din ako ni Senator Ping, ni Senator Pacquiao. Mahalaga ang endorsement lalo na para sa akin, Ardi, dahil parang indipendyente naman ‘yung pagtakbo ko dahil mag-isa lang akong umiikot. Pero hayaan mong idagdag ko, hindi mahalaga ‘yung iba’t ibang kulay na nag-i-endorso. Ang mahalaga para sa akin na sana pagkatapos ng eleksyon pare-pareho na tayo ng kulay na dinadala.
Anuman ang kulay na dala natin ngayon- pink, pula, green, blue, red, sana maalala natin pagkatapos ng eleksyon pare-pareho na tayo ng kulay. Pula, asul, puti na may kaunting dilaw. Mga kulay na sumasagisag sa bandila at watawat ng ating bansa. Dahil sa dulo, sinuman ang ating sinuportahan sa halalang ito, pare-pareho pa rin tayong Pilipino. Pare-pareho pa rin tayong naninirahan sa Pilipinas. At sinuman ang mananalong presidente, dapat pantay din ni yang pagsilbihan ang bawat isa sa atin. Ibinoto man siya o hindi, sinuportahan man siya o hindi.
At doon sa mga nag-aaway-away, Ardi, ito na ang pinakamainit na eleksyong nakita ko. Hindi dahil nagpapatayan ‘yung mga kandidato. Dahil nag-aaway ‘yung mga suporter. Magkaibigan, mag kapitbahay, mag kamag-anak, mag katrabaho- hindi nagpapansinan dahil lamang magkaiba ng sinusuportahan. Alam niyo, ‘yung mga kandidato po hindi naman sila magkaaway, magkakaibigan yan eh. Kung iyong mga kandidato po hindi magkakaaway, tayo pang mga supporters mag-aaway-away? Sana maisip natin na halalan lamang ito. Magkakaibigan pa rin, magkapitbahay, magkamag-anak at magkatrabaho tayo. Huwag nating talikuran at kalimutan ‘yon.
ATA: So anong kulay niyo po Senator?
CHIZ: Kaya nga nakaputi ako. Magkamali ka ng suot ng kulay ngayon. May mga kaibigan ako, Ardi, na sobrang loyalistang supporter ni Senator Marcos na ang paborito niyang kulaym, madalas kasama ni BBM, paborito niyang kulay pa naman sana’y pink na polo. Hindi niya masuot ngayon.
ATA: May napapansin ako, Sir, may meaning na lahat ng color na sinusuot.
CHIZ: Ang problema nga parang may nag mamay-ari na bigla ng mga kulay.
ATA: Iyon na nga. Hindi mo naman sinasadya.
CHIZ: Nagkataon lang, iyon ang nabunot mong damit. Puti na lang. OK na ‘yung puti.
ATA: Ano ‘yung masasabi niyo sa mga current problems natin ngayon po, Senator Chiz. Ano pong naiisip nyong mga immediate midterm or long-term solution pagtaas ng presyo ng gasolina, itong issue sa West Philippine Sea, iyung mga clamours ng mga drivers natin.
CHIZ: Isa-isahin natin ang ilan sa mga ‘yan.
ATA: ‘Yung threat ng DOH na baka muling tumaas ang kaso ng pandemic?
CHIZ: Isa-isahin natin, Ardi. Una, presyo ng langis. Layunin kong i-repeal ang Oil Deregulation Law dahil hindi ‘yan tumupad sa pangako niyang pababain ang presyo. At saan ka ba naman nakakita ng batas, iyong mayaman na may-ari ng gasolinahan puwedeng magtaas ng presyo kahit kailan niya gusto. Samantalang ‘yung pobre na driver na tsuper ng jeep, tricycle at pampublikong sasakyan, hindi sya pwedeng magtaas ng singil sa pamasahe na hindi pinapayagan ng LTFRB o ng lokal na pamahalaan. Hindi ba dapat kung bawal ang mahirap, mas bawal ang mayaman. Hindi ba dapat kung puwede ang mayaman, mas puwede ang mahirap. Ika nga sa prinsipyo sa batas, “those who have less in life, should have more in law.” Itong batas na ito, kabaliktaran nun.
