Ang kandidatura sa pagkasenador ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ay inendorso ng Balay Mindanaw Group na isang komunidad na binubuo ng mga non-government organization na nakabase sa Mindanao base sa internal mock election na ginawa nito.
Sa isang Facebook post ng Balay Mindanaw Group, si Escudero, ang nag-iisang kasalukuyang gobernador na tumatakbo para sa Senado, ay nakapasok sa Top 12 ng listahan ng mga senatorial candidate na iniendorso nito sa halalan sa Mayo 9. Mayroong mahigit 60 kandidato ang naglalaban-laban para sa 12 puwesto sa Senado.
Ipinaliwanag ng Balay Mindanaw Group na tradisyon na nitong magsagawa ng isang proseso ng pag-uusap base sa mga mithiin ng kanilang samahan habang pinag-iisipan din ng mga miyembro ang kanilang pagpili.
“An internal ‘mock’ elections will then be conducted to identify who among the candidates it will endorse and support. For this elections, 94 percent of staff, management and volunteers participated by filling up an anonymous online form,” anang grupo.
Ang Balay Mindanaw Group, na nakabase sa Cagayan De Oro, ay isang komunidad ng mga non-government organization na nagsama-sama sa layong makamit ang pagkakapantay-pantay, pag-unlad, at kapayapaan sa buong Mindanao.
Sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.
Ang gobernador ng Sorsogon ay palaging nangunguna sa iba’t ibang independent surveys ng mga polling firms nitong mga nakalipas. Sa pinakahuling Pahayag senatorial survey ng Publicus Asia kung saan numero uno si Escudero nang sabihin ng 46.8% ng 1,500 respondents na kanilang iboboto ang beteranong senador kung naganap ang halalan sa panahong ginawa ang survey
Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.
Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.
Ang League of Provinces of the Philippines ay isinama rin si Escudero sa listahan nito ng iniendorsong anim na kandidato sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9 habang nag mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin para sa kanyang balik-Senado.
Ang dating senador ay sinusuportahan din ng mga party-list group na kinabibilangan ng Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, Makabayan, at Uswag Ilonggo, at pati ng grupo ng kabataang Pilipino na Nationalist Social-Democratic Society.
Ang pinakamalaking non-government organization sa bansa na Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.
Lumilitaw rin na gustong-gusto manalo ng mga estudyante ang dating senador para sa karera sa Senado na makikita naman sa mga resulta ng mock elections na isinagawa ng hindi bababa 38 kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.