Hinihimok ni senatorial aspirant at Sorsogon Governor Chiz Escudero ang mga estudyante sa kolehiyo na gamitin ang tertiary education subsidy (TES) na nagbibigay ng tuition subsidy at allowance na nagkakahalaga ng Php60,000 para sa mga nag-aaral sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad.
Sinabi niya na ang nasabing probisyon sa Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act ay hindi gaanong naipapabatid sa publiko kung kaya hindi rin nagagamit ng mga benepisyaryo.
“Merong probisyon iyang batas na yan na TES—Tertiary Education Subsidy—ibig sabihin hindi lang limitado sa nag-aaral sa state universities and colleges ang libre. Kung nag-aaral ka sa isang private university, puwede kang mag-apply para sa TES Scholarship kung saan magbibigay sila ng Php60,000 pang-tuition fee mo plus allowances pa,” ani Escudero na isang nangungunang tagasuporta ng libreng edukasyon noong siya’y naging senador.
“Gusto namin ipakita at patunayan na hindi lang pang-mayaman ang mga private universities and colleges. Dapat may oportunidad din ang bawat Pilipino kahit hindi pinanganak na mayaman na makapag-aral sa mga unibersidad na ‘yan,” ani Escudero.
Sinabi niya na dapat alamin muna ng mga mag-aaral kung ang kanilang mga paaralan ay accredited ng Commission on Higher Education (CHED) upang makapag-apply sila sa CHED para sa tuition subsidy at allowance sa ilalim ng TES program. Binigyang-diin niya na walang grade requirement ang TES.
“Hindi namin nilagay iyon basta pumapasa ka. Huwag ka namang bumagsak. Hindi kinakailangan maging honor, ang importante pumasa at makapagtapos sa kolehiyo,” aniya.
Noong 2019, nasa 33% lang ng mga Pilipino o 3 sa bawat 10 ang nakakapagkolehiyo, numerong hamak na mababa kung ikukumpara sa Thailand (43%) at Malaysia (44%), ayon sa CHED.
Sinabi ni Escudero, na dating chairman ng Senate Committee on Education, na ang intensiyon ng TES ay ang masuportahan ang lahat ng college students, pumapasok man sila sa pribado o pampubliko.
“Titingnan ng CHED ‘yung kalagayan economically ng pamilya niyo para malaman kung magkano, sakto ba ang ibibigay na tulong para makapag-aral at makapagtapos ka sa ano mang kursong pinili mo sa isang pribadong eskwelahan,” ani Escudero.