Pangalawa, dapat magtatag tayo ng strategic petroleum reserve tulad ng ibang bansa. Ito ‘yung imbakan ng langis, stockpiling ng langis ito, Ardi, na bibili tayo kapag mababa ang presyo ng produktong petrolyo para may mabebenta tayo ng mura dito sa bansa kapag ka tumataas ang presyo.
Pangatlo, bigyan natin ng kapangyarihan ang gobyerno magpababa ng buwis kapag tumataas ‘yung presyo. Ang kinikita na dagdag ng gobyerno, Ardi, mula nung tumaas ang presyo ng produktong petrolyo ay Php600-B. Mali naman na ‘yung dagdag kita ng gobyerno, tayo ang magbabayad at tayo ang papasan. At kaugnay naman ng suweldo ng ating mga manggagawa, isusulong ko din ang isang legislated minimum wage. Maliwag hindi ginagawa ng mga wage board ‘yung kanilang mga trabaho. Hindi ko alam kung saan sila nag-grocery, namamalengke na sasabihin nilang kasya na ‘yung suweldo ng manggagawa ngayon.
Pang-apat, kung hindi na matutuloy ‘yung ayuda na ibibigay ng gobyerno, walang ibang pupuntahan ‘yan kundi pagtaas ng pamasahe. Kawawa naman ‘yung mga tsuper natin. Sila ang bumabalikat ng mataas na presyo ng gasolina. Kaugnay ng ekonomiya para makabangon tayo, magsusulong ako ng mga panukalang batas para buhayin muli ang mga MSME. 90% ng ating ekonomiya ay MSME. Kung mapabangon natin ‘yan, parang binuhay din natin ang 90% ng ating ekonomiya. Parang pinabalik na rin natin 90% ng mga trabahong nawala dahil sa pandemya.
At panghuli, nais kong tutukan ang agrikultura. Ang budget ng Department of Agriculture ay Php80-B lamang. Kumpara mo iyan sa budget ng DPWH na Php840-B. Huli kong tiningnan, agriculture country tayo. Hindi tayo bansa ng mga contractor at kontratista. Kung gusto talaga nating makatulong sa agrikultura, sa mga magsasaka, mangingisda, ‘di dapat gastusan po natin ‘yan ng tama at sapat.
ATA: Let’s educate our listeners po. Ano ang, in layman term, difference between “legislated minimum wage” and “wage board”? At saan po kayo pabor dito, Sir?
CHIZ: Ang wage board kada rehiyon, may wage board na binubuo ng gobyerno, kinatawan ng mga kompanya at kinatawan ng manggagawa. Pero sa mahabang panahon, lahat ng ibinibigay nilang dagdag sweldo, palaging pumapabor na lamang sa negosyante at sa kompanya. Iyan ay binigay lamang na kapangyarihan ng Kongreso sa kanila. Puwedeng bawiin ‘yan ng Kongreso. Ang layunin ko, Ardi, bawiin ng Kongreso ‘yan one-time big time. Kongreso muna kahit by region ang maglagay ng minimum wage. Para naman itama natin.
Sa sampung beses na nagbigay ng petition ang manggagawa, ni isa yata walang pinagbigyan sa manggagawa na binigay ‘yung gusto nila. Sana naman 1 out of 10 ibinigay sa manggagawa. Sana naman 2 out of 10 binigay sa manggagawa. Kulang na talaga ang kinikita at sweldo ng manggagawa samantalang yung negosyante liliit lang naman ang kita niya. Hindi naman siya magugutom. Hindi naman siya maghihirap. E, yung manggagawa nagugutom na eh. Naghihirap na. Pagbigyan at ibigay naman natin. Ika nga ng isang presidential candidate na tumatakbo, sa mahabang panahon ng mga polisiya at batas na ipinapasa ng mga gobyerno, palaging pumapabor sa mayaman. Minsan naman pagbigyan natin ‘yung mahirap. Mas marami sila at mas kailangan nila ng tulong.
ATA: Sa legislated minimum wage po, ano po sa tingin niyo? Magkano po kaya, Sir?
