SORSOGON PINURI NG CONDE NAST SA KAMANGHA-MANGHANG WILDLIFE

 

Dahil sa kamangha-mangha nitong wildlife, napabilang ang Sorsogon sa 10 pinakamamagandang isla sa Pilipinas, kasama ng global favorites na Boracay at El Nido.

Iniranggo ng Conde Nast Traveller, isa sa mga kilalang travel magazines sa buong mundo, ang Sorsogon bilang pangwalo sa hanay ng magagandang isla sa bansa. Nanguna ang Boracay, kasunod ang Siargao at pangatlo ang El Nido. Ang Coron at Pamalican, parehong nasa Palawan, ay pang-apat at panglima naman na sinundan ng Calaguas, Balesin, Sorsogon, San Juan (La Union), at Puerto Princesa.

“In many ways, Sorsogon is the best place to discover the Philippines’ vibrant wildlife – one of the richest in the world. It is perfect for those looking to add a bit of adventure to their Philippines sojourn. Here, you can swim with manta rays and giant ‘Butandings’ (whale sharks), hike the Bulusan Volcano National Park or sail along the Donsol River,” ayon sa Conde Nast Traveller.

Kilala ang Donsol, Sorsogon dahil sa ligtas at magiliw na interaksiyon ng mga turista sa mga Butanding kung saan nakakalangoy sila kasama ng mga ito nang hindi na kailangang hawakan o pakainin.

“A relatively-unknown spot, the Donsol River is a wonderfully ethereal boating experience, as its idyllic rural landscape gets transformed by hundreds of thousands of fireflies that illuminate the riverbank once night falls,” dagdag pa ng Conde Nast Traveller.

Malugod naman tinanggap ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero, na nagtutulak ng pag-unlad ng lokal na turismo para matulungan sa pagbangon ang lokal na ekonomiya matapos ang pandemya, ang magandang balita kasabay ng kanyang pagsasabi na hindi lang mayaman ang probinsiya sa wildlife kundi pati na rin sa kasaysayan.

Sinabi ni Escudero, na kumakandidato para sa Senado, na ang pinakasusi sa pagsusulong ng Pilipinas ay ang pagsasalaysay ng mga kuwento ng bawat lugar na siyang ginagawa sa ngayon ng probinsiya sa pamamagitan ng Sorsogon Museum and Heritage Center.

“Ang turismo ay hindi simpleng magagandang tanawin lamang; ang turismo ay hindi simpleng magagandang beach o mgagandang edipisyo o masasarap ng pagkain lamang. Higit sa lahat ng iyon, ang turismo ay tungkol sa kuwento na puwedeng sabihin sa bawat lugar. Hindi man ganoon katanyag ang kuwento tungkol sa lalawigan ng Sorsogon, tiyak kong kakaiba ang kuwentong sasabihan namin dahil ang kuwentong iyon ay tungkol sa amin at hindi puwedeng ihalintulad sa ibang lugar,” aniya.

Nitong Abril 7 lang, nakapagtala ang Pilipinas ng 202,700 pagbisita ng mga dayuhang turista na lampas sa puntirya nitong 200,000.