DANIEL CASTRO (DC): Sir Chiz, Governor Chiz Escudero, magandang umaga po Gov.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Daniel, magandang umaga sa iyo. Sa lahat ng listeners natin sa Calamba at sa buong lalawigan ng Laguna at CALABARZON, magandang umaga po sa inyong lahat. Kumusta ka na, Daniel?
DC: Mabuti naman po, Senator. Naku, halfway through na po tayo sa campaign period. So far, kumusta naman din po kayo sa inyo pong paglilibot sa ating bansa?
CHIZ: Mabuti naman, Daniel. Pero hindi tulad ng ibang candidato, gobernador parin ako ng Lalawigan ng Sorsogon. Rason para hindi ako gaanong makalibot ng kasing dalas, mga dalawa hangga’t tatlong araw lamang sa isang linggo dahil may tungkulin pa rin akong dapat gampanan bilang ama ng aming lalawigan.
DC: OK. Alam ko po napakabusy ng schedule po ninyo maging inyo pong misis, na si Heart, may panahon pa po ba kayo sa isa’t isa? Kumusta po kayo so far?
CHIZ: Meron naman, Daniel. Pero alam mo para sa akin, maganda narin na magkaiba ‘yung aming linya ng trabaho. Para pag-uwi namin sa bahay, ibang kwento ang dala namin. Matututo kami mula sa isa’t isa. At ‘yung kagalit nya, hindi ko kagalit. ‘Yung kagalit ko, hindi nya kagalit. Rason para mas maging maayos ang aming samahan at relasyon. Noong nagdaang linggo galing siya sa Paris, ako galing Mindanao. Siya’y nasa Europa, ako’y nasa Pilipinas. Pero maganda na rin ‘yung minsan-minsan, LDR, Daniel, dahil ‘pag hindi kami magkapiling, siyempre nami-miss namin ang isa’t isa. At ‘pag nagkita naman, siyempre naman may pananabik at may gigil.
DC: Ayon. Teka. Pagka kayo po ay nagkakaroon ng pagkataon kayong magkuwentuhan, sino pong mas maraming kwento?
CHIZ: Siya palagi, mas exciting ang buhay niya kasya buhay ko, Daniel. Palaging siya.
DC: OK. Sige po. Naku Gov, maraming gustong makakita rin siyempre ang inyong asawa na si Ms. Heart. Ano po na makasama ninyo sa kampanya, mapagbibigyan po ba kaya ninyo ‘yung inyong mga tagahanga? Maging mga tagahanga ni Ms.Heart na magkasama sa kampanya?
CHIZ: Maglilibot palagi si Heart pero baka sa Abril pa, Daniel. Pero malamang hindi kami magkakasama dahil pag nagsama kami Daniel, baka siya na lang ang pansinin mo at hindi na ako. At papapicture ka sa kanya at bigay mo sa akin ‘yung cellphone mo. Hiwalay ang pupuntahan naming lugar para mas marami kaming lugar na marating kasi nga, Daniel, hindi naman ako araw araw nakakapag-ikot.
DC: Ayon. Naku. Pinaplano ko palang Gov. Naunahan mo na ako. Naku. Heto.
CHIZ: Sabi ko sa iyo, i-aabot mo sa akin ‘yung cellphone.
DC: Kaya nga. ‘Di bale, puwede naman tayong mag-selfie na lang kung sakali magkasama po kayo ni Ms. Heart, kaya naman ‘yun. OK. Gov, heto naman po ano, buong Pilipinas talaga apektado dito sa pagtaas ng presyo ng gasolina. Ano po kaya ang maaaring puwedeng gawing solusyon lalong-lalo na dun sa sektor na matatamaan nito, sa transportasyon, unang-una?
CHIZ: Maraming magagawa. Sang-ayon ako sa pinatawag na special session ni Pangulong Duterte. At kung hindi man, layunin kong ako ang manguna sa mga bagay na ito. ‘Yung Php2.5 billion na subsidiya sa transport sector, Daniel, ay kulang. Dapat magpasa ng supplemental budget ang pamahalaan para sa transport sector dahil tatagal pa ito ng dalawa hanggang tatlong buwan. Depende kung gaano katagal ang giyera sa Ukraine.
