CESAR CHAVEZ (CC): Si Senator Chiz Escudero. Senator, magandang umaga ho sa inyo.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Cesar, magandang umaga sa iyo at sa ating mga tagapakinig at tagasubaybay. Magandang umaga din po, pagbati mula sa lalawigan ng Sorsogon.
CC: Alright. Senator Chiz, hindi ako magtatanong sa iyo bilang kandidato kundi bilang isang Pilipino. Kayo ay matagal nanilbihan bilang kongresista, matagal na nanilbihan bilang senador, ngayon ay bilang gobernador ng lalawigan ng Sorsogon. You could have been a presidential candidate, puwede kayong vice president, puwede kayong executive secretary, you could be appointed any in the cabinet positions. Hindi lang kayo kandidato, you are also a citizen of this country, Senator Chiz, ano ang taya ng mga Pilipino sa eleksyon na ito?
CHIZ: Kinabukasan nila sa susunod na anim na taon lalo na sa pagbangon ng sambayanan, sa pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya. Importante at mahalaga ang papel na gagampanan ng pamahalaan sa muling pagbabalik ng mga nawalang trabaho, sa muling pagbabalik ng mga nagsarang negosya, sa pagharap sa napakalaking utang ng ating bansa, sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at mga bilihin at idagdag pa natin ‘yung problema natin kaugnay sa kuryente.
CC: Doon sa mga binabanggit niyo, sa mga binanggit ho ninyo, saan dapat nagko-concentrate ang susunod na pangulo?
CHIZ: Hindi puwedeng iisa lamang Cesar. Lahat ‘yon sabay-sabay dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan. Napakali ng burukrasya ng pamahalaan at hindi naman dapat nakatuon lang ‘yon sa iisang bagay. Dapat nakatuon ‘yon sa lahat ng bagay na ‘yon at higit pa doon, hindi lamang isa-isa, hindi sunod-sunod pero sabay-sabay.
CC: Senator, hiwa o divided ang maraming Pilipino ngayon, pamilya, mga magkakamag-anak, magkakakalsada, magkaka-barangay, magkakaopisina. Papaano hihilumin ng susunod na pangulo ang ating bansa pagkatapos ng halalang ito?
CHIZ: Well, tama ka, Cesar. Ito ang isa sa pinakamainit na halalang nakita ko. Hindi dahil nagbabangayan at nag-aaway ang mga kandidato dahil nagbabangayan at nag-aaway ang mga sumusuporta sa iba’t ibang kandidato sa dinadala nilang iba’t ibang kulay. Para sa akin, dapat magsimula sa mahahalal na pangulo ang paghilom ng mga sugat na ito at muling pagkabuo ng nagkawatak-watak na Pilipino kaugnay ng sinusuportahan nila sa halalang ito sa pamamagitan ng pantay, pantay na paninilbihan sa bawat Pilipino, bawat Pilipino binoto man siya o hindi, sinuportahan man siya o hindi, bawat Pilipino minumura man siya o sinasabing “I love you” sa kanya dapat pantay at tapat niyang pagsilbihan ‘yon. At sa parte naman nating mga botante sa parte nating sumusuporta sa iba’t ibang kandidato sana matapos na ‘yung pagdala natin ng iba’t ibang kulay bago itong halalang ito. Sana pagkatapos ng halalan pare-pareho na lamang tayo ng kulay. Mga kulay na sumasagisag sa bandila at watawat ng ating bansa. Mga kulay na pula, asul, puti na may kaunting dilaw, dahil sa dulo iba man ang sinuportahan natin sa halalang ito pare-pareho pa rin tayong Pilipino, pare-pareho pa rin tayong nakasakay sa nag-iisang bangka na ang pangalan ay Pilipinas.
CC: Noong una kong nasubaybayan ang eleksyon dahilan sa radyo, I was grade 5 in a public school in a remote place sa Bicol at ‘yan ang 1978 Interim Batasang Pambansa. Mas mulat ako noong 1984 Batasang Pambansa. Higit akong mulat noong 1986. Sinundan noong 1992. Sinundan ng 1998, 2010, 2016. Senator Chiz, ano ang nakita ninyong bago sa 2022 elections kumpara sa nakaraang eleksyon?
CHIZ: Ang malaking ginagampanan at patuloy na ginagampanan ng social media. Bago ang uri, klase at paraan para maiparating ang mensahe sa ating mga kababayan kung saan na-democratize ang paghahatid ng mensahe at balita. Dati, Cesar, naalala ko limitado ito, sa radyo, diyaryo at telebisyon. Marami ang telebisyon pero noong simula noong pumutok ang social media, mapa-Friendster. Ika nga, naging Facebook, Instagram, TikTok, na-democratize ang pagkalap ng impormasyon at paghahatid ng balita sa social media platform na iyan kung saan hindi na lamang limitado sa mga reporters ang paghahatid ng balita. Bawat tao, bawat Pilipino, bawat nilalang puwedeng magpost kaugnay sa kanyang buhay, kaugnay sa kanyang nasaksihan, kanyang nararamdaman.
CC: Senator, habang nag-uusap tayo ngayon, posibleng narinig tayo sa 18 stations nationwide. Posibleng napapanood tayo sa more than 1,200 TV stations nationwide. Posibleng napapanood tayo sa dalawang FB pages ng DZRH News Television at radio. Posibleng may nanonood sa ating sa YouTube Channel at habang nagsasalita tayo ay si Liezel, tweet live sa mga sinasabi niyo tungkol sa DZRH online ay nakalabas din ang audio natin. Sa tingin ninyo, ano ang nag-iimpluwensiya sa sambayanang Pilipino sa kanyang pagpunta sa kanyang polling precinct sa Lunes? Ano ang single biggest factor sa kanyang pagdedesisyon dala-dala niya sa pagdedesisyon pagpunta niya at pagsulat niya ng mga kandidato sa polling precinct sa darating na Lunes?
