BALIK-SENADO NI CHIZ, SUPORTADO NG KUSOG BIKOLANDIA

 

Inendorso ng Kusog Bikolandia, isang pary-list na kumakatawan sa Region 5, ang kandidatura para sa Senado ni Sorsogon Governor Chiz Escudero sa darating na Halalan 2022.

Sa isang sulat kay Escudero, sinabi ni Kusog Bikolandia chairperson Atty. Jopito Agualada na sinusuportahan ng kanilang party-list nang walang pag-aalinlangan ang kandidatura para sa Senado ni Escudero matapos aprubahan ng buong board ang isang resolusyon na nag-eendorso sa kanya.

“The Board has decided that we shall officially endorse you as our candidate for Senator in the upcoming 2022 national elections,” ani Agualada na kabilang sa mga programa ng kanilang grupo ang pagtulong sa sektor ng agrikultura at sa industriya ng turismo.

Ang pag-endorso ng Kusog Bikolandia ay isang bagong karagdagan sa dumaraming pagsuporta ng mga grupong politikal at opisyal sa kandidatura para sa Senado ni Escudero na kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan at ang pagtulong sa pagbabangon ng bansa mula sa pandemya.

Nagdeklara ng pagsuporta ang mga party-list group na Ang Kabuhayan, An Waray, ARISE, Agimat, BHW, at Magdalo para sa kandidatura sa Senado ng beteranong mambabatas. Ang Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, isa sa napakalaking non-government organization sa bansa, ay naghayag din ng pagsuporta sa kanya.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero na palaging nangunguna sa iba’t ibang independent pre-election surveys.

Si UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin sa kasalukuyang pinuno ng Sorsogon.