Pangalawa, dapat i-review na ang Oil Deregulation Law. Hindi ito tumupad sa pangako niyang bababa ang presyo ng produktong petrolyo. Ito’y dapat amyendahan sa mga sumusunod na paraan. Una, bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno maglagay ng cap sa presyo ng produktong petrolyo. Ito’y puwedeng i-match sa pamamagitan ng paglikha muli ng OPSF o Oil Price Stabilization Fund. Para may panukli tayo sa mga kumpanya ng langis kapalit ng hindi pagtaas ng presyo.
Pangalawa, bigyan natin ng kapangyarihan ang gobyerno rin ibaba ang buwis kapagka tumataas ang presyo ng langis. Humigit kumulang tatlo hanggang walong piso ang puwedeng ibaba sa presyo ng produktong petrolyo kung gagawin po natin na ito.
At pangatlo, magtatag na tayo ng strategic petroleum reserve. Ito ay imbakan, stock piling ika nga, ng produktong petrolyo Daniel. Para sa gayon, bibili tayo, ‘wag ngayon. Kapagka mura ang presyo sa world market, isa-stock natin, itatago lang natin. At kapagka nangyari uli ito, ipapalabas natin ‘yung stock natin at ibebenta natin ng mura dito sa loob ng Pilipinas. Ginagawa na ito ng ibang bansa. Hindi na natin kailangan mag-imbento. Kopya na lamang natin ang best practices nila.
DC: Correct. Wala naman pong masamang mangopya kung sa ikabubuti naman po ng ating bansa, ‘di ba Gov?
CHIZ: Tama po kayo. Ito ang kinakailangan gawin sa panahong ito. Para hindi po gaanong maapektohan. Maapektuhan man, may kutson ika nga na sasalo, parachute na sasalo sa ating mga kababayan.
DC: ‘Yun pong Oil Deregulation Law, Governor, ano po bang puwedeng gawin dun?
CHIZ: Gaya ng sinabi ko, dapat amyendahan ‘yan. Dun sa mga aspetong nabanggit ko para hindi naman inutil ang gobyerno tuwing tumataas ang presyo ng produktong petrolyo.
DC: OK. Pagtaas po ng gasolina talagang parang domino effect ano, Governor, pati bilihin talaga, lahat. Kuryente tataas narin. Meron pong ano, meron pong binubuhay, ika nga, na usapin ‘yung other source ng enerhiya like ‘yung ating nuclear plant sa Bataan? Ano po ang inyong masasabi diyan?
CHIZ: Anumang source ng kuryente, anumang teknolohiya, dapat maging bukas tayo, Daniel. Basta’t una, susunod ‘yan sa tinatalaga ng batas. Pangalawa, ito’y tiyak na ligtas. May pangatlo, kung nuclear ang pag-uusapan natin, dapat sumunod din ‘yan sa alituntunin sa regulasyon ng International Atomic Energy Agency ng United Nations. Walang bansang puwedeng magkaroon ng plantang nuclear kung hindi po ‘yan aaprubahan ng International Atomic Energy Agency ng UN.
DC: OK. Tinututulan po ninyo ‘yung mungkahi ng Department of Finance na magtaas ng tax, ano po. So ano po ang pupwedeng alternative naman daw na solusyon para matustusan ang gastusin po ng pamahalaan. Kasama po ‘yung pambayad sa utang natin, parang Php12-T po yata.
CHIZ: Alam niyo parang masamang ugaling tatay o ama itong si Sec. Dominguez at DOF. Sila umutang, ginastos ang inutang, gustong ipasa sa susunod na henerasyon at administrasyon ang pagbabayad nito. Tututulan ko po talaga ‘yan ng buong lakas at tapang dahil hindi po ‘yan tama sa panahon ng pandemya. Walang bansang nagtaas ng buwis sa gitna ng pandemya. Tayo lang kung saka-sakali dahil maling stratehiya po talaga ‘yan. Kung kulang talaga ang pananalapi ng pamahalaan, ang puwede po nilang pagkunan ay: una, magbenta po sila ng mga ari-arian at property na hindi naman nila kailangan at ginagamit.
Pangalawa, i-tap ang private sector sa pamamagitan ng PPP at BOT para gawin ang mga imprastrakturang kailangang gawin ng hindi na kailangan kunin pa mula sa kaban ng bayan. Kabilang na diyan ‘yung elevated highway ng EDSA, SCTEX, NLEX pati ‘yung Star Tollway. Lahat ‘yan ay mula sa pribadong sektor. Damihan pa natin ang mga proyekto tulad po niyan.