CHIZ: Unang-una, Cesar, sa kagustuhan niya magpunta sa polling precinct para sa akin minsan lang kada tatlong taon tunay na nagkakapantay-pantay ang bawat Pilipino. Bawat Pilipino mayaman man o mahirap, nakapag-aral o hindi, may hitsura o wala, babae man o lalaki, dahil sa araw lang iyan sa May 9 at minsan kada tatlong taon tunay na nakakapagpantay-pantay ang bawat Pilipino. Maski na presidente ka, tsuper ka ng dyip, senador ka, tsuper ka ng tricycle, tigi-tigisa lang tayo ng boto. Sa araw lang iyan na tunay nagkakapantay-pantay ang bawat isa kaya marapat lang huwag natin sayangin ang pagkakataon na makilahok sa proseso ng demokrasya kaugnay sa pagpili sa susunod nating magiging lider at tatlo at anim na taon depende sa puwesto.
Kaugnay sa pagboto at pagpili ng partikular na kandidato tulad nabanggit mo Cesar, mula pangulo pababa sa konsehal ng kada bayan, kada Pilipino ay may rason at dahilan marahil natulungan siya, marahil kaklase, kamag-anak, kapitbahay niya, o kababayan niya marahil nagustuhan niya ang narinig at nakita niya kada isa sa atin merong rason at dahilan na personal sa kada botante. Hindi para sa akin o kanino man na husgahan ang rason sa likod ng pag boto o rason sa, o dahilan sa pagboto ng sino mang botante sa napupusuan niyang kandidato. Kaya nga tinawag na, Cesar, na “napupusuan na kandidato” dahil nasa loob ng puso ng bawat elector at botante at maliban na lang kung mag papaopera ka sa puso hindi mo makikita kung ano ang nasa loob ng puso ng tao sa pamamagitan lamang ng aksyon niya o sa kasong ito pag shade ng dapat shade ng lugar sa kandidato sa kandidatong pipiliin mo at napupusuan mo sa iba’t ibang pwesto.
CC: Senator, you were not only a former congressman, a former senator, now a hovernor but most importantly you’re a citizen of this Republic, tuloy tuloy ang pag obserba ho ninyo sa development sa yugto ng iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan, ano sa tingin niyo ang pinakaimportanteng lessons in the last elections na huwag dapat kalimutan ng sambayanang Pilipino sa kanyang pag tungo sa polling precinct sa darating na Lunes?
CHIZ: Iisa lamang, na anuamn ang kulay ng kanyang dinadala ngayon, sino man ang kanyang sinusuportahang kandidato ngayon, sana wag nilang kakalimutan palaging maalala na tulad ng binaggit ko, parepareho o tayong Pilipino, pare-pareho pa rin po tayong naninirahan at nakasakay sa nag iisang bangka at sana, sino man ang mananalo, bigyan natin ng sapat na lugar at tiwala, pinili man natin siya o hindi. Ang pagkakaisa na binabanggit mo kanina, Cesar, dapat mag mula sa mananalong kandidato pati sa ating lahat dahil para po sa akin, sa isang demokrasya, iisa lamang ang batas na sinusunod, ‘yung gusto ng nakakarami iyon man ang ating desisyon, taliwas man ‘yan sa gusto natin, kung ‘yan ang sinabi ng mas nakararami, obligado at issa lamang ang dapat nating sundin, ‘yung gusto ng nakararami. Sang-ayon man tayo dun o hindi. ‘Yan ang batas ng demokrasya. ‘Yan ang batas na umiiral kada magkaka-eleksyon po tayo. Hindi naman sa lahat ng panahon, yung pinipili natin ang mananalo. Hindi naman sa lahat ng panahon, ‘yung pinipili natin ang mananalo. Manalo man o matalo, importanteng nakilahok tayo sa proseso, sumama tayo sa proseso at bigyang daan ang pinili o pipiliin ng mas nakararami nating mga kababayan.
CC: Senator, last point, last question. Sa present set ng mga kandidato sa pang-panguluhan, without naming names, may nakikita ho ba kayong pag-asa na mas uunad ang ating bansa pagkatapos ng eleksyong ito?
CHIZ: Oo, Cesar. yan ang pinaghahawakan ng kada botante sinuman ang kanilang iboboto. Na ang kandidatong kanilang pinipili, ang kandidatong kanilang iboboto ay magbibigay ng pagbabago, ng tulong, ng pagganda at pag-ayos ng ating bansa pero gaya ng sabi ko. Sinuman ang manalo, ‘yung pinili man natin o hini, ang ating pag-asang paghahawakan at mas gaganda mula sa kasalukuyang kinakalagyan, mas aayos mula sa kasalukuyang kaguluhan at mas aangat mula sa kasalukuyang lugmok na kalagayan ng ating bansa. Sana panghawakan natin ‘yung pag-asang ‘yon at huwag nating bibitiwan at kung may magagawa tayo, mai-aambag tayo pagkatapos ng halalang ito para makatulong sa pag-angat, pagganda at pag-ayos ng ating bansa. Sana huwag din po tayong mag-atubili na gawin po ‘yan sa mga susunod na araw matapos ang halalan.
CC: Senator Chiz Escudero, maramign salamat ho sa pagtanggap ho ninyo ng aming tawag sa umagang ito. Magandang umaga. Dios mabalos.
CHIZ: Maraming salamat, Sir. Magandang umaga. Ingat kayo.