1BANGSA NG MINDANAO INENDORSO SI ESCUDERO PARA SENADOR

 

Sinusuportahan ng One Bangsamoro Movement (1BANGSA), isang alyansa ng mga multisektoral na organisasyon sa Mindanao, ang pagbabalik sa Senado ni Sorsogon Governor Chiz Escudero dahil sa kanyang legislative agenda na naglalayong iangat ang buhay ng mga mamamayang Pilipino.

Sa isang pahayag na naka-post noong Lunas sa opisyal na Facebook page nito sa okasyon ng Eid’ul Fitr, naglabas ang 1BANGSA ng listahan ng 12 senatorial candidates, kabilang si Escudero, na susuportahan nito sa halalan sa Mayo 9.

Inilarawan ng may isang milyong miyembrong 1BANGSA si Escudero, at pati rin ang dalawa pang dating senador na nagbabalik-Senado rin, bilang madaling katrabaho pagdating sa pagsusulong ng mga batas para sa kapakanan ng mga Pilipinong Muslim.

Ayon kay 1BANGSA National President Alan Amerbalangi, ang kanilang kilusan, na kinabibilangan ng mga kabataan at mag-aaral, kababaihan, Muslim scholar, Arabic teacher, sultan, at negosyanteng Muslim, ay nagkaisa sa pagbuo ng One Bangsamoro Solidarity Alliance upang masolido nila ang lahat ng kanilang boto para sa mga kandidato na nagpapamalas ng pagmamahal at malasakit para sa minoridad na Pilipinong Muslim at sa proseso ng pagkamit ng kapayapaan.

“If there is Solid North in Northern Luzon and One Cebu in the Visayas, there is also 1Bangsamoro people inside and outside of BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) territory,” ani Amerbalangi.

Sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.

Nananatili ang gobernador ng Sorsogon bilang isa sa mga nangungunang kandidato ayon na rin sa iba’t ibang pre-election surveys na kinabibilangan ng poll na isinagawa ng Publicus Asia kung saan nanguna siya nang sabihin ng 46.8% ng 1,500 respondents na siya’y kanilang iboboto kung naganap ang halalan sa panahong ginawa ang survey.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang League of Provinces of the Philippines ay isinama rin si Escudero sa listahan nito ng iniendorsong anim na kandidato sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9 habang nag mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin para sa kanyang balik-Senado.

Ang dating senador ay sinusuportahan din ng mga party-list group na kinabibilangan ng Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Uswag Ilonggo, at pati ng grupo ng kabataang Pilipino na Nationalist Social-Democratic Society.

Ang pinakamalaking non-government organization sa bansa na Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.

Paborito rin ng mga estudyante si Escudero na manalong senador batay na rin sa mga senatorial survey at mock election na ginanap sa 38 unibersidad at kolehiyo sa bansa.