BUDDY OBERAS (BO): Ang Sorsogon Governor at tumatakbo ulit na pagka-senador, si Governor Francis ‘Chiz’ Escudero. Sir Chiz, good morning!
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Buddy, magandang umaga sa iyo. Sa lahat ng listeners at tagasubaybay natin ng RMN sa buong bansa, magandang umaga po sa iniyong lahat. Taos-pusong pagbati.
BO: Marami pong salamat. Na-miss din namin kayong marinig sa ere, Gov.
CHIZ: Ako rin, Buddy.
BO: Oo nga. But consistent kayo sa mga survey. Hindi ko na iisa-isahin and, of course, sa mga estudyante. Si Professor Ricky kasama natin dito.
RICKY ROSALES (RR): Good morning, Governor!
CHIZ: Ricky, good morning!
BO: Malakas din po kayo. Ano pong masasabi ninyo at nangunguna kayo sa survey and at the same time Governor Chiz, si BBM at Sarah frontrunner din.
CHIZ: Taos-puso akong nagpapasalamat at nakakataba ng puso ang mga resulta ng survey pero, Buddy. Hindi naman siguro binibilang yung boto sa survey kung hindi boto sa araw ng halalan. Kaya para sa akin, kung sinuman ang mataas o mababa sa survey, tuloy-tuloy lang dapat sa kanilang pagpaparating ng kanilang mensahe, layunin, prinsipyo at plataporma sa ating mga kababayan hanggang sa araw ng halalan. At sa senador o pagka-senador, number 1, number 3, number 5 o number 8, basta pasok po sa top 12, ang importante makapasok sa top 12. Pare-pareho lang naman ang suweldo at tawag dun.
BO: Opo at siyempre kung ang survey ay hindi nga mahalaga dahil ang totohanan ang actual survey sa May 9 ‘yung endorsement Senator Chiz, marami kasi yung talagang hinahanap sa panig ninyo. Obviously si Mayor Inday Sara nandiyan na. Si VP Leni rin at tsaka po ‘yung latest ‘yung League of Provinces of the Philippines. Gaano po ba at papaano niyo tinitingnan ang kahalagahan ng endorsement?
CHIZ: Para sa akin, malaking bagay dahil mag-isa lamang naman ako umiikot at parang independyente ang aking kandidatura. Taos-puso din akong nagpapasalamat sa lahat ng nagpahayag ng kanilang pagsuporta at pag-endorso, personalidad man o grupo. Pero para sa akin, higit dun Buddy, nais kong ipaalala sa ating mga kababayan na anuman ang kulay na ating dinadala, mas importante sa kulay at kandidatong sinusuportahan natin maalala at huwag nating makalimutan na tayo’y pare-pareho paring Pilipino na nakatira sa Pilipinas. Kaya dapat ang kulay nating dinadala pagkatapos ng halalan ay mga kulay na sumasagisag sa bandila ng ating bansa, mga kulay na pula, asul, puti at dilaw. Sana maalala natin na sinuman ang mananalong presidente, dapat pagsilbihan ng tapat at pantay ang bawat Pilipino binoto man sila o hindi, sinuportahan man sila o hindi.
BO: Opo at kami ‘pag Lunes nakapula kami Senator Chiz kaya bukas kulay pink naman. Pero sa pagtaas ng presyo ng gasolina, ang panawagan taas pasahe rin, dagdag-suweldo. Kayo bilang isang beterano na rin, papaano niyo rin ito tinitingnan? Mayroong mga nagsusulong legislated minimum wage, ano po ‘yung take niyo diyan?