CHIZ: Kada rehiyon mag-iiba-iba ‘yan, Ardi. Pero para sa’kin, kung ang hinihingi, halimbawa, sa Metro Manila, ‘yun ang medyo kabisado ko. Kung Php560 ngayon, dapat itaas ‘yan ng mga Php700. Mawawala sa negosyante mahigit kulang kulang Php200 kada araw.
ATA: Hindi po kaya magiging disadvantage po sa panig naman po ng mga business sector po?
CHIZ: ‘Yun naman palagi naman Ardi, ang sinasabi. Pero tulad ng sinabi ko, hindi naman sila magugutom at maghihirap. Mababawasan lang ng kaunti ‘yung kita nila.
ATA: ‘Yung pang coffee nila mababawasan.
CHIZ: Imbes na sampung kape, imbis na kumain sa masarap na restaurant araw-araw, puwede ba twice a week na lang or thrice a week na lang.
ATA: Intermittent muna sila, Sir.
CHIZ: Isa pa ‘yun. Matipid na nga, healthy ka pa. Para sa akin alam mo, matagal ng argumento iyan. Na kawawa yung negosyante, magsasara. Wala pa naman akong nakikitang ganoon. Pangalawa, binawasan ng Kongreso ang buwis ng mga negosyante ng mga korporasyon. Ano naman ‘yung tulong sa mga manggagawa? Wala bang katumbas at kapalit ‘yun? Dagdag kita lang talaga? Hindi ba ang sabi ng Kongreso, bawasan natin ‘yung income tax ng mga korporasyong malalaki. Paano naman ‘yung manggagawa? Saan pupunta ‘yung natipid nila? Ine-negosyo ba talaga nila ‘yun o ibibili ng bagong relo o ng bagong kotse? Makikinabang ba talaga ang Pilipinas o magbibiyahe lang sila sa ibang bansa? Tingnan din natin yung kapakanan ng ating manggagawa. Hindi maaaring palagi na lamang nakatingin tayo sa negosyante’t kompanya. Mas importante ang tao para sa’kin.
ATA: So, sa Metro Manila po, magkano kaya, Sir?
CHIZ: Mga mahigit ang estimate namin mga Php720 – Php730.
ATA: Yun ang legislated na proposal?
CHIZ: Mula sa Php530. Mga Php200.
ATA: May mga clamor din ang mga nurses po kasi lagi kong nakakausap, na-interview ‘yung Philippine Nurses United. They are asking for standardized rate for private and government hospitals. Kasi, napakamaraming trabaho ng nurses tapos ang suweldo ay maliit lang po. Meron pong idea dian kung magkano din po ang, pabor po ba kayo na–
CHIZ: Ang suweldo po ng nurse ay nasa Php22,000 entry-level. ‘Yan po ang binibigay namin sa aming lalawigan. Sinunod naman ang payo ng DBM.
ATA: Hindi lahat sumusunod po kasi.
CHIZ: ‘Yun ang problema, hindi lahat sumusunod.
ATA: Paano ‘yan? Paano masunod natin po?
CHIZ: Ang lalawigan ng Sorsogon sumunod. Ginawa kasi nilang optional. Dapat taasan pa ‘yan dahil nawawalan na tayo ng mga nurse. Nag-a-abroad dahil mas mataas ang suweldo po dun. Nadiskubre po natin sa pandemya, kailangan po natin ng mga Pilipinong nurse. Sa totoo lang, panahon na para itaas ‘yan dahil kung tinaas nga natin ang suweldo ng pulis, itinaas natin ang suweldo ng sundalo, tinaas ang suweldo ng teacher. Ang teacher sa public sector mas mataas ang sweldo kesa sa teacher sa private sector, Ardi. Parang nakaligtaan naman yata natin yung ating mga nurse at health care workers. ‘Yun ang dapat tingnan muli ng pamahalaan para isabay, ihabol sa police, sundalo at teacher.
ATA: Magkano daw ang proposal po ng magiging minimum rate ng nurse?
