Ngayong nasa 75 milyon na ang bilang ng mga Pilipino na nasa edad ng pagtatrabaho o working age, sinabi ni senatorial candidate at Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat lumikha ng susunod na administrasyon ng mga produktibong oportunidad sa trabaho, lalo para sa halos apat na milyong nawalan ng hanapbuhay sa hindi matapos-tapos na pandemya.
Ayon kay Escudero, dapat na gastusin ng pamahalaan ang buong pondo nito para sa 2022 sa pagpapagalaw ng ekonomiya na ang balik ay makalikha ng mga trabaho.
“Bilang miyembro ng Senado dati man o kung bibigyan ng pagkakataon, ang pinapasa namin ay batas. Kung pwede ko lang isabatas na lahat ng naghahanap ng trabaho ay mabibigyan ng trabaho, matagal na sana isinabatas iyan,” ani Escudero.
“Pero ang trabaho ng Senado ay magpasa ng batas na magbibigay-daan dito gamit ang taunang budget at appropriation. Iyan ang magsisilbing tulay para muling bumangon ang ekonomiya at malagyan ng karampatang pondo ang mga sektor. Dapat magsilbing recovery budget ang 2022 GAA para manumbalik ang trabaho, magbukas muli ang mga negosyo, at gumulong uli ang ating ekonomiya,” aniya.
Sa huling numero sa nakaraang taon mula sa Philippine Statistics Authority, nasa 6.6% unemployment rate ng bansa o katumbas ng 3.27 milyong walang trabaho kahit pa isang magandang senyales ang pagtaas sa 65.1% ng labor force participation rate o ang bahagi ng populasyon ng mga working-age na kasulukuyang nagtatrabaho o naghahanap ng trabaho.
Muling iginiit ng beteranong mambabatas ang kanyang panawagan sa pambansang gobyerno na paabutin ang mga programa ukol sa ekonomiya at trabaho sa mahihirap na rehiyon dahil aniya’y hindi lang naman limitado ang mga walang trabaho sa mga urban center sa Metro Manila, CALABARZON, at Central Visayas.
“Ayon sa United Nations, may 75 milyong Pilipino ang nasa working age, or 15 years old pataas. Bawat taon, nadadagdagan iyan ng 600,000. Hindi lahat ng naghahanap ng trabaho nasa siyudad, kaya dapat ang recovery programs ng gobyerno ay ikalat din sa ibang parte ng bansa upang makapagbigay ng pantay na pagkakataong mag-negosyo at mag-trabaho ang bawat Pilipino, at sa gayon, pantay ding umangat ang ating ekonomiya,” ani Escudero.
Sinabi ni Escudero, na matagal nang itinutulak ang mas aktibong partisipasyon ng pribadong sektor sa pagbangon ng ekonomiya, na isang paraan sa paglikha ng mga trabaho ang Build, Build, Build. Sa pamamagitan ng paghataw sa mga proyektong pang-imprastruktura, lalo na sa mga probinsiya, ay maikakalat ang mga oportunidad sa maraming lugar sa bansa.
Sakto sa papabuwelo na uling ekonomiya ng bansa, maaari rin aniyang tingnan ng gobyerno kung papaano makapag-aambag sa paglawak ng sektor ng manupaktura upang makalikha naman ng mga trabaho para sa mga unskilled.