At pangatlo, ayon sa Ombudsman, Php600-B ang nawawala kada taon dahil sa corruption. Kalahati lang nun ang mapigilan natin, kalahati ang nun ang mabawi natin, ang Php300-B ay sobra-sobra pambayad sa taonang hulog sa utang natin. May malaki pang sukli Daniel para sa dagdag serbisyo kabilang na ‘yung subsidiya na dapat ibigay sa transport sector po natin.
DC: Speaking of transport sector Governor, ano pong masasabi nyo doon sa subsidy na binibigay sa mga tsuper or ayuda?
CHIZ: Gaya ng sabi ko po, kulang ‘yun, Daniel. Dapat dagdagan ‘yun at dapat magpasa ng Supplemental Budget ang Kongreso para diyan. Ang Php2.5-B ay hindi sapat dahi matagal tagal pa itong krisis na ito sa presyo ng gasolina sa ating bansa.
DC: Sabi nga nung ibang mga tsuper, parang wala pang isang linggo, ubos na raw po ‘yon.
CHIZ: Tama po kayo. Kaya nga kulang at dapat dagdagan. Tulad ng binanggit ko nung nauna, Daniel, Supplemental Budget ng Kongreso ang dapat ipasa at gawin.
DC: OK, Gov, maisingit ko lang po ano, nabanggit nyo kasi kanina talagang ang laki po ng perang napupunta sa korupsyon, ano po ba ‘yung inyo namang panukala din para malabanan po ang korapsyon?
CHIZ: May simpleng prinsipyo para labanan ang korapsyon, Daniel: discretion equals corruption. Minimize discretion, you minimize corruption. Eliminate discretion, you eliminate corruption. Noong nagkaroon ng debate, ang binanggit ng mga presidentiable, karamihan sa kanila, na ang pinaka-corrupt na ahensya ay Bureau of Customs. Dapat i-adopt sa Bureau of Customs ang tinatawag nating First In – First Out o FIFO doctrine. Tatanggalan niyan ng diskresyon ang sinumang taga-Customs. Mamili kung anong kargamento ang uunahing i-process at alin ang ihuhuli. Diyan naman nanggagaling ang lagayan.
Pangalawa, ilang mga innovation sa Bureau of Customs. Palitan natin lahat ng la mesa nila. Dapat wala ng drawer. Salamin na la mesa bigay natin sa kanila. At pangalawa, palitan natin ng uniporme ang mga taga Bureau of Customs, dapat ‘yung uniporme nila lahat walang bulsa. Para maiwasan o mapahirapan man lamang ang pagtanggap at corruption sa ahensyang ‘yan.
DC: ‘Yun. Maganda po ‘yun, walang bulsa. Parang ‘yung ano, parang ‘yung mga service crew ng fast food, wala nga pong bulsa ang uniform, ‘di ba Gov.
CHIZ: Tama po kayo. Hindi lang ‘yun, pati ang la mesa gawin nating salamin at walang drawer.
DC: Walang drawer. ‘Yun, maganda ‘yan, maganda ‘yan. OK. Gov, ang tanong po ng mga taga-Laguna, CALABARZON, kailan daw po kayo naka-schedule or may planong pumasyal dito para naman manuyo ng inyong mga supporters?
CHIZ: Sa darating na linggo, alam ko bago matapos ang buwan, Daniel, ay magtutungo kami ng Calamba. At dadaan ng Calamba galing sa Camarines Norte, Daet patungo naman ng Batangas para sa isang rally sa gabi.
DC: Ayon. Naku. Sigurado excited na yung inyo pong mga followers. Ayan, Gov, panghuli po. Mensahe sa ating mga kalalawigan sa Laguna at buong CALABARZON.
CHIZ: Sa muli po, dumudulog at ako at hinihiling ang inyong tulong at suporta sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para muling maging kinatawan, miyembro ninyo sa Senado. Ang inaalay at inaalok ko po anumang talento, galing, talino at karanasan ko upang makapagbigay ng mga siguradong solusyon at direksyon sa mabibigat na problema na kinakaharap po ng ating bansa sa ngayon. Hindi po ito panahon para ikaw nga mag-eksperimento, mag-OJT o magpraktis. Panahon po ito ng mabilisang at agarang galaw at pagkilos kaugnay sa mabibigat na problema natin sa ngayon dulot ng pandemya. Daniel, karangalan kong muling makausap at makapiling ikaw at ang ating mga tagasubaybay sa umagang ito. Sa muli, maraming maraming salamat at magandang umaga po sa inyong lahat. Ingat ka palagi, Daniel.
DC: Thank you, Governor. Maraming salamat din po. Ingat din kayo always.