CHIZ: Hindi ko pa po masabi eksakto. Mahirap mangako ng sisingilin ako. Tiyak ko, gagawin nating competitive ‘yang nasa private hospital. At hindi lang ‘yun, pati iyung rate sa Southeast Asia. Dahil kung hindi, iiwanan pa rin tayo.
ATA: Pati nga dito Sir, wala na.
CHIZ: Ang ginagawa dito, dito nag-OJT. Kapag nagkaroon na ng experience, aalis na. Kumbaga, lahat ng natutunan ay dito pero ibubuhos sa ibang bansa sa mga dayuhan.
ATA: ‘Yung Philippine Nurses United, sabi sa akin, starting po Php30,000. OK na daw iyon.
CHIZ: Magandang suhestiyon ‘yun. Pero sa ngayon nga, Php22,000 ang starting.
ATA: Kailangan ng batas daw ‘yun, Sir?
CHIZ: Kailangan talaga ng batas.
ATA: Lalong-lalo na sa mga private hospitals. Overwork, underpaid.
CHIZ: ‘Yung private hospitals. Kami, may overtime kami sa Sorsogon. Nagbabayad kami ng overtime.
ATA: I-replicate natin.
CHIZ: Batas ‘yun, Ardi. Kapag sumobra ng walong oras ang pagdu-duty mo, kailangan magbayad na ng overtime. Ang wala lamang sa pampublikong sektor ay night shift differential. Pero sa pribadong mga ospital, dapat may night shift differential sila. ‘Yun lamang ang pagkakaiba. Pero ibinigay namin ‘yung umento na isinagest ng DBM at kapag may overtime sila, dagdag bayad pa ng overtime. Dahil siyempre, ospital ‘yan. Nagpa-function ‘yan kahit holiday, kahit Pasko, kahit New Year, kahit anong klaseng holiday. Double pay din sila sa mga araw na nagdu-duty sila sa mga petsang ‘yun.
ATA: So, sa Bisaya pa, “hayahay ang mga nurses doon”.
CHIZ: Kulang pa kami ng nurse.
ATA: Sa mga private hospitals po, talagang naka-standard ‘yung rate nila doon?
CHIZ: Opo. Kasi ipinatupad namin sa buong lalawigan meron kaming dalawang malaking ospital na lamang na private. At halos pare-pareho ang suweldo. Kasi ang nangyayari nga nag-aagawan. Kulang na dati, mag-aagawan pa kami kami. Mas maganda may bagong nurse at doctor na dumating. Kaya pag may dalaga at saka binatang nurse na dumarating dun at doctor, pinapad-ate na namin sa taga-Sorsogon para pag nakapangasawa dun, hindi na kami iiwanan at hindi na aalis.
ATA: Ano ‘yung stand ninyo sa issue ng West Philippine Sea? Tsaka ‘yung patapos na na campaign against drugs ng Duterte administration?
CHIZ: Well, una sa lahat, atin ‘yun. Huwag nating bitiwan. Huwag nating pakawalan.
ATA: Payag ba kayong makipaggiyera tayo sa China?
CHIZ: Wala man tayong kakayahang makipaggiyera, ang importante huwag nating bitiwan ‘yung karapatan. Paano natin gagawin ‘yun? Halimbawa, imbes na lumang barkong isinadsad lamang doon sa islang pag-aari natin, bakit hindi tayo magpatayo na ng permanenteng istraktura? Php100-M lang iyon. Kayang kaya ng gobyerno ‘yun. Para ‘yung mga sundalo natin at settlers dun, pormal naman talaga ‘yung tinitirhan at may pag-aari talaga tayo dun bilang pruweba, may settlement area tayo dun.
ATA: Hindi ba napapalitan iyong barko doon, Sir.
CHIZ: Awa ng Diyos, barko pa rin.
ATA: Hindi ba kinakalawang?
CHIZ: Sabi nga nila iyong barko natin nandoon palagi, hindi umaalis. Umuwi na’t lahat ‘yung mga barko ng Tsina, sa atin hindi pa. Dahil sira, hindi umaalis.
ATA: Actually, sa inyo ko lang narinig na magtayo ng istraktura doon. Puwede pala ‘yun?
