Pinangunahan ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang muling pagbubukas at inagurasyon ng Bulusan Eco-tourism Center and Facilities sa Bulusan Volcano Natural Park makaraan ang dalawang taon ng malawakang rehabilitasyon upang tumanggap ng mas maraming lokal at dayuhang turista ngayong lumulawag na ang mga restriksiyon sa pagbibiyahe sa buong bansa dahil sa pagbaba na rin ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
“Ginawa nating world class ang mga facililities dito sa park upang mas marami pang turista ang pumunta sa muling pagbubukas ng ating lalawigan dahil sa paghupa na ng mga kaso ng COVID sa Pilipinas. Pinaganda pa natin ang lugar na ito at hindi lamang ang lalawigan ng Sorsogon ang makikinabang, kundi partikular ang bayan ng Bulusan,” ani Escudero sa seremonya ng pagbubukas noong Sabado.
Nasa natural park din ang Bulusan Eco-Adventours, na inilunsad kasabay ng pagbebendisyon at inagurasyon ng tourism center. Mayroon din itong mga bagong amenidad tulad ng al fresco coffee shop and restaurant, massage spa, at souvenir shop.
Bukas na rin ngayon para sa mga bisita ang mga libangan dito tulad ng eco-tour, trekking, kayaking, stand up paddling, boating and fishing.
Inanunsiyo ni Escudero na nakahanay na rin para sa restorasyon at pagpapaganda ang iba pang atraksiyon sa Bulusan Volcano National Park, na isang protected area, at kabilang sa mga ito ang 18th century bell tower ng St. James The Great Church na gagawin ka-partner ang National Historical Commission of the Philippines.
Maliban sa pisikal na pagpapaganda ng mga lugar ng turismo, sinabi ni Escudero na mayroong ding pangangailangang buhayin ang magagandang kuwento at kasaysayan na nasa likod ng mga landmark at destinasyon sa Sorsogon para mas mapahalagahan ng mga Sorsoganon at bisita.
“Ang turismo ay hindi lamang tungkol sa magagandang tanawin at mga lugar. Bahagi ng turismo ang kasaysayan at pinanggalingan ng lugar na sana sa sinumang bibisita rito ay malaman at makita niya ang mga karasanan at kuwento ng mga pangyayari katulad dito sa Bulusan,” pagbibigay-diin ni Escudero.
Kanyang pinapurihan ang Provincial Tourism Office, ang lokal na pamahalaan ng Bulusan, at ang iba pang ahensiya ng gobyerno na tumulong sa pagpapaganda ng Bulusan park na isinagawa sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Umaasa ang hepe ng PTO na si Bobby Gigantone na maeengganyo ng bayan ng Bulusan ang kahit maliit na porsiyento ng mga nagpuntang 141,000 turista, karamihan dito’y lokal, noong 2019 ngayong unti-unti nang nagbabalik-normal na ang sitwasyon.