Sa pagtutuon ng pansin sa mga botante imbes na sa mga kandidato isang buwan bago ang halalan sa Mayo 9, sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na ang pagsali sa proseso ng halalan at paggamit sa karapatan sa pagboto ang pinakamalaking akto ng kabayanihan na magagawa ng mga Pilipino ngayong taon.
Ayon sa senatorial candidate, sa gitna ng ingay ng kampanyahan, dapat pumili ang mga mamamayan ng mga pinuno na isusulong ang mga interes ng bansa bago kanilang sarili, magtatraho nang may integridad, at paglilingkuran ang mga sektor na matagal nang napababayaan ng pamahalalan tulad ng mga magsasaka, mangingisda, at malililit na negosyante.
“Sa araw lamang ng halalan tayo nagkakapantay-pantay—gobernador, bise-gobernador, congressman, tricycle driver, kasambahay, nagtitinda sa palengke, kargador sa palengke, walang trabaho, mayaman o mahirap, babae o lalaki, nakapag-aral o hindi, may hitsura o wala. Pagdating ng eleksyon, pantay-pantay tayo. Tig-i tig-isa lang tayo ng boto,” ani Escudero.
“Huwag natin sayangin ‘yung pagkakataon na ‘yun. Pumili at piliin kung sino talaga ang nararapat at karapat-dapat. At hindi natin trabaho husgahan ang ating kapwa dahil iba lamang ang pananaw niya,” aniya.
Binigyang-diin ng beteranong mababatas na ang presidential campaign ngayon taon ang siyang pinakamainit sa buong kasaysayan ng halalan sa bansa na nagreresulta sa pagkakahati-hati ng magkakapamilya at magkakaibigan dahil sa masigasig nilang pagsuporta sa mga napupusuan nilang kandidato. Pinaalalahanan niya ang mga botante na magkakaibigan ang karamihan ng mga kandidato kapag wala sila sa entablado ng kampanyahan.
“Huwag nating pakaseryosohin na dumating sa puntong makakaaway na natin ang ating mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay…Ulitin ko, hanggang May 9 po lamang ito. Sana pagkatapos nito, tingnan natin ang ating mga sarili, hindi bilang Bicolano, Ilocano, Cebuano, Waray, Kapampangan, Batangueño o kung saan man galing—pare-pareho pa rin tayong Pilipino,” Escudero said.
Sa pagdiriwang ng mga Pilipino sa Araw ng Kagitingan eksaktong isang buwan bago ang halalan, muling ipinaalala ni Escudero na obligasyon ng mga pinuno na pagsilbihan ang lahat ng Pilipino at hindi lang ang kanilang mga tagasuporta.
“Sa dulo, sinuman ang mananalong pangulo ng bansa, dapat pantay niyang pagsilbihan ang bawat isa sa atin. Binoto man siya o hindi, sinuportahan man siya o hindi, gusto man siya o minumura siya ngayong panahon ng kampanyahan, dapat pantay niyang pagsilbihan ‘yun,” aniya.
Nasa 65.7 milyon ang mga rehistradong botante sa halalan ngayong 2022 na mas mataas ng 3.9 milyon kumpara sa 2019 midterm elections. Karagdagan pa rito ang 1.6 milyong rehistradong overseas Filipino voters.