CHIZ: Pabor ako sa legislated minimum wage. Panahon na, tingin ko, para pansamantalang bawiin ng Kongreso ang kapangyarihang dinelegate lamang sa Regional Wage Boards. Sa simpleng dahilan, hindi ginagawa ng Wage Board ang kanilang trabaho sa nagdaang dalawa o tatlong dekada. Sa sampung kahilingan ng manggagawang magtaas ng suweldo sa tamang halaga, ni isa yata wala silang pinagbigyan at palaging pinapaboran lamang ang mga negosyante. Ano ba naman ‘yung isa o dalawa sa sampung petition pagbigyan nila sa ngalan naman ng manggagawa. Dinelegate lamang ito ng Kongreso, pwede itong bawiin din ng Kongreso. Maganda ngang tanungin sa mga miyembro ng wage board. Saan ba sila namamalengke at naggo-grocery at ano bang sinasakyan nila patungo sa trabaho nila? Dahil klaro, hindi sapat ang umento at dagdag na binibigay nila para sa ating mga manggagawa. Kaugnay naman ng mataas na presyo ng langis, isusulong ko din ang pag-repeal at review ng Oil Deregulation Law. Maliwanag na hindi ‘yan tumupad sa kanyang pangakong papababain ang presyo ng produktong petrolyo. At saan ba naman kayo nakakita ng batas na yung mayamang may-ari ng gasolinahan, puwedeng magtaas kahit kailan niya gusto. Samantalang ‘yung mahirap at pobreng tsuper ng jeep at tricycle at pampublikong sasakyan, abay hindi puwedeng magtaas ng singil sa pamasahe ng hindi pinapayagan ng LTFRB o ng lokal na pamahalaan. Hindi ba dapat kung puwede ang mayaman, mas puwede ang mahirap. Hindi ba dapat kung bawal ang mahirap, mas bawal dapat ang mayaman. Ika nga ng prinsipyo sa batas, “those who have less in life should have more in law.”
BO: Senator Chiz, tinitignan din namin habang nag-uusap tayo ngayon ‘yung mga nagra-run ng mga video dito sa istasyon ano po. Marami ‘yung sumang-ayon, maraming kayong nagawa sa maikling panahon diyan sa Sorsogon. Sa madaling sabi po, kahit yung napapanood namin sa YouTube videos, umayos ‘yung lalawigan. Ang tanong, may mga proyekto ba kayong puwedeng i-replicate, doblehin o duplicate or whatever na gawin sa ibang lugar via legislation kapag kayo’y bumalik sa Senado?
CHIZ: Puwede po. Ang mga halimbawa ay kami ang nangungunang probinsya sa pagpapatupad ng UHC. Para hindi na mahirapan at dumaan pa sa butas ng karayom ang ibang lalawigan, puwede nilang kopyahin na lamang ‘yung ginawa po namin dun at puwede kong isabatas dahil maraming kailangan baguhin talaga para lubusang maipatupad ang UHC. Pangalawa ay ang pag-ISO certify ng aming lalawigan. Walo sa labing limang munisipyo at siyudad sa aming lalawigan ay ISO certified. Ito na yata ‘yung may pinakamaraming probinsya na may ISO certification na napakalaki ng tulong sa totoo lang para sa pagbibigay ng tamang serbisyo at mabilis na proseso para sa aming mga kababayan at constituents. Pangatlo, ang pagkakaroon ng interfaith cemetery sa kada munisipyo. At ‘yung aming tinatatag din ngayon, na home for homeless gays, upang sa gayon mabigyan ng karapatang puntahan ang mga nangangailangan nating kababayan anuman ang kanilang pangangailangan.
BO: Panghuling bagay sabi nga “save the best for last” si Senator Chiz ay may nag-iisang puso, si Heart Evangelista. Sabi niya sa lahat, in a sense talaga ang kandidato Senator Chiz. Ano ba ‘yung platapormang pag-aralan? Anong masasabi niyo diyan sa bagay na ‘yan in closing them?
CHIZ: Well, tama si Heart dahil para sa akin Buddy, sa araw lamang ng halalan tunay na nagkakapantay-pantay ang bawat Pilipino kung saan mayaman o mahirap, bata man o matanda, nagkapag-aral o hindi, may itsura o wala, pagdating ng araw ng halalan tig-i-tig-isang lamang tayo ng boto. Sana pakinabangan natin. Huwag nating sayangin. Gamitin natin ‘yang kapangyarihang at karapatan na binibigay sa atin ng batas. Minsan kada tatlong taon upang piliin ang susunod nating magiging mga lider sa darating na tatlo at anim na taon.
BO: Sorsogon Governor at senatorial candidate Francis ‘Chiz’ Escudero. Sir, maraming salamat. Good luck po sa inyo at magandang umaga.
CHIZ: Maraming salamat din po at taos-pusong pagbati. Magandang umaga po sa inyong lahat. Ingat kayo palagi.