Nanguna si Sorsogon Governor Chiz Escudero, ang nag-iisang kasalukuyang chief executive ng probinsiya na kumakandidato para senador, ang pinakabagong non-commissioned “Pulso ng Pilipino” survey na isinagawa ng The Issues and Advocacy Center (The Center) kung saan 1-2 ang naging ranggo niya sa hanay ng 60 kandidato na naglalaban-laban sa 12 puwesto sa Senado.
Makikita sa resulta ng pre-election survey, na isinagawa sa buong bansa noong Abril 4-15, na 58% ng 2,440 respondents mula sa lahat ng grupong sosyo-ekonomiko edad 18-65 taong gulang ang nagsabi na kanilang iboboto si Escudero.
Sa kada rehiyon, ang beteranong mambabatas ay numero uno sa pagkasenador sa National Capital Region sa 67%, pati na rin sa buong Luzon sa 63%. Base sa resulta ng survey, paborito rin siya sa Visayas (60%) at Mindanao (40%).
Sinabi ng The Center na ang opinion poll nito ay may margin of error na +/- 3%.
Ang dating senador ay palaging nangunguna sa iba’t ibang independent surveys ng mga polling firms nitong mga nakalipas. Sa pinakahuling Pahayag senatorial survey ng Publicus Asia, na inilabas noong Abril 25, number one choice si Escudero nang sabihin ng 46.8% ng 1,500 respondents na kanilang iboboto ang beteraning senador kung naganap ang halalan sa panahong ginawa ang survey
Sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.
Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.
Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.
Ang League of Provinces of the Philippines ay isinama rin si Escudero sa listahan nito ng iniendorsong anim na kandidato sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9 habang ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin para sa kanyang balik-Senado.
Ang dating senador ay sinusuportahan din ng mga party-list group na kinabibilangan ng Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, Makabayan, at Uswag Ilonggo, at pati ng grupo ng kabataang Pilipino na Nationalist Social-Democratic Society.
Ang pinakamalaking non-government organization sa bansa na Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.