CHIZ: Atin ‘yun. Hindi ba atin, ‘yun? Bakit hindi tayo magtayo? Sunod, hindi naman ‘yun dahilan para makipaggiyera, Ardi. Hindi naman kailangan magkasundo tayo sa lahat ng bagay at wala tayong pinag-aawayan para magkaroon tayo ng relasyon sa isang bansa. Halimbawa ang China, sige, hindi tayo magkasundo diyan. Amin iyan. Tingin ninyo, inyo iyan. Pero puwede naman tayong mag-usap kaugnay ng kalakal, trade. Puwede tayong mag-usap kaugnay sa ibang bagay. Tulungan sa mga IT o iba pang mga puwedeng pag-usapan.
Hindi natin kailangang pagkasunduan lahat. Parang mag-asawa at magkaibigan lang ‘yan. Hindi naman kailangan pagkasunduan lahat para maging mabuti sa isa’t isa. Ganoon din ang pananaw ko. Hindi naman kailangan maggyera kayo dahil nag-aaway kayo sa isang bagay lang. Basta’t ‘wag kang magbebenta, ‘wag mong ibibigay, ‘wag kang papayag. OK lang naman ‘yun. Hindi naman kailangan maging magbestfriend ng mga bansa. Parang mag-asawa, hindi naman nagkakasundo sa lahat ng bagay. May mag-asawa na magkaiba ang iboboto sa eleksyon. Hindi ba? Ganoon din ito. Magkaiba tayo na pananaw sa Tsina kaugnay ng bagay na ‘yan. Pero hindi ‘yan rason para maggyera tayo. Hindi ‘yan rason para wala tayong ugnayan o relasyon sa China sa ibang bagay na pwede naman nating pagkasunduan.
ATA: Sa war against drugs po, ano ang stand niyo doon?
CHIZ: Pabor ako pero mas gusto ko pagtuunan ng pansin ang supply. Imbes na ang hinuhuli natin ay ‘yung mga user na maliliit, mga pusher na maliliit. Pagtuunan natin ng pansin ‘yung supply. Kapag napigilan natin ang pagpasok ng droga- karamihan naman kasi ng raw material ng droga ay galing sa labas ng bansa- Kapag napigilan natin o nabawasan natin ang pagpasok ng raw material ng droga, mas mababawasan ang gagamit. Tataas ang presyo at mas kaunti na ang huhulihin mo. Kapag hangga’t hindi mo hinuhuli ang supply, patuloy na may supply. Palaging ‘yung maliit na user at pusher lamang ang mahuhuli natin. Mas gusto kong mahuli ‘yung big time na importer ng mga raw material ng droga. Kapag tumaas ang presyo, mas kaunti na rin ang gagamit, Ardi.
ATA: Last question na lang po, tuloy-tuloy pa rin ‘yung mataas na rating ng BBM-Sara. Any answer po?
CHIZ: Ngayon ko lang nakita ‘yung ganito kalalaking numero sa survey, dalawang linggo bago maghalalan. Kung walang mangyayaring kagulagulantang, ‘yung malaking pangyayaring hindi inaasahang mangyayari. Kung walang mangyayaring pagbabagong malaki, halos ‘yan na ang resulta na makikita natin sa halalan. Pero Ardi, may isa pang pagbabago. Sa kauna-unahang pagkakataon, kung matutuloy nga ‘yan. Makalipas ang mahabang panahon, mukhang magkatandem ang mananalong pangulo at ikalawang pangulo sa ating bansa. Sa mahabang panahon palaging magkaiba ang pangulo at ikalawang pangulo. Ngayon lamang kung matutuloy ‘yan hanggang May 9, magiging magka-tandem ang pangulo at ikalawang pangulo.
ATA: Kapag nangyari ‘yan po, ano ang magiging epekto sa ating bansa?
CHIZ: Well, magandang maramdaman at makita. Dahil huling nangyari ‘yan nung umupo si Cory at Doy. Huling nangyari ‘yan nung umupo si Gloria at si Noli. Bagaman, kinuwestyon ‘yung halalang ‘yun. Magandang makita habang nangyayari kung magkasundo naman. Anim na taon daw magkasundo, mag-aaway ba sa gitna, nagsisimula bang magkaaway. Pero, ‘yung mga bise presidente natin at presidente, nagsimulang magkaaway, magkatunggali. Natapos silang magkatunggali at magkaaway pa rin. So, ito sana, nagsimulang magkakampi and sana matapos din ng magkakampi.
