AGRI PARTY-LIST INENDORSO NI ESCUDERO

 

Nagdeklara ng buong pagsuporta ang nakabase sa Davao City na AGRI Party-list para sa kandidatura ni Sorsogon Governor Chiz Escudero, na tumatakbo para sa bagong anim na taong termino sa Senado ngayong Halalan 2022, kung saan itinuturing siya na isang “masasandigang kaalyado” ng mga magsasaka at ng sektor ng agrikultura.

Sa isang pahayag, sinabi ni AGRI chairman Wilbert Lee na ang kanilang party-list group, na kumakatawan sa mga magsasaka at manggagawang bukid, ay sinusuportahan ang balik-Senado ni Escudero dahil sa aniya’y matibay at matagal na nitong paninindigan sa pagsuporta sa buong industriya.

“Nakikiisa ang AGRI Party-list sa milyon-milyong botante, sa maraming organisasyong sektoral, at sa mga kapwa namin party-list group na naghayag ng kanilang pagsuporta sa kandidatura sa Senado ni Sorsogon Gov. Francis Joseph ‘Chiz’ G. Escudero,” ani Lee. “AGRI kami kay Chiz sa Senado.”

Sa buong 21 taon bilang mambabatas, 12 taon dito’y bilang senador, sinabi ni Lee na si Escudero ay palaging sumusuporta sa mga batas, programa, at polisiya para sa kapakinabangan ng magsasakang Pinoy.

“Kay Governor Escudero, may masasandigang kakampi ang sektor ng agrikultura na kahit kailan ay hindi nagsawang isulong ang pagtaas ng pondo at patuloy na sumuporta sa aming sektor dahil kanyang kinikilala ang importanteng papel nito sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain ng ating mga mamamayan at kakayahan nitong mag-ambag sa pag-unlad ng ating ekonomiya,” aniya.

Malaki ang kumpiyansa ng party-list group na makikinabang ang institusyon kapag nakabalik si Escudero sa Senado dahil sa kanyang kaalaman, karanasan, track record, at pagmamahal sa bayan.

Ang AGRI Party-list, na itinayo noong 2005 at kalahok din sa eleksiyon ngayong taon, ay bagong karagdagan sa lumalawak na pagsuporta ng mga party-list organization sa kandidatura ni Escudero para sa Senado na kinabibilangan ng Ang Kabuhayan, An Waray, ARISE, BHW, Kusog Bikolandia, Agimat, at Magdalo.

Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay inenderso na rin ang gobernador.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin si Escudero sa kani-kanilang senatorial slates.

Si UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin sa kasalukuyang pinuno ng Sorsogon.