ATA: Ano po ang evaluation or assessment niyo po sa six years na pamamahala ng ating Presidente?
CHIZ: Pasado palagi. Bakit? Kasi wala namang eskwelahang nagturo sa isang presidente kung anong dapat gawin sa isang pandemya. Ang importante para sa akin, sinikap niyang gawin kung ano ‘yung puwede nyang magawa sa gitna ng isang pandemya na huling tumama sa mundo, isandaang taon na ang lumilipas. At basta nandun ‘yung pagsumikap nya sa kabila ng edad ni Pangulong Duterte, sapat na ‘yun para sa akin para maging kontento bilang botante, bilang Pilipino. Buti sana, Ardi, kung merong eskwelahang nagtuturo sa mayor, governor, presidente, DOH secretary, ano ba ang dapat gawin sa pandemic. a, b, c, d, e, 1, 2, 3, 4, 5, wala namang ganoon. Lahat tayo nag-eeksperimento lamang nitong mga panahong ito. At ang isang hindi matatawaran sa administrasyon ni Pangulong Duterte ‘yung kanyang “Build, Build, Build Program” na talaga namang naramdaman sa bawat sulok ng bansa.
ATA: You may answer this question or not po. Patawarin mo ako sa tanong. Election Day comes, sinong iboboto mong presidente?
CHIZ: Alam mo, kaya sa botohan may folder na nakatakip sa balota. Pansin mo? Pansin mo sa botohan may folder na nakatakip sa balota para no copying. May napili na akong kandidato pero alam mo hindi naman kailangan, hindi naman ako kasikatan, Ardi, na parang ‘yung endorsement value ko katapat ni Pangulong Duterte o parang ‘yung napapanood ko sa ibang mga rally. Akala mo magugunaw ang mundo dahil lamang nag-endorse sila. Hindi naman ganoon kataas ang pagtingin ko sa sarili ko, Ardi.
ATA: Minsan din kayong tumakbo ng bise-presidente, may chance pa ba na bumalik kayo doon or higher than that?
CHIZ: Masaya na ako sa buhay ko, Ardi. Hindi naman ako nag-iisa lamang sa buong bansa na kayang gumawa ng trabahong ‘yan pag hindi ko gagawin. Para sa akin, minsan ko ng ginawa ‘yun, Ardi. Iba nalang ang patakbuhin naman natin para bigyan ng pagkakataon. Kung ang sinasabi mo ay si Senator Marcos sa tumakbong bise at hindi nagtagumpay, bagaman may protesta siya. Tapos ngayon mukhang magtatagumpay siya sa pagka-pangulo. Minsan lang sa buhay nangyayari ‘yan. Marahil para sa kanya. Pero tingin ko hindi para sa akin. Puwede akong mag presidente ng PTA.
ATA: Maraming salamat po, Sorsogon Governor Chiz Escudero sa time na ibinigay ninyo sa Strong Radio. Mensahe n’yo na lang po sa lahat ng mga nakikinig dito sa CDO at sa Mindanao.
CHIZ: Sa muli po, karangalan ko RD na personal na makabisita dito sa Strong Radio. At hiling at dalangin ko po sana ang inyong tulong, paniniwala, suporta at pagtitiwala sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro muli ng Senado. Para po maging inyong kinatawan, tagapagtanggol at tagapaghatid ng boses. At akin pong iniaalay anumang talino, talento, galing, tapang at karanasan meron ako para makapagbigay po ng siguradong direksyon at solusyon sa mabibigat na problema na kinakaharap ng ating bansa sa ngayon. Sa muli Ardi, maraming salamat sa iyo. Pagbati sa ating mga listeners at tagasubaybay. Daghanag salamat ug maayong buntag. Thank you and good morning. Ingat ka palagi, Ardi. Ingat ang ating listeners.